Inday TrendingInday Trending
Atat na Atat nang Magpakasal ang Dalaga; Dahil Dito ay Isang Malaking Pagkakasala ang Nagawa Niya

Atat na Atat nang Magpakasal ang Dalaga; Dahil Dito ay Isang Malaking Pagkakasala ang Nagawa Niya

“Ria, ikaw, kailan ba kayo magpapakasal ni Serge?”

Isang pilit na ngiti ang pumaskil sa labi ni Ria nang marinig ang tanong ng isa sa kaniyang mga kaibigan. Kasalukuyan silang nag-iinuman sa isang bar.

“Wala pa sa plano namin ‘yan sa ngayon. Nag-iipon pa kami. Alam mo na, ang hirap magpakasal, ang mahal!” sagot niya.

Ang totoo ay inimbento niya lang ang isinagot sa tanong ng kaibigan. Limang taon na kasi silang magkasintahan ni Serge, ngunit hindi niya alam kung may plano ba talaga itong alukin siya ng kasal.

Alam niya ang dahilan. Dati kasi itong babaero. Tumino lamang ito noong maging magkasintahan sila. Ngunit pakiramdam niya ay ayaw pa rin nitong matali sa kaniya, kaya naman hindi na umabante ang relasyon nila.

“Naku, napag-iiwanan ka na ng panahon, Ria! Sa ating magkakaibigan, ikaw na lang ang single,” buska sa kaniya ng kaibigan.

“Kung wala namang patutunguhan ang relasyon n’yo, aba, maghanap ka na ng iba. Hindi ka na bumabata, Ria,” payo pa nito.

Tuloy-tuloy nang umasim ang pakiramdam ni Ria. Nasira na ang gabi niya. Tahimik siyang sumisimsim ng alak sa isang tabi nang isang lalaki ang tumabi sa kaniya.

“Sabi ko naman kasi sa’yo, ako na lang ang piliin mo, eh,” wika ng lalaki.

Nang lingunin niya ang nagsalita ay ang gwapong mukha ni Edward ang nakita niya.

Si Edward ang kaniyang high school sweetheart. Naghiwalay lamang sila noong nasa kolehiyo na sila, dahil nalaman niya na may iba itong babae. Noon naman dumating sa buhay niya si Serge.

Nanatili silang magkaibigan ni Edward, at ni minsan ay hindi ito tumigil sa pagpapalipad-hangin sa kaniya kahit pa alam nito na may kasintahan na siya.

“Anong ikaw na lang ang piliin ko? Ikaw kaya ang unang bumitaw sa atin, nung nambabae ka,” kantiyaw niya sa lalaki.

Natawa naman ito.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na nagbago na ako? Kung pipiliin mo ako, kahit bukas na bukas, papakasalan kita,” nakangising turan nito.

Bumilis ang tibok ng puso ni Ria. Sa tagal nilang magkasintahan ni Serge, ni minsan ay hindi niya rito naringgan ng salitang “kasal.”

Si Serge nga ba talaga ang tamang tao para sa kaniya? Hindi niya maiwasang isipin na baka hindi ito ang nakatakda sa kaniya lalo pa’t tila magkaiba sila ng gusto sa buhay.

Hindi pa ito handang magpakasal, habang siya naman ay hindi na makapaghintay.

Samantalang heto si Edward, na handa raw pakasalan siya kahit bukas na.

“Talaga, papakasalan mo ako kahit bukas?” pilyang tanong niya sa lalaki.

Ngumiti naman ito nang matamis.

“Oo naman. Gusto mo unahin na natin ang honeymoon, eh,” ganting banat naman nito na ikinatawa nilang dalawa.

“Oo ba, pwedeng-pwede! Basta papakasalan mo ako, ha?” maharot na tugon niya sa lalaki.

Dahil sa espiritu ng alak, hindi na alam ni Ria kung ano pa ang mga sumunod na nangyari. Basta ay nagising na lamang siya sa isang hindi pamilyar na silid.

Wala siyang anumang saplot, gayon din ang lalaking katabi niya sa kama. Si Edward.

Gulong-gulo si Ria. Dahil gising na gising na siya at hindi na lango sa alak ay napagtanto niya na napakalaking kasalanan ang nagawa niya. May nobyo siya, ngunit ibang lalaki ang kasama niya ngayon!

Hindi na namalayan ni Ria na umiiyak na pala siya.

Naramdaman niya ang pagyakap sa kaniya ni Edward.

“‘Wag ka nang umiyak. Ginusto natin pareho ang nangyari. Papanagutan kita, gaya ng pangako ko. Magpapakasal tayo,” sabi ng lalaki.

“Hiwalayan mo na si Serge. Simula ngayon, ako na ang boyfriend mo.”

Umiiyak na tumango na lamang si Ria. Alam niya na ginusto niya rin naman ang nangyari. Aminin niya man o hindi ay natukso siya sa alok na kasal ni Edward.

Bakit pa niya hihintayin si Serge, gayong naroon si Edward, at handang-handa nang magsimula ng pamilya?

Matagal niya nang kilala si Edward, hindi naman siguro masama kung ito na ang makakasama niya sa pagbuo ng pamilya, hindi ba?

Napapitlag siya nang tumunog ang kaniyang cellphone. Nakita niyang rumehistro roon ang pangalan ng nobyo.

“Mahal, good morning! Nag-almusal ka na ba? Papaalala ko lang ‘yung date natin mamayang gabi,” malambing na bungad ni Serge.

“Oo, darating ako,” aniya.

“Sige. Mag-iingat ka. I love you!” sabi nito bago tinapos nang tawag.

Nang lingunin niya si Edward ay ngumiti ito.

“Sige. Pumunta ka. Kailangan mo siyang kausapin, hindi ba?” anito.

Marahan siyang tumango. “Sige, makikipaghiwalay na ako sa kaniya mamaya. Wala rin namang patutunguhan ang relasyon namin,” pahayag niya.

Dumating ang oras ng date nila ni Serge. Tahimik siya habang kumakain. Si Serge ay ganoon din. Tila balisa pa nga ito, ngunit hindi niya na iyon pinansin dahil labis ang kaba niya. Hindi niya kasi alam ang magiging reaksyon nito sa pakikipaghiwalay niya.

Tinapangan niya ang sarili at tinitigan ito sa mga mata. Ngunit bago pa siya makapagsalita ay may iniabot ito sa kaniya. Isang maliit na kahon.

Mas lalong dumagundong ang dibdib niya nang magsalita ito.

“Babaero ako noon. Pero salamat at dumating ka, tinuruan mo akong magmahal nang totoo, Ria. Kung papayag ka na magpakasal sa akin, mamahalin kita habang buhay,” madamdaming pahayag ni Serge.

Nang buksan niya ang kahon na iniabot nito ay tumambad sa kaniya ang isang napakagandang singsing.

“Bakit ngayon ka lang?” sigaw ng isip niya.

Awtomatikong tumulo ang luha ni Ria. Alam niya na nagkamali siya, at hinding-hindi niya na maibabalik pa ang kahapon.

“Sorry, Serge. Hindi kita mapapakasalan. May kasalanan akong nagawa sa’yo….”

Ikinuwento niya sa lalaki ang nangyari sa kanila ni Edward. Wala siyang detalyeng pinalampas. Gusto niya na maging matapat dito.

Nang matapos siya sa paglalahad ng istorya ay inasahan niya na ang matinding galit nito. Ngunit tila pinilipit ang puso niya nang makita ang tahimik nitong pagluha.

Iyon ang unang pagkakataon na umiyak ang lalaki. Wala itong sinabi. Ngunit kitang-kita niya sa mga mata nito ang pagkatalo.

“Naiintindihan ko. Sayang at nahuli ako, Ria. Hangad ko ang kaligayahan niyo ni Edward,” malungkot na sabi nito bago lulugo-lugong lumabas ng restawran.

Habang papunta si Ria sa bahay ng bagong nobyo na si Edward ay labis ang pagluha niya. Sising-sisi siya sa ginawa niya kay Serge. Kung maibabalik lamang ang panahon ay hinding-hindi niya ito ipagpapalit kay Edward.

Ngunit nangyari na ang nangyari, at dapat niyang panindigan ang kaniyang mga desisyon.

Subalit hindi niya inasahan ang madadatnan sa bahay ng bagong nobyo.

Pagpasok niya pa lang sa bahay ni Edward ay rinig na rinig niya na ang matinis na hagikhik ng isang babae na nagmumula sa silid ni Edward.

Kinutuban siya nang masama, kaya sinilip niya ang silid ni Edward at doon ay nakita niya ang bagong nobyo na nakikipaglampungan sa isang babae!

“Taksil ka!” galit na kompronta niya sa nobyo.

“Ria…” namumutlang anas nito, na tila nakakita ng multo.

Tinangka niyang umalis sa lugar na iyon ngunit naabutan siya ng lalaki.

“Ria, ikaw ang mahal ko. Ikaw nga ang pakakasalan ko, hindi ba? ‘Yung babaeng ‘yun, wala lang siya, babaeng bayaran lang siya. ‘Wag ka nang magalit,” magaang paliwanag nito, na tila ba hindi malaking kasalanan ang nagawa nito sa kaniya.

Mapait siyang napangiti. “Hindi ka pa rin nagbabago, babaero ka pa rin! Wala kang respeto sa babae! Walang kasalang magaganap, pakasalan mo ang sarili mo!” bulyaw niya rito bago siya walang lingon-likod na umalis.

Habang naglalakad ay tuloy-tuloy lang ang pagtulo ng luha ni Ria. Ang t*nga-t*nga niya. Sinayang niya ang pag-ibig ni Serge para lang sa isang basurang kagaya ni Edward, na puro huwad na pangako lamang ang binitiwan. At nagpaloko naman siya!

Lumuha man siya ng dugo ay hindi niya na maibabalik pa ang lahat sa dati.

Advertisement