Inilaban Nila ang Pag-iibigan Kahit na Ito ay Mali; Kailan Kaya Magiging Tama ang mga Mali?

Simula nang sila ay nasa kolehiyo pa lamang, masayang kumakain sa labas ang magkasintahang Carlo at Bettina o Bet. Nagkakilala sila dahil iilang hakbang lamang ang layo ng bahay nila sa isa’t isa. Palagi rin silang nagkakasama sa tuwing magkakaroon sila ng mga pagsasalu-salo sa kanilang pamilya. Hindi dahil magkalapit ang kanilang mga magulang kundi dahil sila ay magpinsan.

Noong una ay palagi lamang silang magkasama sa tuwing maglalaro. Hanggang sa sila ay tumungtong ng hayskul, doon nila unang naramdaman na mayroon daw kakaiba sa kanilang nararamdaman. Magmula noon hanggang ngayon ay hindi na nagpatinag ang dalawa at nagpaalam pa sa kanilang mga magulang na sila raw ay magkasintahan.

Kahit na magpasahanggang ngayon ay lubos ang pagtutol ng kanilang pamilya sa relasyon ng dalawa. Ngunit walang nakapigil sa kanila at nagawa pang magpakasal ng mga ito. Ngayon ay magkasama nilang hinaharap ang mga kinalabasan ng kanilang desisyon na pagsasama.

Noong matapos nila ang kolehiyo, pilit na inilayo ng kanilang mga magulang ang isa’t isa. Ito ay dahil malaki itong pagkakasala at kahihiyan daw sa kanilang pamilya. Subalit ng gabing nakatakda ang pag-alis ng buong pamilya nina Bet ay nagawa pang magtanan ng dalawa at nakipagsapalaran sa Maynila.

Sa pamamagitan ng kakaunting ipon ni Carlos, nakakuha sila ng maliit na paupahan kung saan iisang silid lamang ang mayroon ito. Mahal kasi ang mga bahay sa Maynila at kung sa loob ng isang buwan ay magkaroon man sila ng trabaho, alam nilang pareho na mahihirapan sila kung malaking bahay kaagad ang kukunin nila. Nagpasiya silang manirahan sa Maynila kung saan malayo sa kanilang probinsya’t mga kamag anak. Ito rin kasi ang lugar kung saan maraming tao ang hindi nakakakilala sa kanilang dalawa. Lingid sa kanilang kaalaman na dito pala magsisimula ang kalbaryo ng kanilang buhay.

Makalipas ang isang linggo, agad na nagpakasal ang dalawa sa munisipyo. Ito ay kanilang pinagkasunduan dahil wala na raw atrasan pa. Naroon na sila at tinalikuran na nila ang kanilang mga pamilya kaya wala nang iwanan o hiwalayan. Tiyak na rin daw kasi sila na sila na nga hanggang dulo.

Ilang araw lamang, naunang magakaroon ng trabaho si Bet. Maayos ang kaniyang nakuhang trabaho at malaki rin ang kaniyang buwanang sahod. Tuwang tuwa ang dalawa dahil sa wakas ay makakapagsimula na rin silang mag-ipon para sa kanilang magiging pamilya. Inaasahan na rin kasi nila na makakapagtrabaho na rin kaagad si Carlos at kinalaunan daw, plano nilang tumigil lamang sa bahay si Bet.

Subalit nakalipas ang isang buwan, tambay pa rin sa bahay si Carlos. Halos lahat ng mga kumpanyang nilapitan nito ay hindi siya makuha-kuha. Dito nagsimulang magkaroon ng katanungan si Bet sa kaniyang mga desisyon. Sa tuwing uuwi kasi siya galing opisina, nakikita niya si Carlos na pahiga-higa lang sa bahay at nagseselpon. Palagi pang naaabutan niyang makalat ang bahay at siya pa ang bumibili ng pagkain nila para sa hapunan. Isang gabi, hindi na makapagtiis pa si Bet.

Advertisement

“Bakit wala ka pa ring sinaing? Ulam? Wala pa rin ba? Hay, Carlos naman! Nakakapagod sa opisina tapos ang kalat ng bahay, walang pagkain, ano? Ako pa rin ba?!” pagmamataas niya kay Carlos nang siya ay makauwi na halos inaapoy ng lagnat.

“Naghanap ako ng trabaho maghapon, Bettina! Akala mo sa akin walang ginagawa araw-araw?!” tugon naman ni Carlos kay Bet na nag-uumapaw sa galit at inis nito sa kaniyang asawa.

Nang gabi na iyon, kasabay ng kaniyang galit at inis ay ang pag-init ng kaniyang katawan dahil siya ay nilalagnat. Naramdaman na lang niya na siya ay nakatulog na kahit siya ay may sakit. Habang si Carlos naman ay umalis ng kanilang bahay at hindi niya alam kung saan ito nagpunta.

Pagkalipas ng dalawang araw, muling bumalik si Carlos. Inaasahan ni Bet na mag-uusap sila nang maayos subalit wala itong kibo sa kaniya. Dahil iyon ay umaga, kailangang umalis ni Bet upang magtungo sa opisina. Wala man lang paalam o kumustahan ang naganap sa pagitan ng dalawa at tuluyan na ngang umalis si Bettina.

Buong araw na inisip ni Bet ang paraan upang makipag-ayos na kay Carlos. Kaya naman sa kaniyang pag-uwi, bumili siya ng litsong manok at cake upang maging maayos na silang muli ng asawa. Ngunit nang marating niya ang kanilang bahay, nagulat siya nang makita na wala na roon ang lahat ng gamit ni Carlos. Kulang kulang na rin ang mga gamit nila sa bahay.

Agad niyang kinontak ang mga kaibigan ng asawa ngunit walang may alam ng kinaroroonan nito. Hanggang sa isang pinsan nila ang nakapagsabi na sumama na raw sa ibang babae si Carlos sa ibang bansa. Lahat ng pinagdaanan ni Bet na mga paghihirap ang tanging tumimo sa kaniya nang mabasa ang balitang iyon. Luhaan at wasak ang puso ng babae na umuwi sa kanilang pronbinsya.

Sa pagharap niya sa kaniyang mga magulang, mahigpit na yakap ang sinalubong sa kaniya ng mga ito. Kasabay nito ay ang paulit-ulit na paghingi ng tawad sa kaniyang mga nagawa.

Napatunayan niya lamang na walang mali ang nagiging tama sa huli.