Isang Nakakagulat na Pangyayari ang Naganap sa Kapitbahay ng Ale; Ano Kayang Ingay ang Naririnig Niya Mula sa Bahay Nito?

Pagmulat ng mga mata ni Aling Ceci, dinig niya mula sa kanilang kwarto ang malakas na pagpatak ng ulan sa kanilang bubong. Bigla siyang napatayo nang maalala niya ang mga damit na kaniyang sampay. Nagmadali siya sa pag-aayos ng sarili at lumabas kaagad.

“Maulang umaga ho Aling Ceci!” masayang bati sa kaniya ng bagong kapitbahay na si Jenny. Gulat siya nang makita na hawak hawak nito ang kaniyang mga sinampay. Agad niya itong kinuha mula sa mga kamay ni Jenny kasabay nito ay pasasalamat. Tinanghali na raw kasi siya ng gising at hindi namalayan ang biglang pagbuhos ng ulan.

Wala nang anak na nakatira sa kaniyang bahay ang mag-asawang Ceci at Mario. Ang tatlo nilang anak ngayon ay mararangya na ang buhay at may kani-kaniya na ring mga asawa’t anak. Kung minsan ay nangungulila rin siya sa kaniyang mga anak na sobra namang abala kaya kahit na pasyal ay hindi man lang magawa. At sa tagal ng panahon, sa wakas ay nagkaroon siya ng kapitbahay sa kanilang lugar na tago at malayo sa kabihasnan.

Sa araw-araw na nakikita niya si Jenny, palagi itong nakangiti sa kaniya. Paminsan minsan rin ay binibigyan siya nito ng mga putahe na kaniyang iniluluto at mga tinapay na kaniayng binebenta raw online. Ang tanging alam lamang ni Aling Ceci ay walang ibang kasama si Jenny dahil ito raw ay dalaga.

Hindi nagtagal, nasanay na si Aling Ceci na pinupuntahan siya ng kapitbahay upang siya ay dalhan ng mga pagkain at magkaroon sila ng kaunting pagsasalu-salo habang nagpapalitan ng mga kwento. Ngunit isang araw, bigla na lamang hindi na niya muling nakita ang kapitbahay.

Sa una ay nangamba si Aling Ceci. Kung ano-anong naglalaro sa kaniyang isip sapagkat hindi naman daw ganoon ang pagkakakilala niya sa babae. Tinanong pa niya ang may-ari ng paupahan ng bahay at sinabi noon na hindi naman daw umaalis ang babae. Naging palaisipan ito sa matanda na kaniyang isinasaad sa asawa na wala namang ibang tugon kundi, “hindi mo naman kilala iyong tao, malay mo ayaw na niyang makihalubilo, ganoon lang kasimple iyon.”

Lumipas pa ang ilang araw at naisipan ni Aling Ceci na siya naman ang bumisita sa kaniyang kapitbahay. Ilang hakbang din ang kaniyang nilakad sa mapuno nilang subdivision at narating din niya sa wakas ang bahay ni Jenny. Dahil sa tirik ang araw at ramdam niya ang init na sikat nito, hindi na nakapaghintay pa na pagbuksan siya ng pinto at gate ng kapitbahay. Pumasok na siya dahil bukas naman ang gate. Mula sa kaniyang kinatatayuan ay ang pintuan ng mismong bahay. Halos marinig na ata siya sa kanilang bahay sa lakas ng kaniyang tawag. Subalit makalipas ang halos kalahating oras, nagpasiya siyang iwanan na lamang ang kaniyang nilutong ulam sa pinto at umalis.

Sa kaniyang paghakbang palabas, narinig niya ang iyak ng isang sanggol na nagmumula sa loob ng bahay. Dahan dahan siyang lumakad muli palapit sa pinto ngunit labis niyang ikinagulat nang maramdaman niya ang kalabit mula sa kaniyang likod. At doon nakita niya ang kaniyang asawa na sinusundo na siya pauwi.

Advertisement

“Halika na, anong oras na! Kung ano-ano pa ang pinapakinggan mo diyan at baka ikaw, mahuli pa ng barangay diyan!” pagsasaway sa kaniya ni Mario.

“Hindi mo ba naririnig iyong naririnig ko, Mario? Tumahimik ka at makinig mabuti,” tugon naman niya rito. Nanatiling tumahimik ang mag-asawa ng ilang segundo ngunit binasag ni Mario ang katahimikan dahil wala naman silang marinig kundi ihip ng hangin lamang. Baka nga ay guni-guni lamang ito ni Aling Ceci. Gayunpaman, malungkot ang ale dahil hindi niya nakausap o nakita man lang si Jenny na kaniyang kapitbahay.

Dalawang araw lamang ang nakalipas at naisipan muli ni Aling Ceci na dalhan ng pagkain si Jenny. Matagal na kasi nitong gusto makatikim ng caldereta na kaniyang paborito raw. Ngayong nakapagluto siya, sabik siyang makaharap muli ang kapitbahay.

Sa una palang niyang pagtapak, kita niya na marami nang dahon ang naglalaglagan sa garahe ni Jenny. Doon, nakita niya ang plato niya na wala nang laman. Natuwa siya dahil panigurado ay nakain ni Jenny ang kaniyang ibinigay na pagkain. Sa kaniyang paglapit sa may pintuan upang iwanan na lang sana ang ulam doon, muli niyang narinig ang iyak ng isang batang sanggol.

Hindi na nakatiis ang matanda at nakita niyang bukas ang pinto ng bahay. Sa kaniyang paglakad papasok ay nakasalubong niya ang isang bata na halos dalawang taong gulang pa lamang. Tahimik itong gumapang papalapit sa kaniya kung saan agad naman niya itong binuhat. Nagpatuloy si Aling Ceci sa kaniyang paglalakad upang hanapin si Jenny. Sa kaniyang paghahanap, nakita niya ang katawan ni Jenny na nakasabit at wala nang buhay. Naroon sa pinto ang mensahe ng pamamaalam nito at paghabilin sa kaniyang anak.

Mabilis na lumabas ng bahay si Aling Ceci upang humingi ng tulong sa kaniyang asawa. Ilang sandali lamang ay dumating na ang mga pulis na siyang nagkumpirma na mayroon na raw malubhang sakit si Jenny kung kaya naisip na lamang nitong tapusin na ang kaniyang buhay. Hindi makapaniwala si Aling Ceci at awang-awa sa sinapit ng kapitbahay pati na ng bata. Hinding-hindi malilimutan ni Aling Ceci ang mga sandali nila ni Jenny at ngayon ay mananatili ito sa kaniyang puso’t isipan kasama ang kaniyang anghel na iniwan. Araw-araw ay ‘di niya malilimutang ipagdasal ang kaluluwa nito.