Inday TrendingInday Trending
Tinulungan Niya ang Mahirap na Magkapatid; Ang Dalawa ang Nag-alis ng Takot sa Puso Niya

Tinulungan Niya ang Mahirap na Magkapatid; Ang Dalawa ang Nag-alis ng Takot sa Puso Niya

Nakangiting binagtas ni Mimay ang daan patungo sa bahay ng magkapatid na Rica at Cesar. Bitbit niya ang umuusok pang isang mangkok ng sinigang.

“Rica! Cesar!” malakas na tawag niya mula sa labas ng bahay.

Agad namang sumungaw sa pinto ang nakababatang si Cesar.

“Ate Mimay!” maligaya nitong bulalas bago siya inanyayahan na pumasok.

“Kumakain na kayo?” tanong niya nang makita na may mga plato na sa maliit na mesa.

“Opo, nakain na po kami,” sagot naman ni Rica na kinuha ang iniaabot niyang mangkok ng ulam.

Agad na nagliwanag ang mata ng magkapatid nang makita ang dala niya.

“Wow, sinigang!” magkasabay pang wika ng magkapatid.

Napangiti si Mimay sa reaksyon ng magkapatid. Alam kasi niya na paborito ng magkapatid ang dala niyang ulam. Kaya nga pagkaluto na pagkaluto ng ulam ay dinalhan niya kaagad ang magkapatid.

“Sige na, ipagpatuloy n’yo na ang pagkain bago pa lumamig ang ulam. Ano bang ulam niyo?” usisa niya.

Nagkatinginan ang magkapatid bago tila nahihiyang sumagot.

“Asin po.”

Tila sumakit naman ang puso ni Mimay sa narinig. Napakababait kasi ng mga batang sina Rica at Cesar. Sadyang minalas lang ang dalawa na maulila sa murang edad. Kamamat*y lang ng ina ng dalawang bata noong nakaraang buwan.

“Bakit naman hindi niyo ako hinintay? ‘Di ba sabi ko sa inyo, ako nang bahala sa ulam niyo?” tanong niya sa dalawang bata.

“Nahihiya po kasi kami, Ate Mimay. Hindi n’yo naman po kami kaano-ano, pero lagi kayong nagdadala ng masasarap na pagkain dito. Ayaw po naming makaabala,” sagot ni Rica.

Umiling siya.

“Hindi kailanman magiging abala ang pagtulong. Tandaan n’yo ‘yan,” aniya sa mga bata.

Nahihiyang ngumiti ang dalawang bata. Bakas sa mukha ng mga ito ang pasasalamat.

“O sige na, baka magkaiyakan pa tayo rito,” biro niya, dahilan upang matawa ang dalawa.

“Kumain kayo nang mabuti, babalik na ako sa bahay at may kailangan pa akong asikasuhin. Dadalhan ko ulit kayo mamayang gabi,” paalam niya sa magkapatid.

Hindi mabura ang lungkot sa mukha ni Mimay habang naglalakad siya pauwi. Hindi niya maiwasang makaramdam ng simpatya sa dalawang magkapatid.

Ulila na rin kasi siya. Ngunit kinakaya niya, dahil matanda na siya at kaya niya nang magbanat ng buto. Paano naman ang dalawang bata? Kailangan ng mga ito ng masasandalan.

Kaya’t hanggang kaya niya, tutulong siya sa mga ito. Alam niya kasi ang pakiramdam ng nag-iisa at walang-wala.

Nang mga sumunod pang mga linggo at buwan ay araw-araw ang pagbisita niya sa dalawang bata. Sinisiguro niya na mabuti ang kalagayan ng dalawa. Parang siya na ang tumayong nakatatandang kapatid ng dalawang bata.

Kaya naman nang isang araw ay nalaman niya na nakuha na mga social worker ang dalawang bata ay labis ang naging pag-iyak niya. Hindi man lang niya nalaman kung ano na ang mangyayari sa dalawang bata.

“Hindi namin maaaring sabihin sa’yo, Ma’am, hindi ka naman kamag-anak.”

Iyon lang ang sinabi sa kaniya nang magtanong siya tungkol kay Rica at Cesar.

Wala siyang ibang magawa kundi ang hilingin na sana ay mapunta sa mabubuting kamay ang dalawa at maalagaan.

Lumipas ang mahabang panahon. Si Mimay ay may asawa at anak na. Salat sila sa pamumuhay, lalo pa’t sakitin ang bunso niyang anak.

Hindi siya sinuwerte sa asawa. Bukod kasi sa manginginom ito ay mapanakit din. Ang ipinagpapasalamat niya na lang kahit paano ay hindi nito sinasaktan ang mga anak nila.

Gabi-gabi kung magdasal si Mimay na sana ay makawala na sila mula sa malupit niyang asawa.

Nang hapong iyon, umuwi nang lasing ang asawa niya.

“Bigyan mo ako ng makakain!” tila hari na utos nito.

“W-wala tayong pagkain, Wally. H-hindi pa nga kami kumakain ng mga b-bata,” utal-utal na sagot niya sa asawa. Sigurado siya na iinit na naman ang ulo nito.

Bumakas ang galit sa mukha ng lalaki. Pinaghahagis nito ang mga kaldero habang nagsisisigaw.

“Wala kang kwenta! Bakit hindi ka maghanap ng makakain kaysa ‘yang nakatunganga ka sa bahay maghapon?!” bulyaw nito.

Bago pa siya makaiwas ay tumama na sa pisngi niya ang palad nito.

Umiiyak na niyakap niya ang mga anak na noon ay nag-iiyakan na rin dahil sa takot.

Isinama niya sa labas ng bahay ang dalawang bata. Kapag kasi lasing ang asawa niya ay mabilis itong nakakatulog. Babalik na lang sila sa loob kapag tulog na ito.

“Mama, gutom na po ako…” maya-maya ay bulong ng kaniyang panganay.

Tuloy-tuloy lamang ang pagtulo ng luha ni Mimay. Awang-awa siya sa estado nilang mag-iina. Tahimik na nakatingin sa kawalan si Mimay nang may magtawag sa ‘di-kalayuan.

“Tao po!”

Nang lingunin niya ang tinig ay nakita niya ang isang lalaking hindi niya kilala.

“Sino hong hanap niyo?” magalang na tanong niya sa lalaki. Hindi niya maiwasan na makaramdam ng panliliit. Magara kasi ang suot nito, singgara ng kotse nitong nakahinto sa tapat.

Tinitigan siya ng lalaki bago napakunot noo.

“Ate Mimay?” anito.

“Ako nga ho si Mimay. Kilala niyo ho ba ako?” takang tanong niya.

Isang malawak na ngiti ang pumaskil sa labi ng lalaki.

“Ate Mimay, hindi mo na ba ako nakikilala? Ako ito, si Cesar. Ang kapitbahay mo noon!” nakangiting bulalas ng estranghero.

Nanlaki ang mata niya. Paano niya nga ba makakalimutan ang magkapatid na Rica at Cesar?

Awtomatikong tumulo ang luha niya. Masayang-masaya siya makita itong muli. Niyakap niya nang mahigpit ang binata.

Maya-maya ay kumunot ang noo nito habang matamang nakatitig sa mukha niya.

“Bakit may pasa ka? Ano’ng nangyari riyan, Ate Mimay?” tila nag-aalalang usisa nito.

“Wala, wala, ‘wag mong alala–”

Bago pa siya makapagkaila ay narinig niya na ang matinis na boses ng kaniyang panganay na anak.

“Si Papa po! Pinalo po siya ni Papa!”

Wala siyang magawa kundi pahapyaw na ikwento rito ang sitwasyon niya. Nagulat siya nang pasakayin sila nito sa magara nitong kotse. Nang huminto ang sasakyan ay nasa tapat sila ng isang mamahaling restawran hindi kalayuan sa bahay nila.

“Cesar, wala kaming pambayad dito…” nahihiyang wika niya sa lalaki.

Umiling ito bago hinila papasok ang dalawa niyang anak.

“Wala kang dapat alalahanin, Ate Mimay,” anito bago siya inudyukan na pumasok na rin.

Doon ay ikinuwento niya sa lalaki ang masaklap niyang kapalaran. Ang pananakit ng asawa niya. Maging ang salat nilang pamumuhay.

Nakakuyom ang kamao ni Cesar habang pinapanood kumain ang mga anak niya na halatang gutom na gutom.

“Hiwalayan mo na ang asawa mo. Dapat nga ipakulong mo ‘yun, eh,” galit na sabi nito.

Umiling siya.

“Hindi. Hindi pwede. Lalo kaming magugutom ng mga anak ko.”

“Hindi kayo magugutom. Pumunta lang kayo rito, at wala kayong kahit na anong babayaran. Ako ang may-ari ng lugar na ito,” anito.

Napamulagat siya. Kaya pala asikasong-asikaso sila ng mga serbidora!

“Hindi, hindi pwede. Hindi naman pwedeng umasa kami sa’yo, hindi naman tayo magkaano-ano,” umiiling na sabi niya. Matigas ang naging pagtanggi niya.

Bumakas ang tampo sa mukha ni Cesar.

“Ate, hindi ba’t ikaw na ang tumayong kapatid namin noon? Bigyan mo naman kami ng tiyansang bumawi sa lahat ng kabaitan mo noon sa amin,” pakiusap nito.

“Kailangan mo nang lumayo sa asawa mo kung sinasaktan ka lang naman niya, at hindi niya naman nasusuportahan nang maayos ang pamilya niyo. Kung inaalala mo ang mga anak mo, pwede kang magtrabaho rito. Alam ko na magaling kang magluto. Si Ate Rica, isang abogado. Pwede ka niyang tulungan na makawala sa asawa mo,” paliwanag nito.

Tumulo ang luha ni Mimay. Kay tagal niyang pinagdasal na sana ay makalayo na siya sa asawa niya.

Mukhang ang pagbalik ni Cesar ang magiging katuparan noon.

“P-pwede ko ba talagang gawin lahat ‘yan? Hindi ba masyado namang makapal ang mukha ko? Napakalaking abala niyan sa inyo,” alanganing pahayag niya. Hindi pa rin siya makapaniwala na mayroong tutulong sa kaniya.

Bago pa makasagot si Cesar ay may nagsalita na sa likuran niya.

“Wala kang dapat ipag-alala. Naaalala mo ba ang sinabi mo sa amin noon? Hindi kailanman magiging abala ang pagtulong. Isa pa, ibinabalik lang namin lahat ng ginawa mo para sa amin noon. Ang bait-bait mo sa amin noon, Ate. Ikaw ang naging kakampi namin noong mawalan kami ng pamilya. Hayaan mo na kami naman ang maging pamilya mo ngayong nagkabaliktad ang sitwasyon natin.”

Nang lingunin niya ang nagsalita ay nakita niya si Rica. Gaya ni Cesar ay napakalaki na talaga ng ipinagbago nito!

Tuwang-tuwang niyakap niya ang dalagang bagong dating.

Nang gabing iyon ay walang sawa silang nagkwentuhan ng mga pinagdaanan nila. Hindi naging balakid ang matagal na panahon na hindi sila nagkita. Malapit pa rin ang puso ni Mimay sa magkapatid.

Sa tulong ng magkapatid ay matagumpay siyang nakipaghiwalay kay Wally. Wala itong nagawa dahil isang napakagaling na abogado ni Rica at napatunayan nito sa korte na hindi ito naging mabuting asawa at ama.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay naranasan ni Mimay na mamuhay nang hindi natatakot. Maganda rin ang posisyon niya sa restawran na pagmamay-ari ni Cesar, kaya naman nabibili na niya ang lahat ng pangangailangan nila ng kaniyang mga anak.

Ibang-iba na ang buhay nilang mag-iina.

Kay laki ng pasasalamat niya kay Rica at Cesar. Hindi niya inakala na ang ulilang magkapatid na pinagmalasakitan niya noon ay ibabalik nang lubos-lubos ang lahat ng malasakit niya.

Advertisement