Gusto ng Ama na Mahal at Malaking Laruan ang Kunin ng Anak Ngunit Mariin Nito Iyong Inayawan; Ito Pala ang Dahilan

“Daryll, maligo ka at pupunta tayo sa mall, ah,” malambing na kausap ni Harry sa anak.

“Ano po ang gagawin natin sa mall, papa?” inosenteng tanong ni Daryll sa ama.

“Bibili tayo ng laruan mo para hindi ka na nanghihiram kay Alfred,” ani Harry saka sinuklay ang buhok ng anak.

Palagi na lang kasi niyang naaabutan na inaaway ni Alfred ang anak niya kapag nanghihiram ito ng laruan sa kaibigan. Kaya pinag-ipunan niya talaga ang bagay na iyon para hindi na kailangan ni Daryll na manghiram sa kaibigan.

“Anong klaseng laruan naman ang bibilhin natin, papa?”

“Kung ano ang gusto mo siyempre,” ani Harry.

Saglit na nanahimik si Daryll at pinakatitigan ang mukha ng ama saka maya-maya ay bigla itong nagtanong.

“M-may pera ka ba, papa?” anito.

Advertisement

Labis siyang nagulat sa tanong na iyon ni Daryll. Ano’ng alam ng anak sa pera? Limang taong gulang pa lang ito at hindi nila masyadong sinasanay si Daryll sa pera. Kung anuman ang hinihingi nito ay hindi pera ang binibigay nila, bagkus ay pagkain o laruan mismo. Ayaw nilang mag-asawa na sanayin sa pera si Daryll.

Tumawa na lamang siya saka inayos ang suot ng anak at inaya na itong umalis. Day-off niya sa araw na iyon, kaya papasyal sila ni Daryll, at pagkatapos nilang mag-ikot-ikot sa mall ay didiretso naman sila sa trabaho ng kaniyang asawa upang doon na sila sabay-sabay na kumain.

Pagkarating sa bilihan ng laruan ay agad niyang pinaikot at pinapili si Daryll ng gusto nitong laruan. Manghang-mangha at ang saya ng mukha ni Daryll nang makita ang iba’t-ibang klaseng laruan. Lahat ng mga laruang naroroon ay gustong-gusto nitong hawakan at yakapin lahat.

Hinayaan niya si Daryll na mamili. Nang magsawa ito sa kakayakap, hawak at halik sa mga laruan ay agad itong namili ng bibilhin. Laking gulat niya nang ang kinuha ni Daryll ay isang simpleng laruang sasakyan na kulay pula.

“Papa, ito na po ang napili ko,” nakangiting wika ni Daryll.

“Bakit iyan? Huwag iyan ang kunin mo, Daryll, gusto mo si papa na ang pumili ng laruan para sa’yo?” ani Harry.

Umiling ito saka iniabot sa kaniya ang maliit na laruang sasakyan. “Ayos na ako d’yan, papa. Maganda naman po e,” anito.

“Pero pangit naman ito, anak. Maliit lang, hindi kagaya ng mga laruan ni Alfred na malalaki at magaganda,” aniya.

Advertisement

Nais niyang ipaalala sa anak ang mga laruang kinaiingitan nito.

Umismid ang inosenteng mukha ni Daryll, saka ngumiti. “Hmm, alam ko naman kasi papa na wala kang pera para bilhan ako ng mamahaling laruan,” ani Daryll, na muli niyang kinabigla. “Si Alfred kasi papa, mayaman at maraming pera ang mama at papa niya. Kaya ayos lang na bumili sila ng mamahaling laruan,” dugtong nito.

Hindi malaman ni Harry kung ano ang mararamdaman sa sinabi ng anak. Maaawa sa sarili o magiging proud sa anak. Bata pa si Daryll pero kung mag-isip ito’y parang malaking tao na.

“Ayos na sa’kin ito, papa,” untag ni Daryll. “Masaya na ako na makita ang mga ganiyang laruan,” wika nito sabay turo sa mga naka-display na laruan. “Masisira rin naman ‘yang mga ‘yan, papa. Saka kapag malaki na ako, ‘di ko na sila kailangan. Ikukwento ko na lang kay Alfred na nakapunta ako rito, ipapakita ko sa kaniya ang mga pictures ko na kinuhanan mo para mainggit siya sa’kin,” pilyong wika ni Daryll at saka tumawa.

“Sigurado ka bang ayaw mong bilhan kita ng mamahaling laruan, anak?” mangiyak-ngiyak na wika ni Harry.

Tumango ito saka yumakap sa ama. “Opo. Ibili na lang natin ‘yan ng pagkain papa, mabubusog pa tayo.”

Niyakap ni Harry ang anak nang mahigpit. Sobrang saya ng puso niya na bata pa lang si Daryll ay alam na nito ang sitwasyon nila. Ipinapangako niya sa sarili na mas pagbubutihan ang pagtatrabaho, upang kahit papaano’y gumaan-gaan ang buhay nilang pamilya. Kapag dumating na ang araw na iyon ay mabibilhan na niya ng laruan si Daryll.

“Pangako, anak, kapag marami nang pera si papa, bibilhin natin iyang mga laruan na iyan,” aniya saka itinuro ang mga mamahaling laruan.

Advertisement

“Okay po, papa. Pero sa ngayong wala ka pang maraming pera, okay na ito ah,” ani Daryll.

Malakas na tumawa si Harry sa tinuran ng anak. Kahit limang taong gulang pa lang ay alam na ang salitang pagtitipid. Kapos man sila ngayon sa pera, talagang sinwerte naman siya sa anak niya. Magsisikap siyang mabuti upang maipalasap ang maginhawang buhay sa pinakamamahal na anak.