Kahit Kasal na’y ‘Di Maiwasan ng Lalaking Tumingin sa Ibang Babae; Isang Magandang Estranghero ang Babago sa Pananaw Niya

“Hindi ko na alam ang gagawin ko kuya, tatlo na ang anak namin pero ganoon pa rin ang gawi ni Frank. Walang ibang ginawa kundi mambabae. Kahit kasama pa kami ng mga anak niya’y lilingon iyan tuwing nakakakita ng magaganda at seksing babae. Awang-awa na ako sa sarili ko,” wika ni Lorna habang umiiyak.

“Hayop talaga ‘yang lalaking iyan! Humanda iyan at tuturuan ko iyan ng leksyon na hinding-hindi niya makakalimutan!” saad ni Rome, ang panganay na kapatid ni Lorna.

Habang nalulugmok sa lungkot si Lorna ay siya namang saya ni Frank. Nang gabing iyon kasi ay pupunta sila sa club ng mga kabarkada niyang kapwa-babaero. Hindi man lamang sumagi sa isip nito na ubos na ang gatas at diaper ng bunsong anak. Naglaan pa ito ng pera pambili ng bagong polo upang makadali ng magandang babae sa club.

Agad namang bumili si Rome ng mga pangangailangan ng mga anak ng kapatid. Habang ang mga magulang naman nilang sila Mang Pat at Aling Nora ay nagprepara ng masasarap na pagkain para sa kanilang mga nangangayayat na apo at anak.

“Huwag na huwag ka nang uuwi doon sa bahay ninyo ng asawa mong manyakis!” galit na bilin ni Rome sa kapatid.

Nang gabing iyon ay lubos ang ligaya ni Frank. Halos maubos ang bote ng mamahaling pabango nito at napakakapal ng pomadang nasa buhok ng lalaki.

Pagpasok ng club ay napanganga si Frank nang makita ang isang babaeng halos lumuwa na ang mayamang dibdib. Napakaikli din ng suot nitong shorts na maong at halos masilaw siya sa makinis na kutis nito.

Nang magtama ang kanilang paningin ay kinindatan pa siya nito, nakaramdam ng kakaibang init sa katawan si Frank kaya naman hindi na niya pinalagpas pa ang pagkakataon. Agad niyang nilapitan ang magandang dilag at lalo siyang kinilig nang maamoy ang pabango nito.

Advertisement

Inabutan pa siya nito ng isang bote ng beer.

“Hi, I’m Roma, and you?” saad nito.

“Frank. Tiga-saan ka?”

Imbes sumagot ay ngumiti lamang ang babae.

Nagtataka naman si Frank at tipid na tipid ang pananalita ng babae, sunod-sunod din ang pag-abot nito ng beer sa kaniya at minamadali pa siyang uminom nang madami.

Sa sobrang kalasingan ay binalewala na lamang ito ni Frank.

“Puro kayo inom, p’re. Mamaya iba naman ang iinumin mo,” pangangantyaw ng kaniyang mga kabarkada.

“O sige, game ako, pustahan yayayain mo akong mag-motel, ano?” sabay kindat na naman ng babae.

Advertisement

“Alam mo, pamilyar ang boses mo sa akin. Parang narinig ko na ‘yan dati e. Habang nagsasalita ka ay parang lumalaki din ang boses mo,” saad ni Frank ngunit binalewala na lamang niya ito dahil sa nararamdamang init ng katawan.

Tuwang-tuwa pa si Frank sapagkat si Roma pa ang nagbayad sa motel na tinuluyan nila.

Pagdating sa motel ay agad akmang hahalikan ni Frank si Roma ngunit umiwas ito.

“Teka, sandali… Kuwentuhan muna tayo… Kasal ka na, hindi ba? Ilan ang babae mo ngayon?” tanong ni Roma.

“‘Di naman sa pagmamayabang pero tatlo ang jowa ko ngayon… Mga kabit kong sunud-sunuran sa akin… Napakaboring kasi ng asawa kong si Lorna,” nagmamalaki pang lahad ni Frank.

“Ah ganoon ba… Gaano mo na katagal niloloko si Lorna?” tanong ulit ni Roma.

“Naku, mula pa noong magsyota pa lang kami. Kaya ko lang naman iyan pinakasalan at inanakan ay dahil may kaya ang kuya at pamilya niyan pero kung wala eh naku… Walang magtitiyaga sa pandak at bobong babaeng iyon…” sagot ni Frank na tatawa-tawa pa.

“Ah ganon ba… O sige, maghubad ka na… Maghahanda lang ako…” wika ni Roma sabay pasok sa banyo dala ang bag na hawak nito.

Advertisement

At dahil init na init na si Frank at galit na rin ang kaniyang pagkalalaki ay agad itong tumalima at agad na humiga sa kama.

Nanindig ang kaniyang balahibo nang makita ang Kuya Rome niyang lumabas ng banyo. Nawala ang pagkalasing niya sa nasaksihan. Tangan pa nito ang pekeng dibdib na suot nito at wig. May hawak din itong cellphone na ginagamit nito upang kuhanan siya ng video.

“Hayop ka! Hindi ka talaga nababagay sa kapatid ko! ‘Di bale nang maging single mom ang kapatid ko basta huwag lang niyang makasama habangbuhay ang isang demonyong kagaya mo!” galit na galit na sambit ni Rome sabay suntok sa mukha, tagiliran, at sikmura ni Frank.

Akmang kukunin ng lalaki ang kaniyang mga damit ngunit sinipa iyon palayo ni Rome.

Hubo’t hubad siyang tumakbo sa pasilyo ng motel at tawang-tawa naman ang mga taong naroon.

Wala ring taxi na gustong magsakay sa kaniya kaya’t napilitan siyang maglakad nang nakatakip lamang ng karton ang buong katawan.

Lumipas ang ilang buwan at araw-araw pa ring nagmamakaawa si Frank na makipagbalikan kay Lorna. Pinatawad na ito ni Lorna upang hindi maging masalimuot para sa kanilang mga anak ang buhay pamilya ngunit kailanman ay hindi na kayang mahalin pa ni Lorna ang mister.

Gumastos nang malaki si Rome at ang kanilang mga magulang upang mapasawalang bisa ang kasal ng mag-asawa. Pagkaraan ng ilang taon ay dalaga nang muli si Lorna. Hindi na siya nag-asawa pang muli at inilaan ang kaniyang buhay sa pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Si Frank naman ay nagsisikap magbagong buhay at ngayon ay binibigay nito kay Lorna nang kusang loob ang lahat ng kinikita sa pinapasukang call center.