Pilit na Kinuha ng Bunsong Anak ang Mana kahit Buhay pa ang Ina; Patung-patong na Problema ang Darating sa Kaniya

Sa loob ng halos isang dekada ay ngayon lamang nagpakita ang bunsong anak na si Patrick. Mula sa silid ng may sakit na ina ay nagtungo naman ang nakatatandang anak na si Lance upang salubungin ang kaniyang kapatid.

“Buti naman at napadalaw ka! Mahinang mahina na si mama. Walang araw na hindi niya binanggit ang pangalan mo. Puntahan mo na siya sa silid niya. Matutuwa ‘yun kapag nakita ka,” bungad ni Lance.

“Kuya, tatapatin na kita. Kaya ako nagtungo rito ay upang itanong sa iyo kung paano ang magiging hatian ng mga ari-arian. Siguro naman ay may karapatan pa rin ako dahil anak pa rin naman ako ni mama, hindi ba?” sambit naman ni Lance. 

“Ano ba ang nangyayari sa iyo, Patrick? Naririnig mo ba ang sarili mo? Buhay pa si mama! Ilang taon kang nawala na parang bula tapos ay darating ka ngayon dito para lang kunin ang ipapamana sa iyo?! Anong klaseng anak ka ba? Naroon si mama sa silid at malubha ang karamdaman. Magpakita ka naman muna kay mama!” dagdag pa ng kapatid.

Para hindi na magtalo ay nagpakita sandali si Patrick sa kaniyang ina. Labis ang saya ng inang si Janice nang napagtanto niyang nariyan na ang kaniyang bunso. 

“Kay tagal kitang hinintay, anak. Saan ka ba nanggaling? Masaya ako na narito ka na. Kasi hindi ko na talaga kaya pang kumapit. Bibigay na ang katawan ko,” lumuluhang sambit ng ina.

“Magpahinga na kayo kung kailangan, ma. Sana kahit paano ay mabahagian n’yo naman ako ng yaman natin. Hindi ba, may parte rin naman ako dahil anak n’yo pa rin ako?” saad ni Patrick.

Tumango ang ginang.

Advertisement

“Nasa abogado ko na ang lahat ng papeles, anak. Nakasulat na roon kung ano ang para sa inyo ng kuya mo para hindi na kayo magtalo. Pero, habang hindi maayos ang relasyon mo sa kuya mo ay hindi mo ito makukuha. Ginawa kong tagapamahala ng lahat ng maiiwan ko ang kuya mo. Siya na ang bahala sa iyo,” saad ng nanghihinang si Janice. 

Imbes na maawa sa kalagayan ng ina ay nagalit pa itong si Patrick.

“Bakit, ma? Kaya ko naman ang sarili ko. Ibigay n’yo na ang kailangan ko! Huwag mo naman akong pahirapan nang ganito!” giit pa ng bunso. 

Ngunit nalagutan na ng hininga itong si Janice at wala nang ibang paraan para mabawi pa ang kaniyang desisyon.

Lumaki ang magkapatid na namulat sa higpit ng kanilang ama. Dahil ayaw nang pahawak sa leeg itong si Patrick ay kinuha na niya ang parte ng pamana niya noong yumao ang ama at nilisan ang kaniyang pamilya.

Mabilis niyang naubos ang kaniyang pera kaya madalas pa rin siyang humingi ng tulong sa kaniyang ina. Lagi naman siya nitong pinapadalhan ngunit hindi man lamang nakuha ni Patrick na magpakita sa kaniyang ina at kapatid.

Dahil dito ay nangangamba si Janice na baka mapariwara lalo ang buhay ni Patrick kung mapapasakanya ang buong yaman na iiwan ng ina. Kaya naisip ni Janice na gawing tagapamahala ng yaman ang panganay na anak na si Lance. 

“Matanda na ako, kuya! Ibigay mo sa akin ang dapat na sa akin! Siguro ay pinag-iinteresan mo kasi ang parte ko kaya pabor na pabor ka sa gusto ni mama!” giit muli ni Patrick.

Advertisement

“Kahit kailan ay wala akong hinangad kung hindi maging maayos lang ang buhay mo. Kung ganiyan din lang ang tingin mo sa akin ay mabuti pa ngang ibigay ko na lang sa iyo ang lahat. Pero sa oras na maubos mo na naman ang pera mo ay huwag kang lalapit sa akin dahil tulad nga ng sabi mo, kaya mo na ang iyong sarili,” sambit naman ni Lance.

Ayaw mang suwayin ni Lance ang habilin ng ina ay wala na siyang magawa sa pagpupumilit ni Patrick. Noong araw ding iyon ay ibinigay ni Lance ang lahat ng manang iniwan para sa kaniyang bunsong kapatid ng kanilang ina.

“Hindi mo man lang hihintayin na mailibing si mama? Sana, Patrick, hindi bumalik sa iyo ang lahat ng ginawa mo sa pamilyang ito. Sana nga sa susunod na pagkikita natin ay mas maayos pa ang buhay mo,” saad ni Lance.

“Huwag kang mag-alala. Kahit anong mangyari sa akin ay hinding hindi ako lalapit sa iyo kailanman. Mas gugustuhin ko pang isanla ang kaluluwa ko sa demonyo kaysa humingi ng tulong sa iyo!” sambit pa ni Patrick.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa si Patrick.

Habang si Lance ay abala sa pagpapalago ng naiwan sa kaniyang negosyo at pagpapaayos ng luma nilang bahay, si Patrick naman ay laging laman ng sugalan at bahay-aliwan. 

Ang akala pa noon ni Lance ay lalagay na sa mabuti ang kapatid nang malaman niyang may kinakasama na ito. Ngunit laking gulat niya nang malaman na tulak pala silang dalawa ng ipinagbabawal na gamot.

Nang malaman ito ni Lance ay agad niyang pinagsabihan ang kapatid.

Advertisement

“Wala ka na ba talagang gagawing maganda sa buhay mo? Tingnan mo nga ang sarili mo, Patrick. Sa tingin mo ay ipagmamalaki ka ng mga magulang natin sa lagay mong iyan?” pag-aalala ni Lance.

“Hindi ko kailangan ang sermon mo, kuya. Pabayaan mo ako dahil buhay ko ito! Hindi naman ako nanghihingi sa iyo, ‘di ba? Saka pinutol ko na ang ugnayan nating dalawa matagal na. Kaya wala ka nang karapatan pang mangialam sa buhay ko. Gagawin ko kung ano ang gusto ko dahil buhay ko ito!” saad ng kapatid.

“Sana maisip mo ang pagmamahal sa iyo ng mga magulang natin. Hinayaan ka ni mama na gawin mo ang gusto mo. Pinagtatakpan niya ang lahat ng kamalian mo. Kahit kailan ay hindi siya nagtanim ng galit sa iyo kahit madalas mo siyang lokohin. Isa lang ang hiling niya, ang ayusin mo ang buhay mo. Kung iyan ang gusto mo ang pabayaan kita ay wala na rin akong magagawa, Patrick. Sa isang buwan ay aalis na ako ng bansa at sa Amerika na ako maninirahan kasama ang mapapangasawa ko. Wala nang sasalo sa’yo. Kaya sana ayusin mo na ang buhay mo hanggang hindi pa huli ang lahat,” muling saad ng nakatatandang kapatid.

Tila wala sa bokabularyo ni Patrick ang pakikinig. Tiwala siyang sa lahat ng gusto niya ay may mga taong tutulong para ayusin ito para sa kaniya. Tulad ng ginawa noon ng kaniyang ina.

Makalipas ang isang buwan ay tuluyan na ngang lumipad patungong ibang bansa si Lance para magsimula ng bagong buhay. Nag-aalala man sa kapatid ay pinilit na lang ni Lance na sundin ang nais ng kapatid, ang pabayaan siya. Nagdesisyon si Lance na tuluyan nang pabayaan si Patrick.

Ang akala ni Patrick ay hindi na matatapos ang kaniyang maliligayang araw. Hanggang sa isang araw ay may nagtimbre sa kaniya at sa kaniyang kinakasama na nagbebenta sila ng ipinagbabawal na gamot.

Nang dinampot ang dalawa ng mga pulis ay ipinagkanulo lamang ng kinakasama itong si Patrick.

“Sinaktan niya ako kapag hindi ko sinunod ang kaniyang gusto. Biktima lang din ako dito!” umiiyak na sambit ng babae. 

Advertisement

“Hindi totoo ‘yang mga sinasabi niya! Siya ang puno’t dulo ng lahat ng ito. Siya ang nagturo sa akin! Huwag n’yong paniwalaan ang babaeng iyan dahil nagsisinungaling siya!” sambit naman ni Patrick.

Ngunit mas pinanigan ng mga awtoridad ang babae kaysa kay Patrick dahil sa mga salaysay nito. Dahil dito ay nakasuhan si Patrick at nakulong nang matagal na panahon. 

Labis ang paghihirap na naranasan ni Patrick sa bilangguan. Sa puntong iyon ng kaniyang buhay ay naisip niya ang bilin ng kaniyang kuya at kapatid. Inisip niya ang pagkakaiba ng buhay nila ni Lance. Doon niya napagtanto na tama ang kaniyang ina.

“Kung hinayaan ko lang siguro na ang kuya ko ang mamahala ng lahat ng perang iniwan sa akin ng aming mga magulang ay wala sana ako sa kalagayan na ito. Kung sana ay nakinig na lang din ako kay Kuya Lance, sana ay naisalba ko ang aking sarili sa pagkakalugmok,” saad ni Patrick sa kaniyang sarili.

Talagang nasa huli ang pagsisisi. Nais man ni Patrick na humingi ng tulong sa kaniyang kapatid ay hindi na niya ito matagpuan pa. Nais man niyang tuluyang baguhin ang takbo ng kaniyang buhay ay kailangan niya munang bunuin ang mga taon sa loob ng bilangguan at pagdusahan ang lahat ng kaniyang mga maling nagawa.