Tinanggal sa Trabaho ng Malupit na Amo ang Empleyadong Nanghihingi ng Bakasyon; Ito pala ang Pinakamalaking Pagkakamaling Kaniyang Ginawa

“Sandra, hindi na makapaghintay ang daddy mo na lumuwas ng Maynila para makita ka. Tuwang-tuwa nang malamang dalawang linggo kaming mananatili sa condo mo. Hindi makapaghintay dahil may gusto raw sabihin sa iyo nang personal para makita ang reaksiyon mo!” saad ng inang si Vivian sa dalaga. 

“Ako man po ay hindi na makapaghintay na makasama kayo. Humingi po ako ng dalawang linggong bakasyon sa amo ko para naman maipasyal ko rin po kayo. Nakabili na rin po pala ako ng mga tiket n’yo sa eroplano. Ipapadala ko po mamaya sa inyo. Nakakalungkot lang malaman na nawala na si Tita Celia pero masaya pa rin ako dahil makakasama ko kayo ng daddy kahit paano,” pahayag naman ni Sandra. 

Dahil sa biglaang pagkawala ng tiyahin ni Sandra ay kailangang lumuwas ng kaniyang mga magulang pa-Maynila. May malubhang karamdaman rin ang ama ni Sandra at siya ang nagpapagamot dito. Nais mang makasama ng dalaga ang kaniyang mga magulang ay hindi niya magawang umuwi sa probinsiya dahil sa dami ng kaniyang trabaho.

Kaya ngayong nakakita ng pagkakataon si Sandra ay unang beses siyang magpapaalam at hihingi ng bakasyon sa kaniyang amo.

Nagkukumahog na ngang matapos ang tambak na trabaho ay nariyan muli ang amo ni Sandra upang dagdagan ang kaniyang gawain.

“Sandra, unahin mo muna ang mga papeles na ito dahil kailangan ko na ‘to mamayang hapon. Kailangan ko itong maibigay sa mga kliyente,” utos ng among si Theresa.

“Sige po, ma’am, ako na po ang bahala. Mamaya po ay ako na mismo ang magdadala sa tanggapan niyo. Siya nga po pala, ma’am, ipapaalala ko lang po sa inyo ‘yung dalawang linggong bakasyon ko. Sa susunod na araw na po ang simula nun. Hindi niyo pa po kasi napipirmahan,” paalala ni Sandra.

“Sige, papayagan lang kita kapag natapos mo na ang mga gawain mo, Sandra. Alam mo namang ikaw lang ang inaasahan ko na makakagawa ng lahat ng iyan,” sagot naman ng amo. 

Advertisement

Dahil sa pangakong ito ng amo ay agad na tinapos ni Sandra ang kaniyang mga trabaho. Inuwi na niya ang mga papeles na kailangan niyang gawin para lang matapos niya.

Kinabukasan ay ibinigay na niya ang lahat ng ito sa kaniyang among si Theresa.

“Sabi ko na nga ba at matatapos mo, Sandra. Mapagkakatiwalaan ka talaga. Siya nga pala, ihanda mo naman ang report na kakailanganin ko para sa mga kliyente mamaya. Dalhin mo sa tanggapan ko,” utos muli ni Theresa.

“Ma’am, kanina ko pa po natapos. Nasa mesa n’yo na po kanina pang umaga. Siya nga po pala, ma’am, tungkol po sa leave na nai-file ko. Napirmahan niyo na po ba?” muling tanong ng dalaga.

“Alam mo kasi, Sandra, kailangan ko ng tao ngayon dito sa kompanya. Marami tayong mga kailangang tapusin. Kaya hanggang ngayon ay pinag-iisipan ko ang dalawang linggong bakasyon na hinihingi mo. Masyadong mahaba!” sambit ng amo. 

“Ma’am, sa tagal ko pong nagtatrabaho sa inyo, ngayon lang naman ako hihingi ng leave. Yumao kasi ang tiyahin ko kaya uuwi po sa bahay ko ang mga magulang ko. Hindi po ba naikwento ko na po sa inyo na ipinapagamot ko ang daddy ko dahil may malubha po siyang sakit? Gustong gusto po kasi niya akong makasama. Gusto ko po siyang mapagbigyan. Kaya po sana payagan niyo na po ako,” pakiusap muli ni Sandra. 

“Hindi kasi p’wedeng matagal kang mawala dahil alam mo naman kung gaano tayo kaabala dito! Saka hindi ba may papasok pang kliyente sa susunod na buwan? Kailangan natin ‘yung paghandaan. Paano tayo uunlad kung uunahin natin ang sarili natin at hindi ang kompanya?” 

“Ngayon lang naman po ako hihingi ng bakasyon, ma’am. Saka may isang buwan pa naman po para paghandaan natin ‘yun. Natapos ko naman na po ang ilang kailangan natin para sa presentation. Payagan n’yo na po ako, ma’am. Kahit isang linggo lang po, ayos na sa akin, makasama ko lang ang daddy ko. Bukas na po kasi ang byahe nila pa-Maynila at kailangan ko po silang sunduin sa airport dahil matatanda na sila,” giit pa ni Sandra.

Advertisement

Ngunit matigas ang loob ng kaniyang among si Theresa. Ayaw pa rin nitong pumayag kahit na anong pakiusap ni Sandra.

“Pumasok ka bukas, Sandra, kapag iginiit mo pa ‘yang sinasabi mo at hindi kita nakita bukas ng umaga dito sa opisina ay maghanap ka na ng ibang trabaho. Tingnan ko lang kung makakita ka pa ng kompanyang malaki kung magpasweldo. Lalong hindi mo mapapagamot ang ama mo kapag nawalan ka ng trabaho!” babala ni Theresa. 

Naiiyak sa sobrang pagkamuhi sa amo itong si Sandra. Masama ang loob niya sapagkat hindi man lang siya binigyan ng konsiderasyon ng kaniyang amo.

Buong gabing nag-isip si Sandra ng kaniyang gagawin. Natatakot rin kasi si Sandra na mawalan ng trabaho dahil nga pinapagamot niya ang maysakit na ama. Ngunit nais rin niyang makasama ang kaniyang mga magulang.

Kinabukasan ay nakapagdesisyon na si Sandra. Maaga pa lamang ay gumising na siya para maghanda papuntang airport.

Habang patungo si Sandra sa paliparan ay walang humpay ang tawag sa selpon ng kaniyang amo. Hindi na nakatiis si Sandra at sinagot niya ito.

“Wala ka nang babalikang trabaho dito, Sandra. Sasabihin ko sa lahat ng mga kakilala kong kompanya na huwag kang tanggapin sa trabaho dahil sa ugali mo!” bulyaw ni Theresa na nasa kabilang linya ng telepono. 

“Hindi mo na po ako kailangan pang tanggalin, ma’am. Dahil nagpasa na po ako kagabi pa lamang ng resignation letter ko. Mahalaga po sa akin ang trabaho ko pero napagtanto ko na lagi kong inuuna ang trabaho ko kaya hindi ko na nakakasama ang mga mahal ko sa buhay. Talagang hindi na po ako makakahanap ng isang kompanyang kagaya n’yo dahil ayaw ko nang magtrabaho sa isang amo na walang puso,” sambit ni Sandra.

Advertisement

“Malaki ang mawawala sa’yo, Sandra. Tandaan mo may isang malaking proyektong nahihintay sana sa iyo. May isang kiyente ang nais magpasok sa atin ng isang malaking investment. Pera, posisyon, katanyagan, lahat iyan ay mawawala sa iyo dahil lang inuuna mo ang mga walang kwentang bagay! Pagsisisihan mo rin ang lahat ng ito. Sigurado akong sa kangkungan ang bagsak mo!” sigaw pa ni Theresa.

Wala pa mang konkretong plano itong si Sandra para sa susunod na tatahaking karera ay hindi na niya ito iniisip pa dahil ang nais lang niya sa panahong iyon ay makita at makasama ang kaniyang mga magulang.

Masaya niyang sinalubong ang pagdating ng kaniyang mommy at daddy. Itinuloy niya ang plano na magbakasyon sila ng kaniyang mga magulang.

Habang tumatagal at nakakasama ni Sandra ang kaniyang ama at ina ay mas naging malinaw sa kaniya na wala na siyang oras na dapat sayangin pa.

Naging buo ang loob ni Sandra na umalis na sa trabaho at gumawa ng sarili niyang negosyo.

Nang malaman naman ng mga magulang ang nangyari kay Sandra ay sumama rin ang loob ng mga ito sa dating amo ng anak.

“Hayaan mo, anak. Makakaahon ka rin. Ituloy mo lang ang balak mo. Basta nasa tama ka at wala kang natatapakang tao ay uunlad ang lahat ng gusto mong pasukin. May mga taong handang tumulong sa’yo, sigurado ako riyan!” sambit ng ama.

Nang malaman ni Theresa ang hakbang na ito ni Sandra ay labis niya itong pinagtawanan.

Advertisement

“Kakalabanin mo pa ako ngayon? Hindi mo ako matatalo, Sandra. Lalo kitang ilalampaso kapag pumasok na ang malaking kliyenteng tinalikuran mo!” pagmamayabang ng dating amo.

Makalipas ang ilang buwan at nakipagmeeting itong si Theresa sa ipinagmamalaki siyang bigating kliyente. 

Nang makarating siya sa tanggapan ng nasabing kliyente ay labis niyang ikinagulat ang pagtanggi ng mga ito.

“Akala ko po ba ay pirmahan na lang ang magaganap? Sabi n’yo ay gustong-gusto niyong makipag-partner sa kompanya ko,” pagtataka ni Theresa. 

“Noon iyon. Hindi na ngayon. Saka bakit pa kami makikipag-partner sa iyo kung p’wede naman na makipagpartner kami sa mismong taong nais naming makatrabaho?” saad ng namumuno.

“A-ano pong ibig ninyong sabihin?” pagtataka ni Theresa.

“May napili na kaming kompanya. Walang iba kung hindi ang kompanya ng dati mong trabahador na si Sandra. Sa totoo lang ay kaya lang naman nais naming makipag-partner sa kompanya mo ay dahil sa inaanak kong si Sandra. Nang malaman ko kasi sa kaniyang ama na sa kompanya mo siya nagtatrabaho ay hindi na ako nagdalawang-isip pa. Ngunit alam ko na rin kung ano ang ginawa mo sa kaniya kaya inaatras na namin ang alok namin sa iyo noon,” saad pa ng ginoo. 

Nanlulumo si Theresa nang malamang matalik na kaibigan pala ng ama ni Sandra ang bigatin nilang kliyente. At dahil sa pagkawala ni Sandra sa kompanya ay umatras na rin ito. Dahil sa kumalat na ang balita tungkol sa sama ng ugali ni Theresa ay maraming kliyente ang nagsilipatan sa kompanya ni Sandra. 

Advertisement

Dahil dito ay naging mabilis ang pag-angat ng negosyo ni Sandra.

“Kahit kailan ay hindi ako magsisisi na mas pinili ko kayong mga magulang ko kaysa sa trabaho ko. Ngayon ay mas may nagbukas na pinto para sa akin. Labis ang pasasalamat ko po sa inyo, mommy at daddy, dahil sa lahat ng nais kong gawin ay nariyan lamang kayo para sumuporta,” saad ni Sandra sa kaniyang mga magulang. 

Mula noon ay naging matagumpay na itong si Sandra. Hindi na niya kailangan pang mawalay sa kaniyang mga magulang. Patuloy pa rin ang pagpapagamot ng dalaga sa kaniyang amang may sakit.

Habambuhay niyang babalikan ang magandang kinahinatnan ng pagtayo niya para sa kaniyang desisyon.