Inday TrendingInday Trending
Niyayaya ng Guro ang mga Magagandang Estudyante Kapalit ng Mataas na Grado; Ibang Klaseng Dalaga pala ang Makakatapat Niya

Niyayaya ng Guro ang mga Magagandang Estudyante Kapalit ng Mataas na Grado; Ibang Klaseng Dalaga pala ang Makakatapat Niya

“Hija, halika, ikaw ba ‘yong bagong lipat na estudyante galing sa kabilang paaralan? Estudyante kita sa isang klase, ‘no?” tanong ni Fernand sa bagong estudyante sa paaralang pinagtatrababuhan niya nang makasalubong niya ito sa pasilyo.

“Ah, eh, opo, sir. Nakapagpakilala po ako sa klase niyo kanina bago magtanghalian. Bakit po?” magalang na tugon nito habang lumalapit sa kaniya.

“Wala lang, gusto ko lang sabihin sa’yong napakaganda mo at ng katawan mo. Libre ka ba mamaya? Gusto mo ba akong samahang magkape pagkatapos ng klase?” nakangiting yaya niya rito habang tinitingnan ang katawan nito na ikinabigla ng dalaga.

“Naku, hindi po ako nagkakape, sir. Pasensya na po, saka, marami rin po akong gagawin mamaya. Kailangan ko pong asikasuhin ‘yong mga dokumento sa paglipat ko po rito,” pag-iwas nito, bakas sa mukha nito ang labis na pagkakaba.

“Sige na, minsan lang akong magyaya, eh, gusto lang kitang makilala mabuti. Malay mo, mabigyan kita ng pinakamataas na grado,” nakangisi niya pang suhol dito.

“Hindi po talaga ako pupwede,” tanggi nito na ikinainis na niya.

“Huwag mo akong tanggihan kung ayaw mong bumagsak sa lahat ng asignatura mo. Kayang-kaya kong sirain ang buhay mo rito, hija. Asahan kita mamaya, ha? Kung wala ka, ipapakalat ko pa na nilalandi mo ako,” pananakot niya rito saka niya ito tuluyang iniwan doon.

Kada may makikitang magandang estudyante, hindi na makapali ang gurong si Fernand. Gusto niyang agad na makasama ang dalagang matipuhan niya kapalit ng mataas na grado. May mga estudyanteng pumapayag sa gusto niya, nagpapagamit ang mga ito sa kaniya kapalit ng mataas na marka at ilang sentimo ng pera ngunit mayroon namang labis na tumatanggi na napapapayag niya rin naman kapag gumamit na siya ng panakot.

Bukod sa sinasabi niya sa mga estudyanteng ibabagsak niya ang mga ito, inaakusahan niya pa ang mga ito na siya’y nilalandi na ipapakalat niya sa buong paaralan dahilan para labis na matakot ang mga dalaga at sundin ang nais niya. Sa katunayan, hindi na mabilang sa kamay ang mga estudyanteng nagamit niya. Ang ilan dito ay patuloy na nagpapagamit sa kaniya kapalit ng grado habang ang ilan, panay ang iwas sa kaniya dahil sa takot.

Unang beses niyang makita ang bagong estudyante noong araw na iyon at agad na siyang nabighani sa ganda nito. Ngunit nang siya’y tanggihan nito, siya’y agad na nakaramdam ng pagkainis dahilan para kaniya itong takutin gaya ng ginagawa niya sa ibang estudyante.

Pagkatapos na pagkatapos ng kaniyang klase nang araw na ‘yon, agad niyang inabangan sa gate ng paaralan ang estudyanteng iyon.

Ngunit, imbis na ang estudyanteng iyon ang lumapit sa kaniya, tatlong naglalakihang pulis ang tumabi sa kaniya.

“Kung ayaw niyo pong mapahiya sa mga estudyanteng lumalabas sa gate na ito, huwag na po kayong pumalag,” bulong sa kaniya ng isang pulis saka siya agad na pinosasan.

“Teka, bakit niyo ako poposasan? Ano po bang ginawa ko sa inyo?” pang-uusisa niya habang panay ang palag sa mga pulis.

“Sir, anak ko po ang niyaya at tinakot niyo kaninang tanghali. Nai-record niya po ang usapan niyo sa selpon niya dahil alam niyang nanggagamit kayo ng mga estudyante base sa mga kwento sa kaniya ng ibang estudyante rito. Pasensya na po, ako muna ang harapin niyo bago niyo magalaw ang anak ko. Sa presinto na po kayo magpaliwanag!” sigaw nito sa kaniya na ikinatigil ng mundo niya.

Katulad ng nais ng naturang pulis, siya nga’y dinala nito sa presinto at doon niya nakita ang estudyanteng kanina lang ay pinipilit niyang sumama sa kaniya.

“Kumusta, sir? Masaya ka bang makita ako ulit? Pasensya ka na, ha? Hindi ako kasing hina ng ibang dalagang natitipuhan mo. Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa kulungang ito,” sabi pa nito sa kaniya saka nagsisulputan ang iba pang dalagang kaniyang ginamit na nagpatibay sa kasong sinampa sa kaniya.

Bukod pa sa pagkakakulong niya, agad pa siyang natanggalan ng lisensya sa pagtuturo dahil sa kahihiyang binigay niya sa paaralang pinagtatrababuhan niya.

“Patawarin niyo po ako! Pakiusap, gusto kong mabuhay nang malaya! Pangako, hindi na po mauulit, pinagsisihan ko na lahat ng ginawa ko!” pagmamakaawa niya sa kaniyang mga biktima at mga magulang nito, isang araw habang dinidinig sa korte ang kaso niya.

Ngunit dahil sa dami ng estudyanteng kaniyang pinagsamantalahan na pawang mga menor de edad, napatunayan ang kasalanan niya at siya’y makukulong nang habang buhay.

Wala siyang magawa kung hindi ang maiyak sa labis na pagkahina. Kahit pa ipagsigawan niyang magbabago na siya, wala nang nakikinig at naniniwala sa kaniya. Mabuti na lamang at natagpuan na niya ang katapat niya!

Advertisement