Inday TrendingInday Trending
Dismayado ang Dalaga sa Tindahan na Pinagbilhan Niya ng Bag; Isang Tusong Plano ang Nabuo Niya Dahil Dito

Dismayado ang Dalaga sa Tindahan na Pinagbilhan Niya ng Bag; Isang Tusong Plano ang Nabuo Niya Dahil Dito

“Joyce, dumating na ang order mo! Halika at kunin mo rito!”

Nang marinig ni Joyce ang sinabi ng ina ay agad-agad siyang kumaripas ng takbo pababa. Sabik na siyang makita ang binili niya! Marami ang nagsasabi na maganda raw ang mga produkto ng online shop na pinagbilhan niya.

Ngunit ang kasabikan niya ay mabilis na napalitan ng pagkadismaya nang makita ang nilalaman ng kahon na dumating.

Bukod kasi sa hindi na nga ang tugma ang kulay ng bag na in-order niya, isa lang ang laman noon, imbes na dalawa!

Halos magpapadyak siya sa sobrang inis.

“O, anong nangyari?” tanong ng kaniyang ina.

“Mali-mali sila ng pinadala rito! Nakakainis, ang mahal-mahal pa naman, tapos ganito! Irereklamo ko sila!” gigil na saad niya.

Agad siyang kinontra ng kaniyang ina.

“Naku, ‘wag naman, anak! Maapektuhan lang ang kabuhayan nila. Puntahan mo na lang ang may-ari. Nakita ko ang address nung tindahan na pinagbilhan mo, malapit lang naman,” suhestiyon nito.

“‘Wag mong pairalin ang kamalditahan mo, ha. Maging mabait ka sa lahat ng oras, sa kahit na sino,” paalala pa nito.

Pinigil ni Joyce na mapairap sa harap ng kaniyang Mama. Kung masyado itong mabait, iba siya! Sisiguraduhin niya na makakarinig nang hindi maganda ang may-ari ng tindahan!

Napangisi ang dalaga nang may maisip. “Marahil pagkakataon ko na rin para makalibre, dahil sa abalang naidulot nila sa’kin,” sa loob-loob niya.

Nang araw ring iyon ay pinuntahan niya ang naturang tindahan. Napanganga siya nang makita iyon.

Napakaliit noon at lumang-luma. Malayong-malayo sa itinitinda doon na puro makukulay at magagandang produkto.

Ang tanging pagkakakilanlan lamang ng tindahan ay ang isang lumang karatula.

Nangingiwi na lamang niyang tinulak ang pinto para pumasok sa tindahan. Sa loob ay bumungad ang dalawang tao—ang lalaki ay tila ang tagabantay habang ang babae naman ay abala sa paggagantsilyo.

“Magandang umaga, hija. Anong sa’yo?” nakangiting tanong ng lalaki.

Nakasimangot na nilapitan niya ito.

“Mali ang pinadala n’yo sa akin! Ang dali-dali lang ng order ko, tapos ganyan! Irereklamo ko kayo sa social media para maubos ang kustomer n’yo!” walang patutsadang bulalas niya.

Nanlaki ang mata nito, tila nagulat sa mataas niyang boses.

“Naku, hija… pasensya ka na. Makikiusap sana ako na ‘wag mo kaming ireklamo. Papalitan namin, maaari kang pumili rito. May mga bagong disenyo, kagagawa lang ng asawa kong bulag. ‘Yan siya, ‘yung naggagantsilyo,” anito, bago itinuro ang babae.

Nanlaki ang mata ni Joyce sa pagkagulat at pagkamangha. Napakabilis ng kamay ng babaeng naggagantsilyo, walang mag-aakala na isa itong bulag!

Ngunit desidido siyang makalibre.

“Hindi sapat ‘yun. Ang mahal-mahal ng pamasahe papunta rito. Nag-taxi ako,” nakaingos na sagot niya sa lalaki.

Natigilan ito. Huminga ito nang malalim bago tila nagdesisyon.

“Sige, Ma’am. Balik ko na lang po ang bayad n’yo. Tapos pili na po kayo ng gusto niyo na bag,” wika nito habang may tipid na ngiti sa labi.

Nagdiwang ang loob ni Joyce. Nangyari na nga ang inaasahan niya, nakalibre siya ng dalawang bag!

Sabik siyang namili. Tama ang lalaki, marami ngang magaganda sa mga bagong disenyo! Ngiting-ngiti siya nang matapos pumili. Pinakita niya sa lalaki ang dalawang bag na napili niya, na walang pag-aatubili nitong isinilid sa paper bag.

“Salamat naman po, Ma’am, at napakiusapan ka. Napakarami pong mawawalan kung sakaling wala nang bibili sa amin,” sabi ng lalaki habang tila kinukuha ang perang ibabalik sa kaniya.

Tumaas ang kilay niya. Ano ba ang ibig sabihin nito, gayong dalawa lang naman ang nakatao sa tindahan?

“Ano pong ibig n’yong sabihin?” hindi maiwasang magtanong ni Joyce.

Ngumiti nang matamis ang lalaki.

“Marami kasi kaming ampon, at sa kita ng tindahan lang kami umaasa. Kaya kung mapapansin mo, may kamahalan ang tinda namin. “For a cause” kasi ang lahat ng tinda rito. Nakabili ka na, nakatulong ka pa sa mga batang walang magulang,” paliwanag nito.

“Kaya salamat, salamat at binigyan mo kami ng tiyansa na itama ang pagkakamali namin sa order mo. ‘Wag kang mag-aalala, magiging mas maingat na kami sa susunod para naman hindi maabala ang mga kustomer.”

“Heto, heto ang binayad mo,” anito bago iniabot sa kaniya ang isanlibong piso.

Tila nangapal sa hiya ang mukha ni Joyce. Paano niya nagawang pagsamantalahan ang mag-asawang nais lang naman makatulong sa iba?

“N-naku, hindi na ho. T-tulong ko na po sa mga bata,” namumula ang mukhang tanggi niya.

Nanlaki ang mata ng lalaki sa gulat, ngunit ngumiti rin.

“Naku, Ma’am! Maraming salamat! Malaking tulong na ito sa amin,” sinserong pasasalamat nito.

“Pasensya na rin po kayo kanina, medyo tumaas ang boses ko. Dismayado lang po ako kanina. Pero ngayong nalaman ko kung gaano po kaganda ang layunin ng tindahan n’yo, nahihiya po ako sa inakto ko,” matapat na pahayag ng dalaga.

Nagulat siya nang magsalita ang babaeng naggagantsilyo.

“‘Wag mong alalahanin ‘yun, hija. Nagkamali rin naman kami, naabala ka pa tuloy. Maraming salamat sa’yo sa tulong mo sa mga anak namin,” nakangiting sabi ng bulag na babae.

Nakalabas na sa tindahan ang dalaga ngunit hiyang-hiya pa rin siya. Kung nakita lang ng kaniyang ina ang inakto niya sa mabait na mag-asawa ay tiyak na makakarinig siya rito!

Umalingawngaw sa isip niya ang pangaral ng kaniyang ina.

“Maging mabait ka sa lahat ng oras, sa kahit na sino.”

Hindi niya iyon nagawa dahil inuna niya ang kagustuhan na makapanlamang, ngunit dahil kabaitan ang ibinato sa kaniya ng mag-asawa, siya na mismo ang nahiya sa sarili niya!

Advertisement