Sawa na sa Buhay May Asawa ang Lalaki at Gusto na Lang Sanang Maging Binata Ulit; Pagbigyan Kaya Siya ng Misis?

Hiniram ni Vivian ang selpon ng asawa dahil nais niyang tawagan ang pamilya sa probinsya upang kumustahin. Ipinahiram naman iyon ni Brandon at dumiretso sa banyo para maligo. Katatapos lamang nilang kumain ng tanghalian at naghahanda upang magpahinga. Namiss na rin niya ang pamilya sa probinsya kaya kailangan niyang tawagan ang mga ito.

Masaya niyang ibinaba ang tawag ng mga magulang at babalik na sana sa loob ng bahay upang isauli sa asawa ang selpon nito nang bigla iyong tumunog, tanda na may bagong mensahe itong natanggap.

“Mama,” mahina niyang basa sa nakasulat.

Binuksan niya ang mensahe upang tingnan ang laman niyon. Hindi naman siya nangingialam sa pribadong buhay ng asawa, ngunit wala naman ito, dahil babasahin lang naman niya ang mensahe ng ina nito. Nais niyang malaman kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa.

“Anak, kung nagsasawa ka na kay Vivian, kausapin mo siya nang maayos at huwag maging duwag na sabihin ang totoong nararamdaman. Isipin mo ang dalawa mong anak. Kawawa sila, kung talagang gagawin mo iyong gusto mong maging binata ulit,” anang mensahe ng ina ni Brandon.

Bigla siyang nanghina sa nabasa. Totoo ba iyong nababasa niya na nais na ni Brandon na iwanan siya upang mamuhay ito bilang binata ulit. Nanginginig ang kamay at nangingilid ang mga luhang tinitigan ni Vivian ang selpon, binasa niya lahat ang naging usapan ng mag-ina.

“Gustong-gusto ko nang iwanan si Vivian, ‘ma. Kung maibabalik ko lang ang panahon, hindi ko na sana piniling mag-asawa. Ang sarap palang maging binata, ngayon ko lang naisip iyon. Kung hindi lang talaga dahil sa anak naming si Franco at Faye, baka nakipaghiwalay na talaga ako kay, Vivian, ‘ma,” anang text ni Brandon sa ina.

Pagkatapos ng mga isinakripisyo’t ginawa niya para sa asawa, wala pala itong nais gawin kung ‘di ang hiwalayan siya at mamuhay bilang binata. Wala siyang kaalam-alam na nagsasawa na pala ito at nakakaisip na hiwalayan siya— salamat sa mga anak nila’t pinipili pa rin nitong kumapit.

Advertisement

Ano bang naging mali niya? Iyon bang hindi niya ito pinapayagang makasama sa inuman ang mga barkada? O iyon bang pinagbabawalan niya itong gumala o iyong mga nagiging problema nila minsan sa pera o sa ano man? Ano ba ang naging dahilan para manawa ito?

“Vivian, tapos ka na bang gamitin ang selpon ko?” tanong ni Brandon, nakadungaw sa bintana.

“Tumingala siya upang pigilan ang pag-agos ng luha. “Oo, tapos na ako, Brandon. Katatapos lang din ng tawag nila mama at papa,” aniya.

Naglakad siya palapit dito at ibinalik ang selpon.

“Umiiyak ka ba?” takang tanong ni Brandon ng matitigan ang namumula niyang mata.

Umiwas siya saka naiilang na ngumiti. “Ah, kaunti,” aniya. “Namimiss ko lang sila mama.”

Kahit na ang totoo’y gusto niya itong singhalan at ipamukha rito ang lahat ng mga nabasa niya sa naging usapan nito at ng ina. Gusyo niyang magalit sa asawa. Gusto niya itong sumbatan at kwentahan sa mga bagay na nagawa niya para dito. Pero hindi niya ginawa— nasasaktan siya pero kahit sumbatan at kwentahan pa niya ang lalaki, kung iyon na ang desisyon nito ay mahihirapan na siyang baguhin iyon.

“Bakit biglaan naman yata ang uwi niyo ng mga bata sa probinsya, Vivian?” takang tanong ni Brandon.

Advertisement

Nang magpaalam siyang uuwi sa probinsya at may nabili na siyang tiket sa eroplano kaya wala na itong magagawa kung ‘di payagan sila.

“Doon na muna kami ng mga bata, Brandon, magbabakasyon lang naman kami doon. Babalik din kami rito,” ani Vivian, hindi man lang nag-abalang tignan ang asawa.

“Ihahatid ko na kayo,” anito.

“Huwag na!” marahas niyang pigil. “Kaya naman namin, Brandon. Saka mag-isa ka na lang na uuwi mamaya, kaya ayos lang kami,” aniya. Sabay bawi sa nais mangyari.

Ngunit nagpumilit pa rin si Brandon na ihatid ang mag-iina niya sa airport. Walang nagawa si Vivian kung ‘di pagbigyan ang asawa.

“Anong araw kayong babalik?”

Gusto niyang sagutin ang asawa na wala na silang balak na bumalik pa. Upang pagbigyan ang gusto nitong mangyari na mamuhay bilang isang binata. Ngunit mas pinili niyang ngumiti saka yumakap nang mahigpit rito.

“Kapag nakakuha ulit kami ng ticket pauwi ay babalik din kami agad. Namiss ko lang talaga sila mama at papa, kaya biglaan ang uwi namin ng mga anak mo,” aniya.

Advertisement

Nalungkot man si Brandon ay naging masaya siya sa desisyon ni Vivian na umuwi muna sa probinsya at magbakasyon. Sa wakas! Pansamantala, wala nang pipigil sa mga gusto niyang gawin. Wala nang magagalit kapag late na siyang umuuwi. Wala nang kontrabida sa buhay niya.

Sinamantala ni Brandon ang pagkakataong wala si Vivian. Panay ang labas nito at sama sa mga kaibigan sa inuman. Namuhay binata si Brandon at nagpakasaya. Balewala sa kaniya kung tatawag man o hindi si Vivian, para siyang isang ibon na matagal nakakulong at sa wakas ngayon ay nakawala.

Tatlong buwan ang lumipas. Hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik si Vivian at ang mga anak niya. Minsan lang din tumawag ang asawa, kapag lang namimiss siya ng mga anak niya. At mas nakakausap niya ang mga anak, kaysa rito. Kaya pinagdudahan niya ito at pinagbintangang may lalaki, na mariin namang tinatanggi ng babae.

Limang buwan na mula nang umalis sina Vivian at mga anak niya.

“Ano Vivian, wala pa rin kayong balak na bumalik dito?” inis na tanong ni Brandon.

Namimiss na niya ang mga anak, pati na ito. Malaking hungkag ang bahay mula noong umalis ang mga ito. Ang sayang naramdaman niya no’ng unang umalis ang asawa’t anak, ngayon ay nakakawala na ng gana. Mas hinahanap niya ngayon ang presensya ng kaniyang pamilya, kaysa sa sayang dulot ng mga kaibigan niya.

“B-brandon, hindi na kami babalik d’yan. Hmm, dito na lang kami ng mga anak mo. Kung gusto mo silang suportahan, walang problema iyon sa’kin. ‘Yong tungkol naman sa’tin ay gusto ko nang makipaghiwalay sa’yo at tuparin ang matagal mo nang gusto na muling mamuhay na parang binata,” ani Vivian.

Ipinaliwanag ni Vivian sa asawa ang nabasa niya ang naging usapan nila ng ina. Sinabi niya rin rito na iyon ang nagtulak sa kaniya para magdesisyon na lumayo kasama ang mga anak nila, upang pagbigyan ang gusto nitong mawala sila sa buhay nito para makapamuhay ito nang malaya.

Advertisement

Ngunit imbes na pumayag ay nagalit si Brandon at mariing inayawan ang desisyon ni Vivian. Ang akala rin niya noon ay ang barkada ang magpapasaya sa kaniya, ngunit mali pala siya. Masayang kasama ang barkada— saglit! Pero pagkatapos ng araw, mas gugustuhin niya pa ring makita’t masama ang sarili mong pamilya.

Nakiusap siya sa asawa na huwag maging padalos-dalos sa desisyon at huwag sirain ang pamilya niya dahil lang doon sa nabasa, ngunit buo na ang desisyon ni Vivian na hiwalayan siya. Mula noon ay hindi na niya muling nakausap pa si Vivian, maliban sa mga anak nila. Hindi naman nito ipinagdamot ang dalawa nilang anak, ngunit talagang ayaw na nito sa kaniya.

Upang hindi tuluyang mawasak ang pamilya nila’y nagdesisyon si Brandon na sundan ang kaniyang mag-iina. Kung muli siyang tatanungin sa pagkakataong ito’y mas pipiliin niyang mawala ang kaniyang mga kaibigan, kaysa tuluyang mawala sa buhay niya ang asawa’t anak. Ngayon niya napagtanto na walang mas sasarap sa buhay kundi ang makasama mo ang pamilya mo.

Alam niyang hindi siya basta-basta mapapatawad ni Vivian, pero sinisiguro niyang babawi siya sa asawa at ipaparamdam niya rito kung gaano siya kakulang noong nawala ito sa kaniya.

Gaya ng matandang kasabihan, ang pag-aasawa’y hindi parang mainit na kanin na kapag napaso ka’y iluluwa mo na. Ang pag-aasawa ay dapat pareho kayong handa at magkasama sa hirap man o sa ginhawa.

Hindi por que ‘di ka na masaya, gugustuhin mo na lang ulit na maging binata at tanggalin sila sa buhay mo. Ang buhay ay hindi lamang puro saya.

Ngayong natutunan na ni Brandon ang lahat ng bagay na iyon, sisiguraduhin niyang hindi siya susuko sa pagsuyo at pagbawi sa kaniyang misis at mga anak hanggang sa makuha na niya ulit ang loob ng mga ito. Hinding-hindi na niya muli ipagpapalit ang kaniyang pamilya sa kahit ano o kahit sino.