Nakalakihan na ng Dalaga ang Galit sa Ina Dahil Iniwan Sila Nito Upang Magtrabaho sa Ibang Bansa; Nang Magbalik Ito’y Payat na Payat at Wala na sa Sarili
‘“Nay, huwag ka nang umalis. Mahal na mahal ka namin,” wika ni Mary.
Ito ang mga katagang huling sinambit ni Mary bago tuluyang umalis ang kaniyang ina patungong ibang bansa. Nagsakripisyo ito upang mabigyan sila ng marangyang buhay.
Panganay si Mary sa limang magkakapatid. Pitong taong gulang pa lamang siya nang iwan sila ng kanilang ina at ang tanging kasama lamang nila ay si Aling Marsing, ang kanilang yaya.
Lumaki silang limang magkakapatid na walang tumatayong mga magulang. Tanging ang bawat isa lamang ang kanilang nasasandalan tuwing may pinagdadaanan. Mahirap ngunit wala silang ibang magawa kung hindi sumunod sa agos ng buhay.
Mabait naman ang kanilang Yaya Marsing ngunit may sarili rin itong mga problema sa kaniyang pamilya, lalo pa’t babaero ang asawa nito.
Lumipas ang walong taon at nagdiwang ng labinlimang kaarawan si Mary. Maraming pagkain, laruan para sa mga kapatid, pangdalagitang kagamitan, at mga bestida ang pinadala ng kaniyang ina mula Saudi. Gayunpaman ay napakalungkot pa rin niya sapagkat tanging hangad niya lamang sa kaniyang kaarawan ay isang kumpletong pamilya.
Nagpapadala ito ng sustento buwan-buwan ngunit ni tawag o sulat ay hindi nito magawa. Ni bumati sa kanila tuwing kaarawan nila ay wala itong oras.
Kada pupunta si Mary ng bangko ay nadadagdagan ang laman ng kaniyang ATM card ngunit pabawas naman nang pabawas ang pagmamahal at respeto niya sa ina.
“Dinadaan mo kami sa pera ngunit hindi mo man lang kami paglaanan ng oras. Walang tawag o kung anuman, maski sulat!” galit na sambit ni Mary sa hangin.
Hindi bale sana kung nariyan ang kanilang ama ngunit pinagpalit na rin sila nito sa ibang babae. Pinilit niyang unawain ngunit sobrang sakit sa pakiramdam na wala man lamang nag-aruga sa kanila sa loob ng maraming taon at para silang mga tutang iniwan lamang sa kalinga ng ibang tao.
Nakapagtapos ng pag-aaral si Mary sa isang prestihiyosong paaralan sa Maynila. Mataas ang kaniyang mga grado at isa siyang Cum Laude ngunit siya lamang ang bukod tanging walang kasamang mga magulang nang tumuntong sa entablado at sabitan ng medalya.
Pag-uwi ng bahay ay inihagis na lamang niya ang tangan na bag na naglalaman ng kaniyang medalya at saka padabog na nahiga sa kama.
“Bwisit na buhay to!” galit na sambit niya.
“Anak, congratulations!” tila pamilyar ang boses na iyon. Kinilabutan si Mary sa pag-aakalang nagdidiliryo na yata siya.
Pumikit siya ng ilang ulit at bumungad sa kaniyang harapan ang mukha ng ina. Payat na payat ito at maitim na maitim ang ilalim ng mga mata.
“’Nay? Nagbalik ka?”
Hindi umiimik ang kaniyang ina, maya maya’y humikbi na ito nang mahina.
“‘Nay, tubig po oh. Tahan na ‘nay. Nandito na po kayo. Buo na ulit tayo. Si tatay na lang ang kulang,” wika ng bunsong kapatid na si Mark sabay abot ng basong may lamang tubig sa ina.
“Uminom muna kayo,” nagtatampo ngunit naaawang tono ng dalaga.
Sa awa niya sa ina ay hinaplos niya ang ulo nito.
“Huwag mo akong hawakan, sir! Huwag po, maawa na po kayo sa akin! Ayoko na, sir! Parang awa niyo na! Gusto ko nang makausap at mayakap ang mga anak ko!” nagsimula nang magwala ang kaniyang ina.
“Diyos ko, Arlene! Ano’ng nangyari sa iyo sa Saudi!?” nag-aalalang saad ni Yaya Marsing.
Tuloy-tuloy pa rin ang pagwawala ng kaniyang nanay kaya’t kinailangan na nilang magkakapatid humingi ng tulong sa kanilang barangay.
Tumawag sila ng nars at saka ito binakunahan ng pampakalma.
“Mark, ikaw na ba ‘yan? Napakalaki at napakagwapo mo na ha!” anito, nang mahimasmasan ang kanilang ina ay tila nagbalik na ito sa normal na estado ng pag-iisip.
“Nasaan ho ang asawa?” wika ng isang babae na nakabihis na pang-doktora.
“Wala na ho, dok. Sumakabilang bahay ho,” umiiling na sagot ng kaniyang Yaya Marsing.
“Malalim ang pinagdaraanang trauma ng inyong ina,” saka ito sumenyas na palabasin muna ang mga kapatid niyang menor de edad.
Doon pa lamang ay nagkaroon na ng ideya si Mary sa sinapit ng ina.
“Minaltr*to siya at pinagsamantalahan ng kaniyang amo. Pinagbawalan din siyang gumamit ng cellphone at magpadala ng sulat,” malungkot na saad ng doktor.
“Hija, nakikipag-ugnayan na kami sa embassy. Kaya raw pala hindi nagsumbong noon ang inyong ina ay dahil nangako ang amo niyang magpapadala ng malaking halaga buwan-buwan at kada kaarawan ninyong magkakapatid ay magpapadala ito ng maraming regalo. Mabuti na lamang at mabait ang isang anak nito. Na-video-an pala niya kung paano siya hipu@n at saktan ng kaniyang amo,” wika ng kapitana sa kanilang barangay.
“Anak, patawarin mo ako kung hindi ko kayo nakukumusta man lamang. Lahat ng pinagdaanan kong kahayupan sa kamay ng amo ko’y tiniis ko para sa inyo. Mabuti na lamang at nagsawa na rin siya sa akin kaya’t pinayagan na niya akong makauwi,” humahagulgol na wika ng ginang.
“’Nay… Ako po ang dapat na humingi sa inyo ng tawad… Nagalit ako sa inyo ngunit hindi ko naisip na tinitiis ninyo ang lahat para sa amin… Nilagay ninyo sa panganib ang buhay ninyo upang magkaroon kami ng marangyang buhay,” humahagulgol na sagot ni Mary.
“Walang araw na hindi ko kayo naisip na magkakapatid, kung kayo ba ay nasa ayos. Walang araw na hindi ako nangulilang makita at mayakap kayong muli, ngunit wala akong magawa,” humahagulgol na rin ang kaniyang ina.
“Mga anak, patawarin niyo ako…” dagdag pa nito.
Simula noon ay naunawaan na ni Mary kung ano ang kahulugan ng pagiging isang ina.
Naipakulong na ang dating amo ng ina at tumanggap sila ng danyos na limang milyong piso.
Hinati-hati naman nito ang perang iyon sa kaniyang mga anak.
Ngayon ay isa nang matagumpay na negosyante si Mary. Pinagamot niya ang ina upang mawala ang trauma nito at pinagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid.
Lumipas ang ilan pang taon at nakapag-asawa si Mary at nagkaroon ng dalawang anak na babae. Doon ay lalo niyang napagtanto na ang isang ina ay gagawin ang lahat para lamang sa kaniyang mga anak.