Nag-uuwi ng Kung Sinu-sinong Lalaki ang Ginang Upang Makalimot, Bangungot pala ang Maibibigay Nito sa Kaniyang Anak
“Mama, sino na naman ‘yong lalaking kasama mo sa kwarto? Hindi po iyon yung kasama mo no’ng isang araw, ‘di ba?” sabi ni Myrtle sa kaniyang ina nang matiyempuhan niya itong nagtitimpla ng kape sa kanilang kusina.
“Ah, eh, nakilala ko lang kasi sa bar ‘yong lalaking iyon, anak, hindi ko na siya ulit nakita, eh. Kaya ito, ibang lalaki ulit ang kasama ko,” tapat na sagot ni Heidi habang hinahalo ang tinitimplang kape.
“Hindi ka ba natatakot na baka may masamang gawin sa’yo ang mga lalaking inuuwi mo rito, mama? Talagang pinagkakatiwalaan mo sila agad?” pang-uusisa nito na ikinailing niya.
“Ano ka ba naman, anak? Syempre, kinikilatis ko muna ‘yan sila bago ko dalhin dito. Hayaan mo na ako sa gusto ko, anak, dito na lang ako nakakalimot sa sakit na dinulot ng tatay mo sa akin,” tugon niya rito na ikinakunot ng ulo nito.
“Marami pa namang paraan para makalimot, mama, delikado po ‘yang ginagawa mo, eh,” pangaral nito sa kaniya na ikinainis na niya.
“Ay, sabi nang huwag makialam, eh. Pumasok ka na roon sa kwarto mo, gabi na, may pasok ka pa bukas,” payo niya rito saka agad na pumasok sa kaniyang silid upang ibigay ang kape sa lalaking naghihintay sa kaniya roon.
Upang makalimot sa bangungot na bigay ng kaniyang asawa nang mangaliwa ito at sumama sa kaniyang pinakamamahal na kaibigan, natutong mag-uwi ng kung sinu-sinong lalaki ang ginang na si Heidi.
Kahit isang beses niya pa lang makilala ang isang lalaki sa bar, kapag ginusto nitong siya’y makalambingan, agad niya itong iniuuwi sa kanilang bahay at wala siyang pakialam kung makita man ito ng anak niyang dalaga.
Ilang beses man siyang pagsabihan nito dahil nga kung sinu-sino ang nakakapasok sa kanilang bahay na hindi naman talaga nila kilala, hindi niya ito pinakikinggan dahil nga masaya siya sa ginagawa niya.
Nang gabing iyon, pagkapasok niya sa kaniyang silid, tumambad sa kaniya ang nakahigang lalaking iniuwi niya. Binigay niya ang kapeng tinimpla para rito ngunit imbis na inumin, tinabi lang ito ng lalaki at siya’y sinimulang lambingin.
Ang lambingan nilang ito ay nagtagal ng isang oras dahilan para siya’y labis na mawalan ng lakas at makatulog na agad. Wala na siyang alam sa mga sumunod na nangyari at nagising na lang siyang kinabukasang umiiyak ang anak niya sa tabi niya.
“O, anong problema, anak? Nasaan na ‘yong lalaking kasama ko kagabi? Umuwi na ba?” tanong niya rito.
“Umuwi na po, bitbit-bitbit ang ilang gamit natin, alahas, at p-puri ko,” nakatungo nitong hikbi na talagang nagpagising sa diwa niya.
“Te-teka, ano’ng ibig mong sabihin?” pang-uusisa niya pa saka agad itong nilapitan.
“Ma-mama, pinagsamantalahan ako noong lalaking ‘yon habang naghuhugas ako ng pinggan kagabi. Hindi ako makapalag, mama, diring-diri na ako sa sarili ko!” hagulgol nito na talagang nagpatigil sa mundo niya.
Nang bahagya niyang mapakalma ang anak, agad niyang tiningnan ang kanilang CCTV na nakatago sa bawat sulok ng kanilang bahay at katulad ng sinabi ng kaniyang anak, kitang-kita roon ang kababuyang ginawa nito.
Labis na pagsisisi ang agad niyang naramdaman noong mga oras na iyon. Hindi niya lubos akalaing ang nagpapasaya sa kaniya ang siyang magiging matinding bangungot sa buong buhay ng kaniyang anak na dalaga.
Wala na siyang sinayang na oras noong umagang iyon at siya’y agad na dumulog sa pulisya. Doon ay agad na natukoy na ang lalaking sinama niya pala sa kanilang bahay ay kakalaya lamang noong isang buwan at may dating kaso sa pananamantala at pagnanakaw.
Halos maghabol siya ng hininga nang malaman ito dahil sa awang nararamdaman para sa kaniyang anak.
Ilang oras lang ang lumipas, agad na itong nadakip ng mga kapulisan at ito’y walang sawa niyang pinagsusuntok dahil sa galit na nararamdaman.
“Kung alam ko lang ang nakaraan mo, hindi ako magtitiwala sa isang katulad mo! Anak ko pa talaga ang dinali mo! Wala kang awa! Hayop ka, hayop!” sabi niya rito habang humagulgol ang anak niya sa gilid kasama ang isang babaeng pulis.
Muli niya itong pinakulong upang makamit ang hustisya ng kaniyang anak at simula noon, tinigilan na niya ang pag-uuwi ng lalaki sa kanila.
Naghanap na rin siya ibang paraan upang makalimot kasama ang kaniyang anak na talagang nagpalalim sa kanilang relasyon. Kung hindi sila sabay na kakain sa parke o dalampasigan, sila’y nagmamaneho hanggang saan sila makapunta na labis na nagbigay ng kapayapaan sa kanilang dalawa.
“Pasensya na, anak, ha? Hindi ko inisip ang kaligtasan mo sa pag-uuwi ko ng mga lalaki sa atin,” sabi niya sa anak habang sila’y nakatanaw sa takip-silim, mahigpit siya nitong niyakap at sinabing, “Sabay tayong lumimot, mama.”