Kahit Ano’ng Gawing Kalokohan ng Babae’y Tinatanggap pa rin Siya ng Martir na Nobyo; Nang Matauhan ang Binata ay Tila Naging Bato na ang Puso Nito
“Magbreak na lamang tayo kaysa tumuloy ka sa bahay ng kaklase mo para gumawa ng project! Alam mo namang naroon si Pamela at humaling na humaling ‘yon sa ‘yo tapos magpapaalam ka pang pupunta ka doon!” inis na sigaw ng nagmumukmok na si Kath sa nobyong si Prince.
Third year high school pa lamang ang dalawa ay sadyang hindi na ito mapaghiwalay. Nabighani kasi si Prince sa taglay na ganda at talino ni Kath. Hindi man kaguwapuhan ngunit malakas naman ang dating ni Prince at maraming babaeng nabibighani sa matamis nitong ngiti at tila kumikislap sa kaputiang mga ngipin.
Alam ni Kath kung gaano nahuhumaling ang nobyo sa kaniya kaya’t grabe rin kung paano niya ito abusuhin. Naroong iniiwan niya ito sa mall mag-isa tuwing tinotoyo siya. Pinagbabawalan din niya itong makipagkaibigan sa kung sino-sino. Ultimo mga lalaking kaibigan ni Prince ay pinagseselosan nito at tinatarayan. Nais niya’y sa kaniya lamang iikot ang mundo ng binata.
Nawalan na ng sariling pagkakakilanlan si Prince at naging tila asong sunud-sunuran na lamang sa nobya.
Sa kakasuporta ng binata sa nobya ay napabayaan na rin niya ang pag-aaral at natanggal sa dean’s list habang si Kath naman ay naging Summa Cum Laude. Gusto kasi ni Kath na nariyan lang palagi sa tabi ang nobyo at tinutulungan siya nitong mag-review tuwing may exam. Ang dating malamang katawan niya rin ay naging payatot na. Imbes naman mag-alala si Kath ay sarili lamang niya ang iniintindi niya.
Dumaan ang limang taon at naging isa nang matagumpay na HR Manager si Kath. Bukod doon ay nagbebenta rin ito ng mga bahay, lupa, at condo. Maski may nobyo na ito ay tumatanggap pa din ito ng mga manliligaw. Katwiran niya ay gusto lamang naman niyang makuha ang mga binibigay na mga alahas, bulaklak, tsokolate, at kung ano-ano pang mamahaling bagay na nireregalo ng mga ito sa kaniya. Samantalang si Prince ay wala pa ring nararating sapagkat ginawa na siyang permanenteng tagapagmaneho ni Kath at pinag-aawayan lamang nila ang pag-aapply niya sa iba’t-ibang trabaho.
“Bakit mo ako pinaghintay ng 15 minuto?! Hindi mo ba alam na tatlong araw na akong puyat sa dami ng trabaho ko?!” galit na galit na hiyaw ni Kath.
“Sorry, babe… Pinilit kasi ako ni mama na magpahinga… Sabi ko gisingin ako ng 5 PM pero naawa raw siya sa akin dahil talagang ang lakas ng hilik ko… Kaya 5:30 PM na niya ako ginising… ‘Yong inutos mo kasi sa aking pagpapapirma ng mga kontrata sa kung sino-sino ay pinaghintay rin nila ako ng napakatagal sa opisina nila. ‘Yong iba naman ay nagkandaligaw-ligaw ako kaya pagod na pagod din ako,” pagpapaliwanag ni Prince.
“Sino ba kasing may sabi sa ‘yong dumalaw ka sa nanay at tatay mo? ‘Di ba nila kayang hindi ka makita ng isang buwan? Eepal na naman iyang mama mo na kesyo nangangayayat ka, pipilitin ka na namang maghanap ng trabaho para maging sustentado na sila, sus!” pagmamalaki ng dalaga.
Doon na napuno si Prince at pinagtanggol ang kaniyang mga magulang. “Huwag mo namang ganyanin ang pamilya ko, Kath. Ako na lang ang maliitin mo, huwag na sila. Sumosobra ka na, Kath! All these years, puro na lang ikaw… Sana matuto ka namang magbalik ng pagmamahal!”
“Ah ganoon, so ngayon nanunumbat ka? Nagmakaawa ba ako na ligawan mo ako? Hindi naman, ‘di ba? Jackpot ka na nga kung tutuusin, ni hindi ka nag-aayos o nagbubuhat para naman lumaki-laki ‘yang tingting na katawan mo. Mukha na kitang alalay!” pagtataray ng nobya.
“Ayoko na, Kath. Hanggang dito na lang siguro talaga tayo,” lumuluhang sagot ni Prince habang inaabot ang susi ng magarang sasakyan ng nobya. Tila ba sa pagkakataong iyon ay tuluyan na siyang napuno.
Hindi naman makapaniwala si Kath sa narinig. Sa mahigit sampung taon nilang magkarelasyon ng nobyo ay hindi siya nito sinalungat ni minsan.
Tiniis ni Kath at hindi sinuyo ang nobyo kahit pa alam niyang siya ang may kasalanan sa nangyari.
Doon naman nagsimulang alagaan ni Prince ang sarili. Makalipas ang tatlong buwan ay malaki na ang naging pagbabago sa pangangatawan at itsura ng binata. Natanggap din siya bilang isang sales coordinator sa isang malaking kumpanya ng magagarang sasakyan.
Doon muling nag-krus ang landas nila ng dating kaklaseng si Pamela. Alam ni Prince na gustong-gusto siya nito noon ngunit hindi niya ito sinamantala. Dalawa na ang anak nito ngunit hiwalay sa kinakasama. Awang-awa si Prince dito sapagkat maski magpakakuba na ang dalagang ina sa kakatrabaho ay pirme pa rin siya nitong pinapakain ng baon nitong kanin at ulam sa araw-araw. Nang minsang makita siya nitong pawisan ay agad itong naglabas ng bimpo at pinagamit sa kaniya.
Hindi malimutan ni Prince ang amoy ng bimpong iyon. Amoy malinis at alagang-alaga. Tila isang magaling na asawa si Pamela. Maalaga, maalalahanin, at mapagmahal.
Minsang naglalakad ito papasok ng salaming pintuan ng opisina ay nahuli siya ng mga kaibigang nakatulala kay Pamela at agad kinantyawan. Kahit kasi may mga anak na ito ay hindi man lamang nadagdagan ang timbang nito. Napakaganda pa rin ng mukha ni Pamela.
Nahuhulog na ba ang loob niya dito? Tanong ng binata sa sarili. Tila pinipigilan niya ang nararamdaman sapagkat dalang-dala siya sa huling relasyong pinasok niya na tila sinayang niya ang sampung taon ng kaniyang buhay.
Lumipas ang ilang buwan at tila hinahanap-hanap nang muli ni Kath ang kalinga ng dating nobyo. Lahat kasi ng manliligaw niya ay maiikli ang pasensya at sa umpisa lang magaling. Hindi kagaya ni Prince na lahat ng sabihin niya ay oo lamang ito nang oo.
“Napaka-arte mo naman! Oo nga’t maganda ka pero mas maraming mas OK ang ugali diyan kaysa sa iyo. Maganda na, mabait pa. ‘Di gaya mong pagkataas-taas ng tingin sa sarili!” sigaw ng isang lalaking malaki ang katawan sabay tulak sa babaeng kausap.
Nagulantang si Pamela at Prince habang nag-aabang ng taxi sa labas ng pinapasukang opisina. Kitang-kita nila si Kath na napaupo sa sahig matapos itulak ng lalaki.
Halos lumipad naman si Prince papunta sa lalaki sabay inundayan ito ng sapak. Nang gaganti ng sapak ang lalaking brusko ay agad itong hinarang ni Pamela.
“Please po, tama na po! Huwag po!” wika ni Pamela.
Imbes kay Prince tumama ang suntok ng lalaki ay tumimbuwang si Pamela nang masapak ito sa ulo ng lalaki.
Sa takot ng lalaki ay agad itong tumakbo palayo.
“Pam! Bakit mo ginawa ‘yon?” tumutulo na ang dugo sa noo nito kaya’t alalang-alala si Prince.
Inabot naman agad ni Kath ang susi ng kaniyang sasakyan sa binata.
“Halika na, dalhin natin siya sa ospital.
Imbes siya ang magmaneho ay hinayaan ni Prince na si Kath ang magmaneho papuntang ospital.
Buhat nito si Pam habang lumuluha.
“Pam, mahal na mahal kita. Sa ginawa mo’ng ito ay lalong hindi ko na kaya pang itago ang nararamdaman ko para sa ‘yo,” wika ni Prince.
Tila durog na durog ang puso ni Kath sa nasaksihan. Pansin din niya ang pagbabago sa itsura ng dating nobyo. Pumuti ito, nagkalaman at tila nagbalik ang dating kaguwapuhan.
Habang hinihimas ni Prince ang pisngi ni Pamela ay nagsalita ito.
“Mahal na mahal kita, Prince. Ipadarama ko sa iyo kung paano maalagaan at mahalin nang tunay, basta’t akin ka na lang… Please,” wika ni Pam.
“Sa ‘yong, sa ‘yo ako mahal ko…” sabay siniil ng mainit na halik ni Prince si Pam. Tila nakalimutan na nitong naroon si Kath.
“Pasintabi naman sa akin! Hindi pa nga ako nakakamove on… Pero inaamin ko, Prince… Nagkamali ako… Noong mga panahong akin ka pa, sana’y nagawa ko ring alagaan ka at mahalin nang tunay… Naging masyado akong makasarili at deserve ko ‘tong sakit na nararamdaman ko ngayon,” lumuluhang sagot ni Kath.
Tila wala namang naririnig ang dalawa at mukha lamang hangin si Kath sa eksena.
Maya-maya pa’y nakarating na sila ng ospital. Agad na binuhat ni Prince si Pam at hiniga sa stretcher.
Ni hindi man lamang siya nilingon ng dating nobyo.
Natanggap ni Kath na wala na si Prince sa piling niya at sa ngayon ay wala naman siyang ibang hinangad kundi maging maligaya na ito kahit hindi sa piling niya.
Pinilit niyang magbago ngunit walang makatagal sa kaniyang lalaki dahil sa pag-uugali niya.
Nabalitaan na lamang niyang kinasal na si Prince at Pamela at may sarili na ring negosyong buy-and-sell ng mga sasakyan ang dalawa.
Halos araw-araw ay tinitingnan niya ang Facebook account ng dalawa.
Napakagandang tingnan ng kanilang pamilya. Napakaganda pa rin ni Pam maski buntis na naman ito. Si Prince naman ay talagang mukhang masayang-masaya, ‘di gaya noong sila pa na palagi itong mukhang pagod na pagod at kulang sa tulog.
“Kailan ko kaya mahahanap ang para sa akin? Sa tingin ko ay nahanap ko na siya.. Nawala nga lang siya sa akin at napunta sa iba dahil hindi ako karapat-dapat para sa taong iyon,” tanong ni Kath sa sarili na punong-puno ng pagsisisi.