Kung Kailan Yumao ang Ina ay Saka Lamang Nagpakita ang mga Anak; Babaha ng Luha nang Malaman Nilang Palabas Lamang ang Lahat

Nakakailang tawag na si Aurora sa kaniyang mga anak ngunit ni isa man sa kanila ay walang sumasagot ng telepono. Kanina pa kasi siya naghihintay sa mga ito dahil nagluto siya ng mga paborito nilang putahe.

Sinubukan muli niyang tawagan ang panganay na si Ramil. Napangiti siya nang marinig ang boses nito. 

“Nasaan na ba kayo, anak? Malapit na ba kayo dito sa bahay? Kanina pa kasi ako nakahain. Lalamig na ang pagkain. Pinagluto kita ng pochero,” magiliw na sambit ng matanda.

Napasimangot si Ramil dahil nasa opisina pa siya at abala sa trabaho. Nalimutan niya ang kaarawan ng kaniyang ina.

“’Ma, pasensya na talaga. Babawi ako sa inyo, pangako. May kailangan lang talaga akong tapusin dito sa opisina. Susunod na lang po ako. Pasensya na talaga. Tatawagan ko na lang po sina Diane at Fred para itanong kung nasaan na sila,” paumanhin naman ni Ramil. 

“Sige, anak naiintindihan ko. Pakisabi na lang sa kanila na hinihintay ko sila. Sumunod ka dito sa bahay, a. Titirhan kita ng pagkain,” wika pa ng ginang. 

Agad na tinawagan ni Ramil ang kaniyang mga kapatid. Una niyang tinawagan ang bunsong si Diane.

“Diane, nasaan ka na ba? Kanina pa naghihintay si mama! Pumunta na kayo ngayon dahil nagluto siya ng marami para sa atin. Hindi ako makakapunta dahil ang dami kong tatapusing trabaho,” sambit pa ng ginoo.

Advertisement

“Kuya, hindi ba sinabi ko na sa’yo noong isang araw na hindi rin ako makakapunta dahil may tinatapos kaming proyekto sa negosyo namin? Kayo ang inaasahan ko ni Diko Fred. Tawagan mo na siya kaagad at papuntahin mo dahil kawawa naman si mama kung walang darating sa kaarawan niya!” wika naman ni Diane. 

Ngunit nang tawagan ni Ramil si Fred ay hindi rin ito makakarating dahil marami rin itong ginagawa.

Hindi tuloy alam ni Ramil kung paano sasabihin sa kaniyang ina na walang makakarating sa kaarawan nito.

“’Ma, pasensya na po kayo. Abala kaming lahat sa trabaho. Hayaan mo, ma. Para makabawi ay bibilhin ko ang bag na gustong gusto mo! Huwag na po kayong malungkot, a. Sige na, ma, kailangan ko na pong pumasok sa conference room at magsisimula na ang meeting namin. Happy birthday, ma!”” wika ni Ramil sa kabilang linya ng telepono. 

Nangingilid ang luha ni Aurora habang tinitingnan niya ang lahat ng kaniyang niluto para sa mga anak. Pero kahit na nagtatampo ay wala naman siyang magawa kung hindi intindihin ang mga ito.

“Ayos lang, anak. Darating naman ‘yung kasamahan ko sa simbahan. Kami na lang ang magsasalu-salo,” saad ni Aurora habang pinipigilan ang panginginig ng kaniyang boses.

Pagbaba ng telepono ay tumulo na ang luha ni Aurora. Ilang sandali pa ay nariyan na ang kaibigan niyang si Precy.

“Maligayang kaarawan, Aurora! O, nasaan ang mga anak mo? Akala ko ba ay magsasasalu-salo tayo ngayon dito?” pagtataka ng ginang. 

Advertisement

Nalumbay rin si Precy nang makita si Aurora na umiiyak. 

“Hindi na naman sila makakapunta dahil abala sa trabaho. Naalala ba nilang kaarawan mo ngayon? Hayaan mo na, mare, tayo na lang ang mag-celebrate. Tatawagan ko rin ang mga kasamahan natin sa simbahan para maubos natin ang lahat ng ito,” dagdag pa ng kaibigan. 

“Unawain mo na lang sila, mare. Kailangan na matanggap nating may mga kaniya-kaniya na rin silang mga buhay. May pamilya na rin silang binubuhay kaya kailangan nilang magsikap,” paliwanag ni Precy. 

“Talaga bang tapos na ang pagiging ina ko sa kanila kapag nagkaroon na rin sila ng pamilya? Inuunawa ko naman sila pero sana kahit paano ay maalala nila ako,” umiiyak pag sambit ni Aurora. 

Pinilit lamang ni Aurora na maging masaya nang araw na iyon. Nagbigay na lang siya ng mga pagkain sa mga kapitbahay para hindi masayang ang lahat ng kaniyang niluto.

Kinagabihan ay iniisip pa rin niya ang ginawa sa kaniya ng kaniyang mga anak. Nang gabi ring iyon ay tinawagan niya ang kaibigang si Precy upang mawala ang kaniyang lumbay hanggang siya ay makatulog.

“Puntahan na lang kita bukas d’yan, mare. Ako na ang bahala sa lahat,” wika ni Precy.

Isang linggo ang nakalipas at ginimbal ng tawag mula kay Precy ang magkakapatid na Ramil, Fred, at Diane. 

Advertisement

Agad silang nagtungo sa bahay ng ina at doon ay naabutan nila ang ilang kaibigan ng kaniyang ina na nag-uusap-usap.

“Ilang araw na namin kayong pilit na tinatawagan pero hindi kayo sumasagot. Tatlong araw nang yumao ang nanay n’yo at dahil na rin sa huli niyang habilin ay pinasunog na namin ang kaniyang mga labi. Bago yumao ang mama niyo ay sinabi niya sa akin na sinusubukan raw niya kayong tawagan dahil masama ang pakiramdam niya ngunit wala raw siyang makausap sa inyo. Ang akala ko naman ay bumuti na ang lagay niya dahil noong huling kumusta ko sa kaniya ay uminom na raw siya ng gamot,” kwento ni Aling Precy sa mga anak ng kaibigan.

Labis na nagdadalamhati ang magkakapatid dahil hindi man lamang nila nakita ang kanilang ina sa mga huling sandali nito. Labis ang kanilang pagsisisi na hindi man lang nila ito nadalaw noong kaarawan niya.

Isa-isa nilang niyayakap ang mga damit at gamit ng inang si Aurora.

“Kung alam ko lang na iyon na ang pinakahuling sandali na p’wede natin siyang makita’y hindi ko na lang itinuloy ang meeting ko sa mga boss ko. Sana ay sumaglit man lang ako para kahit paano ay napasaya ko siya,” umiiyak na sambit ni Ramil.

“Kuya, hindi na natin maibabalik ang panahon. Maging ako ay nagsisisi rin pero kailangan nating tanggapin ang lahat. Nanghihinayang lang ako sa mga panahon na nasayang dahil hindi man lang natin naiparamdam sa kaniya na mahal natin siya,” tumulo na rin ang luha ni Diane.

Bilang pagpupugay sa kanilang ina ay nagpasya ang magkakapatid na magbigay ng eulogy sa kanilang ina. Nag-iiyakan ang tatlo habang nagbibigay sila ng salaysay ng pagpupugay sa kanilang yumaong ina.

“Napakabait at napakamaunawain ng aming ina. Kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng sama ng loob sa amin. Noong bata pa kami walang sandali na hindi niya ipinaramdam sa amin na mahal na mahal niya kami. Lalo na noong pumanaw ang papa namin. Wala siyang panahon para magluksa dahil kumayod siya para mabuhay niya kaming tatlong magkakapatid. Dahil doon, ma, gusto kong magpasalamat sa inyo. Patawarin n’yo kami kung hindi man lamang namin kayo napuntahan man lang. Maraming salamat sa pagmamahal na ibinigay n’yo sa aming magkakapatid. Habang buhay kayong mananatili dito sa puso namin,” pahayag ni Ramil. 

Advertisement

Sumunod naman si Fred. Inalala niya ang lahat ng sandali na nariyan sa kaniyang tabi ang ina noong nalagay sa alanganin ang pagsasama nilang mag-asawa. Inalala rin niya ang magagandang alaala nila ng kaniyang ina at kung paano siya nito pinagluluto ng paborito niyang champorado.

Maging si Diane ay walang tigil sa pagluha dahil isa-isa niyang inaalala ang mga magagandang alaala ng ina. Lahat ng kanilang salaysay ay nauwi sa pagsisising kahit kailan ay hindi na nila ito masasabi pa sa harap ng kanilang mga magulang. 

“Labis po kaming nagpapasalamat sa inyo dahil alam naming kayong mga kaibigan niya ang nagtatanggal ng pangungulila niya sa aming magkakapatid. Ma, kung nasaan man kayo sana’y alam n’yo po na mahal na mahal namin kayo. Kung maibabalik ko lang ang panahon, ma. Pupunta ako ng kaarawan mo at makikipagkwentuhan ako sa iyo hanggang abutin tayo ng kinabukasan,” pagtangis ni Diane.

Lahat ay lumuluha nang mga sandaling iyon. Hanggang sa bumukas ang pinto ng kanilang bahay. Nagulat ang magkakapatid nang makita niya ang kanilang ina na papasok ng bahay. Buhay na buhay ngunit patuloy ang pag-agos ng mga luha!

Nagsitakbuhan ang tatlong magkakapatid patungo sa kanilang ina sabay mahigpit na yakap dito.

“Ma, totoo ba ‘to? Buhay talaga kayo? Hindi po ba kami nanananginip lang?” pagtangis muli ni Diane.

“‘Ma, akala namin ay wala na talaga kayo! Hanggang ngayon po ay naguguluhan ako. Ano po bang nangyayari?” saad naman ni Ramil.

“Kinausap ako ng nanay niyo na ayusin ang lahat ng ito. Nagpanggap siyang sumakabilang buhay dahil alam niyang pag wala na siya ay saka lang kayo pupunta dito sa bahay upang siya ay dalawin at bigyan ng panahon,” saad ni Aling Precy.

Advertisement

“Mga anak, nalusaw ang puso ko sa lahat ng mga sinabi n’yo sa akin kanina. Nais ko lang mapagtanto niyo na maraming mga bagay ang mas magandang marinig sa kaarawan kaysa sa burol. Patawarin n’yo ako kung nagawa ko ito sa inyo. Pero nangungulila na talaga ako sa inyong tatlo. Minsan ay hinihiling ko na sana ay bata na lang kayo ulit nang sa gayon ay kailanganin n’yo pa ako. Pero nauunawaan ko dahil may sarili na rin kayong mga buhay. Mahal na mahal ko kayo mga anak,” patuloy sa pagluha si Aurora.

Tinapos ng mahihigpit na yakap ang lumbay ng mag-iina. Labis ang saya ng magkakapatid nang malamang buhay pa ang kanilang inang si Aurora.

Napagtanto ng magkakapatid na mas kailangan nilang bigyan ngayon ng panahon ang tumatandang ina dahil malapit na ito sa dapit hapon ng kaniyang buhay.

Mula nang araw na iyon ay halos araw-araw nang tumatawag ang magkakapatid. Tuwing araw ng Linggo ay dinadalaw nila ang ina kasama ang kani-kanilang pamilya.

Dahil sa nangyaring iyon ay lalong nagkalapit ang puso ng magkakapatid. Labis naman ang saya ni Aurora na makita ang kaniyang mga anak at apo na magkakasama.