Laking Gulat ng Lahat nang Malamang Nawala sa Sarili ang Babae Matapos Ikasal sa Iba ang Nobyo; Gagaling pa Kaya Ito?

Nabulabog ang lahat sa kumalat na balita sa kanilang barangay na nawawala raw sa sariling katinuan si Charmaine.

“Hala ka! Talaga ba, mare? Naku! Talagang hindi niya nakayanan ang nangyari sa kaniya at sa nobyo niyang si Esmael, ano?” nang-uusisang sambit ni Aling Trinidad.

“Oo nga, mare. Iyak nga nang iyak si Kumareng Carla dahil sa nangyari sa anak niya,” malungkot at nag-aalalang sambit naman niya. “Ang sabi’y pagkatapos daw ng kasal nina Esmael at Jona, umuwi raw si Charmaine na umiiyak at dumiretso sa silid nito. Hindi naman nila naisip na sa paglabas nito ay wala na sa sariling katinuan.”

“Naku! Kawawa naman si Charmaine,” ani Aling Trinidad.

Alam ng buong baryo kung ano sina Esmael at Charmaine. Mga bata pa lang ang dalawa’y hinulaan na ng iilan sa mga kapitbahay nila na sila na ang magkakatuluyan ng lalaki. Kung hindi sila nagkakamali ay halos sampung taon na ang relasyon ni Esmael at Charmaine, kaya nagimbal ang lahat nang mabalitaang ikakasal si Esmael kay Jona, ang bestfriend ni Charmaine.

Hindi naman nabuntis ni Esmael si Jona, at alam ng lahat na walang relasyon ang dalawa. Ngunit ayon sa iilan ay hindi pa isinisilang ang dalawa’y nakatadhana na ang mga ito sa isa’t-isa.

Walang nagawa si Charmaine kung ‘di ang magparaya. Kahit na hindi iyon bukal sa kaniyang kalooban. Inimbita pa ng kamag-anak ni Esmael si Charmaine sa kasal ng dalawa, na kahit tinutulan ng mga kamag-anakan nito’y siya pa ring dinaluhan ng dalaga.

Matapos nitong dumalo sa kasal ng pinakamamahal ay umuwi itong luhaan at nagkulong ng ilang araw sa silid. Sapilitan nila itong pinapakain at pinapaligo, hanggang sa isang araw nagising na lamang silang lahat na wala na ito sa tamang pag-iisip.

Advertisement

Bigla-bigla ay tumatawa ito at nagsasalitang mag-isa, pagkatapos ay biglang hahagulhol ng iyak at akmang itatali ang sariling leeg at gustong wakasan ang sariling buhay, pagkatapos ay biglang tatawa ulit. Hindi na nila ito halos makilala.

Kaya nagdesisyon ang pamilya ni Charmaine na ipasok siya sa pasilidad na maaari siyang magamot. Nang nakarating ang balita kay Esmael, hindi ito nagdalawang-isip na puntahan ang dating nobya, kahit na tinutulan iyon ng mga magulang nito.

Sa araw na iyon ay bisita siya ni Charmaine. Hinahanda niya ang sarili sa muli nilang pagkikita ng babaeng pinakaminamahal. Kasalanan niya ang nangyari rito, pero wala siyang magawa. Ito ang mahal niya, alam iyon ng Diyos, pero hindi niya pwedeng suwayin ang tradisyon na kaniyang kinalakihan. Kahit si Charmaine ang laman ng puso niya, hindi si Charmaine ang babaeng nakatadhana sa kaniya.

“E-Esmael?” nauutal na sambit ni Charmaine sa pangalan.

Agad na ngumiti si Esmael nang marinig ang sinambit na pangalan ni Charmaine. Kahit wala na ito sa sariling katinuan, ay hindi nito nakalimutan ang pangalan niya.

“Charmaine,” aniya saka tumayo at niyakap nang mahigpit ang babae.

“Esmael…” humahagulhol nitong sambit muli sa pangalan niya. “Akala ko nakalimutan mo na ako, Esmael.”

“Hindi, Charmaine, hindi kailanman,” umiiyak na rin niyang wika.

Advertisement

“Esmael, hindi ko kaya,” tumatangis na wika ni Charmaine. “Akala ko kaya kong pakawalan ka at ipaubaya kay Jona. Akala ko kaya ko, pero hindi, Esmael. Ang sakit-sakit ng naramdaman ko na parang gusto ko na lang hingin na sana kunin na ang buhay ko. Ang sakit, bakit kasi kailangang mangyari ito, Esmael?” ani Charmaine.

Kung sino man ang makakakita sa kanilang mga kamag-anak ay iisiping gumaling na sa pagkab@liw si Charmaine.

“Patawarin mo ako, Charmaine,” ani Esmael, na mas lalong hinapit ng yakap ang babae.

Dalawang araw pa lang mula noong ipinasok si Charmaine sa isang mental hospital. Kaya alam niyang hindi pa ito magaling, ngunit kataka-takang matino niya itong nakakausap ngayon. Mahinahon at maayos niyang kinausap si Charmaine at ipinaliwanag ang mga bagay na alam niyang naipaliwanag na niya noon rito.

“Magpagaling ka ah, Charmaine. Gusto ko sa muli nating pagkikita, magaling ka na. Mas mapapanatag ang loob ko’t mas sasaya ako, kung makikita kitang maayos at hindi ganito,” umiiyak na wika ni Esmael.

Ayaw man niyang pakawalan ang babae ay wala siyang magagawa. Kailangan nilang magpatuloy sa buhay, kahit hindi na sila magkasama. Pero hindi sa ganitong paraan. Hindi iyong nasira ito dahil sa labis na pagmamahalan nilang dalawa. Kahit masakit, nais niyang makita si Charmaine na masaya at maayos ang buhay, hanggang sa makahanap ulit ito ng lalaking bagong mamahalin.

Umangat ang kamay ni Charmaine, upang hawakan siya saka nakatulalang tinitigan. Matamis na ngumiti si Charmaine, bago muling nagsalita.

“Mahal kita,” mahinang wika nito. “Sobrang mahal kita, kaya ang sakit nito,” anito sabay turo sa puso niya. “Pero pinapalaya na kita, Esmael.”

Advertisement

Lalong umiyak si Esmael sa sinabi ni Charmaine.

“Malaya ka na,” dugtong pa nito.

“Salamat,” ani Esmael. “Hiling ko na sana’y gumaling ka na mahal kong Charmaine,” aniya saka muling niyakap ang babae.

Iyon na ang huling beses na dumalaw si Esmael sa ospital kung nasaan si Charmaine, pero hindi pa rin niya maiwasang makibalita sa mga magulang nito kung kumusta na ang lagay nito. At sa bawat balitang natatanggap niya sa pamilya ni Charmaine ay puro positibo naman iyon na mas lalong nagpapaluwag sa konsensyang naramdaman niya sa puso.

Makalipas ang isang taon mahigit ay tuluyan nang gumaling si Charmaine na labis na ikinatuwa ng lahat. Isang malaking trauma sa pag-ibig ang nangyari kay Charmaine, kaya hindi ito masisi ng iba kung bakit takot na itong magmahal ulit.

Mas nag-pokus na lamang si Charmaine sa trabaho niya at mas ninamnam ang pagiging dalaga. Ayaw na niyang maulit sa kaniyang muli ang nangyari noong naging sobrang desperada siya.

Alam niya sa sariling darating din ang lalaking nakatadhana para sa kaniya. At handa siyang hintayin ito, kahit gaano man iyon katagal. Sa ngayon ay masaya na siya sa nangyayari sa buhay niya. Masaya siyang nakakapaglakbay siya sa kung saan-saang bansa. Nagagawa niya ang mga bagay na hindi nagagawa ng iilan. At masaya na rin siya para kay Esmael. Wala nang kahit anong hinanakit sa puso niya para dito. Pinalaya niya si Esmael noon, ngayon ay napalaya na rin niya ang sarili.