Bespren ang Turing ng Babae sa Kaibigang Binabae; Ano’ng Gagawin Niya Kung Papiliin Siya Kung Ito o ang Ama?

“Uy beh, sige, mauna na kami ha at baka mahuli na ‘tong si Mylene,” paalam ni Don sa kaibigang si Melissa.

“Pwede po bang kumain ako ng cookies?” tanong ng anim na taong gulang na si Mylene.

“Ay baby no, mamaya na lang iyan kapag break time niyo sa school ha? Baka madumihan ang pretty uniform mo, pinlantsa pa naman yan ni tita,” sabi ni Don.

Napangiti naman si Melisa. Kahit binabae ito ay mas pusong nanay pa ito minsan kaysa sa kaniya. Natutuwa siyang makitang mahal na mahal nito ang anak niya.

“Sige, ingat kayo!” sabi ni Melisa sabay kaway sa mga ito.

Papasok na sana siya nang tawagin ng dalawang kapitbahay. “Uy Melisa, ikaw palaalis ka at iniiwan mo ang anak mo sa ibang tao. Sigurado ka ba d’yan kay Don? Alam mo na, binabae, baka hindi mapagkakatiwalaan” sabi ni Aling Edora, ang kilalang tsismosa sa kanilang barangay.

Agad kumunot ang noo ni Melisa sa sinabi nito tungkol sa kaniyang bespren na si Don. “Aling Edora, mawalang galang na ho, hindi na ibang tao sa amin si Don. At hindi naman ho porque binabae iyong tao ay ‘di na siya mapagkakatiwalaan. Siya po ang nag-iisang tao na pinagkakatiwalaan ko. Sige ho, mauna na ako,” sabi niya sabay talikod sa mga ito. Ayaw niya nang makarinig ng mga negatibo sa paligid.

Totoo ang lahat ng sinabi niya sa mga ito. Pinakapinagkakatiwalaan niya si Don sa buhay niya at ng anak niya. Hayskul pa lang ay kaibigan na niya ito. Nakita nito ang lahat ng pinagdaanan niya. Nang mawasak ang kaniyang pamilya dahil sa kaniyang ina. Nang mapariwara siya at halos sirain na ang kaniyang buhay. Kahit noong maaga siyang mabuntis ng kung sinong ‘di niya kilala ay nanatili ito sa tabi niya. Naaalala niya pang hindi mayaman si Don at sariling kayod din para sa pag-aaral, ngunit noong manganganak siya, ito lang ang nasandalan niya sa lahat. Ang pamilya niya ay pinalayas siya dahil sa kahihiyang dulot niya sa mga ito. Pero si Don, nandoon lang palagi, hindi nawala lalo na sa mga mahihirap na sandal.

Advertisement

Noon pa man ay tampulan na ito ng tukso dahil sa binabae ito. Lagi itong binugbog ng ama, binubulas sa eskwelahan, ngunit siya naman ang naging tagapagtanggol nito. Siya ang umintindi at nakikinig dito, siya ang unang tumanggap at yumakap dito. Iyon siguro ang dahilan kung bakit nanatili pa rin ito sa buhay niya hanggang ngayon.

Nang hapon ding iyon, di alam ni Melisa na masusubok ang kanilang pagkakaibigan. Bigla na lang sumulpot ang kaniyang amang si Felipe sa kanilang pintuan. Bihis na bihis ito, halata mong mapera. Huli niyang balita ay nakapag-asawa ito ng Amerikana kaya ‘di na sila inuwian.

“Melisa, anak ko!” sabi nito sabay yakap sa kaniya. Kay tagal niyang hinintay ito dahil miss na miss niya ito. Halo-halo ang kaniyang pakiramdam ngunit nangingibabaw ang pangungulila. Inilabas nito ang malalaking kahon na puno ng pasalubong. Saktong uwi naman ni Don at Mylene. Tuwang-tuwa ang bata sa mamahaling laruan, gayundin si Melisa, na mangiyak-ngiyak pa nang makitang yakapin ng anak niya ang lolo nito. Akala niya ay hindi na niya makikita ang tagpong iyon.

“Sino naman ito anak? Katulong niyo? Alam mo namang ayaw ko sa mga binabae diba, hayaan mo’t ihahanap kita ng iba at ako na ang magpapasweldo,” istriktong sabi ni Felipe sabay inom sa kapeng inihanda ni Don.

“’Pa! Si Don iyan, matalik kong kaibigan,” sabi ni Melisa sa medyo mataas na boses. Awtomatik na talagang tagapagtanggol ang papel niya sa buhay ng kaibigan kaya ganoon. Katahimikan lang ang sagot ni Felipe ngunit kita sa mukha ang disgusto habang nakatingin kay Don na noon ay nakayuko lang.

Sa isang buong linggo na nanatili doon ang ama ay palagi nitong pinupuna si Don. Isang araw ay gusto ni Felipe na kumain silang pamilya, ngunit ayaw nitong isama si Don.

“Ay naku ayos lang ho, okay lang Melisa,” nakangiting sabi ni Don. “May aasikasuhin pa rin naman ako sa bahay, sige na,” pagtataboy nito sa kanila.

Kung ano-anong paghihinala at panliliit pa ang sinabi ni Felipe kay Don. Kesyo baka daw tangayin nito ang mga dala niyang pasalubong at mga mamahaling gamit. Namumula ang mukha at nakayuko na lang si Don, ngunit si Melisa ay hindi na nakapagtimpi pa.

Advertisement

“’Pa bakit ganiyan kayo makapanliit ng tao?!” mataas ang boses na sabi ni Melisa.

“Eh totoo naman eh, malay mo ay magnanakaw pala iyan. At iniiwan mo pa si Mylene diyan eh alam mo naman ang mga binabae, may kahal*yan sa katawan,” sabi ni Felipe. Tila ba tuluyang napigtal ang pagtitimpi ni Melisa. Sa isang malamig na tinig ay pinalayas niya ang kaniyang ama.

“Matapos niyo kaming iwan at ipagpalit sa iba, bigla na lang ho kayong babalik sa buhay ko na parang wala lang. Si Don ang tanging kasama ko sa lahat ng hirap na dinanas ko dahil sa kapabayaan niyo. Pero pinatawad ko nap o kayo doon eh. Pero iyang mga sinasabi niyo po ang ‘di ko mapapatawad. Kung ‘di niyo kayang tanggapin si Don ay wala kayong lugar sa pamilyang ito. Lumabas na lang ho kayo at dalhin niyo ‘yang mamahalin niyong regalo,” sabi ni Melisa.

“Melisa, ako na lang ang aalis—“ sabi ni Don ngunit pinigilan ito ng dalaga. Galit na galit si Felipe sa sinabi ng anak. Bukod sa pang-iinsulto kay Don ay sinabihan pa siya nitong walang kwentang anak. Umalis itong dala-dala ang mga regaling ibinigay nito, pati na kay Mylene.

Pag-alis nito ay saka lang naiyak si Melisa at niyakap si Don. Humihingi ng tawad ang kaibigan dahil siya pa ang naging dahilan kung bakit nag-away ang mag-ama. Pinipilit ni Don na siya na lang daw ang aalis ngunit mahigpit na tumutol si Melisa.

“Kung tutuusin ay mas naging lalaki ka pa sa kaniya. Huwag kang maniwala sa mga sinabi niya. Ama ko lang siya sa dugo ngunit ikaw, kapamilya kita sa puso,” sabi ni Melisa.

Nalagpasan ng magkaibigan ang hamon na iyon sa kanila. Hindi na muling nagparamdam sa kanila si Felipe. Tuloy pa rin ang mga taong nanlalait kay Don ngunit wala silang pakialam doon. Ang mahalaga ay alam nilang sila ay walang tinatapakang tao ‘di tulad ng iba.