Pinapabayaan ng Ginang na Ito na Maglarong Mag-isa ang Kaniyang Anak, Nanlambot Siya sa Kinahinatnan Nito
“Magandang tanghali sa pinakamaganda kong kapatid! May tira ka bang ulam d’yan? Gutom na gutom na ako, eh, pakain naman!” tuloy-tuloy na sabi ni Mari sa kaniyang nakatatandang kapatid nang kaniya itong bisitahin sa bahay.
“Hay naku, palagi ka na lang gan’yan! Magpupunta ka rito para makikain! Hindi ka ba pinapakain ng kinakasama mo?” kunot noong sagot ni Mary habang panay ang pagpindot sa hawak na selpon.
“Naku, ate, huwag na muna nating pag-usapan ang mokong na iyon!” tugon nito sa kaniya na ikinailing niya, “Teka, ate, nasaan ang anak mo? Bakit parang walang maingay?” pang-uusisa pa nito habang hinahanap ang anak niya.
“Naglalaro lang ‘yon d’yan. Hayaan mo siya para makapagpahinga naman ako,” sagot niya pa saka nahiga sa inuupuang sofa.
“Para namang may ginagawa ka talagang nakakapagod dito sa bahay niyo! Kung gusto mo siyang maglaro, ate, dapat nasa tabi ka rin niya para makita mo kung anong ginagawa niya! Bantayan mo rin kaysa selpon ka nang selpon d’yan!” pangaral nito sa kaniya habang patuloy na hinahanap kung nasaan ang kaniyang anak.
“Edi ikaw ang gumawa! Ikaw nakaisip, eh!” sigaw niya rito saka tumawa nang malakas.
“Ate! Si baby! Diyos ko! Humingi ka na ng tulong!” malakas na sigaw nito na labis niyang ikinataranta.
Pabaya sa kaniyang dalawang taong gulang na anak ang ginang na si Mary. Kahit na wala naman siyang ginagawa sa kanilang bahay dahil ginagawa na ng kaniyang asawa ang lahat ng gawaing bahay bago ito pumasok sa trabaho, ni hindi niya magawang bantayan ang anak dahil sa labis niyang pagkaabala sa pagseselpon.
Halos maghapong pagala-gala ang anak niya sa loob ng kanilang bahay. Lalapit lang ito sa kaniya kapag nagugutom na o kung hindi naman, kapag puno na ang suot na diaper. Pero hangga’t hindi ito lumalapit sa kaniya, ibababad niya maigi ang sarili sa panunuod ng mga bidyo, pagkokomento, at pagtawa sa mga nababasa niya sa social media.
Ito ang labis na ikinagagalit ng bunso niyang kapatid na mahal na mahal ang kaniyang anak. Tuwing dadalaw ito sa kanila, palagi siya nitong sinesermunan na hindi niya pinapansin dahil sa kaniyang pagseselpon.
Nang araw na iyon, pagkasigaw ng kaniyang kapatid, agad niyang nabitawan ang hawak na selpon at mabilis na napatakbo kung nasaan ang kaniyang kapatid.
Nakita niya ito sa kanilang kusina habang buhat-buhat ang walang malay niyang anak.
“Ano’ng nangyari?” tanong niya pa habang papatakbo sila palabas ng kanilang bahay.
“Mukhang may sinubong bagay ang anak mo, ate! Sabi sa’yo huwag mong papabayaan ‘to e!” sigaw nito sa kaniya saka agad na tumawag ng traysikel.
Habang nasa traysikel, mangiyakngiyak niyang ginigising ang walang malay niyang anak. Halu-halong kaba, takot, at pagsisisi ang kaniyang nararamdaman na labis niyang ikinapanghihina.
Pagkarating na pagkarating nila sa ospital, mabilis na tumakbo papasok ang kaniyang kapatid dito upang malunasan na ang kaniyang anak. Habang siya, panay ang habol dito.
Hanggang sa may makasalubong silang isang doktor, lumuhod na siya sa harapan nito upang lunasan ang kaniyang anak at laking tuwa niya nang agad nitong binuhat ang bata at sinimulang tapik-tapikin ang likuran nito. “Parang-awa niyo na, Panginoon, dugtungan niyo ang buhay ng anak ko! Hindi ko kayang mawala siya sa akin! Pangako, babantayan ko na siyang mabuti!” iyak niya nang nakaluhod sa sahig habang pinagmamasdan ang ginagawa ng doktor sa kaniyang anak.
At tila dininig nga siya ng Panginoon dahil pagkatapos na pagkatapos niyang manalangin, iyak ng kaniyang anak ang sunod niyang narinig.
Napaupo na sa sahig ang doktor sa sobrang tuwa habang iniaabot sa kaniya ang anak niyang iyak nang iyak.
“Salamat po! Salamat po!” paulit-ulit niyang sabi rito at sa sobrang tuwa niya, mahigpit niya itong nayakap.
Hihinga-hingang lumapit sa kaniya ang kapatid niya na labis niya ring pinasalamatan.
“Maging aral na ito sa’yo, ate, ha? Bata pa ang anak mo, hindi mo siya dapat pinapabayaan,” pangaral pa nito sa kaniya na talagang itinatak na niya sa isip niya.
Simula noon, nilimitahan na niya ang paggamit ng selpon at ibinigay ang lahat ng oras niya sa kaniyang anak na labis niya namang ikinatuwa dahil talagang nakikita niya ang mga ginagawa nito at nakasisiguro siyang walang masamang mangyayari rito.
“Pasensya ka na, anak, ha? Napabayaan ka ni mama dahil sa selpon, pangako, hanggang paglaki mo, susubaybayan at babantayan na kita,” pangako niya rito habang tinitimplahan niya ito ng gatas.