Matiyagang Pinapayungan ng Lola ang Apo sa Ibaba ng Burol; Maluluha ang Matanda sa Magiging Kapalit ng mga Sakripisyo Niya

“Atoy, apo! Tara na at mahuhuli ka sa klase mo!” sigaw ni Lola Epang.

“Sandali lang po, lola, inaayos ko pa po ang mga gamit ko!” sagot ng bata na nagmamadali na rin sa paggagayak.

Kahit dalawang oras pa bago ang klase ay maagang umaalis ang maglola dahil mahaba-haba rin ang kanilang lalakarin papunta sa ibaba ng burol.

Dahil sa pandemya ay labis na naapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante sa kanilang lugar na malayo sa kabihasnan. Bawal pang pumasok ang mga mag-aaral sa eskwelahan kaya nagtitiyaga ang mga ito sa online classes.

Nagtatrabaho sa Maynila ang mga magulang ni Atoy bilang mga factory worker. Ang kasa-kasama lang niya sa bahay ay ang kanyang Lola Epang na kahit hirap na sa paglalakad ay nagagawa pa ring samahan siya sa online class niya. Ang tirahan nilang maglola ay nasa pinakadulong bahagi ng baryo na hindi naaabot ng signal ng internet kaya nagtitiis ang dalawa na lakarin ang maputik at makipot na daan patungo sa lugar kung saan malakas ang signal.

“O, apo, kumain ka ba ng almusal? Nagdala ako rito ng baon mo, kapag nagutom ka mamaya ay kainin mo na lang,” wika ng matanda.

“Opo, lola, kakatapos ko lang po. Kayo po ba? Baka gutumin po kayo sa paglalakad natin,” sagot ng bata.

“Huwag mo akong alalahanin, apo,” tanging tugon ni Lola Epang.

Advertisement

Ngunit ‘di nila inasahan na bubuhos ang malakas na ulan kaya mas nahirapan silang maglakad. Mas lalong naging maputik sa daraanan nila.

“Mabuti at palaging handa ang lola mo, apo, o, eto mas malaki ang dala kong payong para hindi tayo mabasa sa ulan,” sabi ng matandang babae.

“Kung alam ko lang po na uulan ay hindi na ako pumayag na samahan niyo ako, lola. Kaya ko naman pong mag-isa, eh. Nagpahinga na lamang po sana kayo sa bahay,” nag-aalalang sabi ni Atoy.

“Naku, hindi ako papayag na mag-isa kang magpupunta sa ibaba ng burol at delikado. At isa pa, hindi ko maaaring pabayaan ang nag-iisa kong apo sa daan,” nakangiting sagot ng Lola Epang niya habang siya’y pinapayungan.

Hanggang sa narating na nila ang lugar. Sumilong ang maglola sa malaking puno ng balete. Inilabas ni Atoy ang mga gamit sa pag-aaral pati ang tablet para sa online class, maya-maya ay nagsimula na ang klase niya. Habang nasa online class ay patuloy pa rin siyang pinapayungan ni Lola Epang.

Ilang minuto na ang lumipas ngunit hindi pa rin tumitila ang malakas na ulan. Hindi rin natitinag si Lola Epang na nakatayo pa rin sa tabi ng kanyang apo at pinapayungan ito upang hindi mabasa ng ulan. Malaki naman ang payong kaya hindi rin nababasa ang matanda. Masuwerte naman na kahit umuulan ay malakas ang signal ng internet sa ibaba ng burol kaya hindi naapektuhan ang klase ni Atoy ng araw na iyon.

Hindi lang naman sa tuwing umuulan nagtitiyagang payungan ng matanda ang apo kapag nasa online class ito. Kahit matindi ang sikat ng araw ay palaging nakabantay si Lola Epang bitbit ang payong para may panangga sila sa init. Ayaw na ayaw ng matanda na nahihirapan ang apo sa pag-aaral kaya doble ang sakripisyo niya para rito.

Lingid sa kanya ay nakakaramdam na ng awa si Atoy sa sobrang niyang pagmamalasakit. Nakikita kasi ng bata na kahit masama ang pakiramdam niya ay pilit pa rin siyang sumasama sa klase nito na maghapon pang nakatayo at may hawak na payong para lang hindi ito mainitan o mabasa sa ulan. Tumatak sa isip ni Atoy na balang araw ay gagantihan nito ang lahat ng kanyang ginagawa.

Advertisement

Mabilis na lumipas ang mga taon. Nakagradweyt na si Atoy sa kolehiyo. Nagbunga ng maganda ang pagtitiyaga niya sa pag-aaral dahil ang kanyang inspirasyon ay ang Lola Epang niya na kasa-kasama niya noon ngunit ito ay mahinang-mahina na ngayon dahil na rin sa sobrang katandaan. Masuwerte nga na umabot pa ang edad nito na lampas sa isandaang taon. Hindi na ito makakita at hirap na rin sa pagsasalita. Nakahiga na lamang ito sa kama dahil hindi na rin makatayo’t makalakad.

Maya-maya ay pumasok si Atoy sa loob ng kuwarto nito.

“Lola, narito na po ako! Tinupad ko ang pangako kong darating sa araw ng inyong kaarawan!” masayang bati ng binata sa matanda.

“A-apo, I-ikaw na ba ‘y-yan? N-na-m-miss kita s-sobra, kay t-tagal m-mong h-hindi n-nakauwi!” tuwang-tuwang sabi ni Lola Epang na hindi na masyadong maibuka ang bibig.

“Pasensya na po kung ngayon lang ako nakaladaw ulit dito sa probinsya. Marami po kasi akong inaasikasong trabaho sa Maynila, pero ang mahalaga ay narito na ako. Nga pala, may sorpresa po ako sa inyo, lola, tara po sa labas!” yaya ng apo.

Umiling ang matanda.

“H-hindi ko na k-kayang l-lumabas, a-apo. M-mahina n-na a-ako,” tugon ng matanda na hirap sa pagsasalita.

“Ako po ang bahala, magtiwala kayo sa akin,” nakangiting sabi ng binata.

Advertisement

Dahan-dahang binuhat ni Atoy ang mahina nang katawan ni Lola Epang at pinasan ito sa kanyang likuran.

“N-naku, a-apo, m-mahihirapan ka l-lang sa a-kin,” sambit ng matanda.

“Kahit kailan ay hindi ako mahihirapang buhatin kayo at pasanin, lola. Kulang pa po ito sa lahat ng hirap at sakripisyo niyo sa akin. Kung noon ay matiyaga niyo ako pinapayungan at sinasamahan, ngayon naman ay ako na ang inyong magiging mga paa,” wika ni Atoy na hindi alintana ang bigat ng lola niya.

Nang makalabas sila ng bahay ay doon naman naghihintay ang mga magulang ni Atoy na ‘di na napigilang maiyak sa inihandang sorpresa ng kanilang anak sa lola niya.

“Narito na tayo, lola! Ito po ang regalo ko sa inyo,” sambit ng binata.

“Ano ba ‘yon, apo? Alam mo naman na hindi na ako nakakakita, eh!” tanong ni Lola Epang.

“Nasa inyong harapan ang isang magandang sasakyan, lola. Bumili po ako ng kotse na gagamitin namin nina itay para maipasyal kayo sa mga lugar na gusto niyong puntahan. Gusto ko pong ma-enjoy niyo ang mga oras na kasama kami. Buong buhay niyo ay iniukol niyo sa pag-aalaga, pag-alalay at pagmamahal sa akin, hayaan niyo pong ako naman ang bumawi sa inyo. Iyan po ang regalo ko ngayong taon, happy birthday lola!” wika ni Atoy saka ibinaba ang matanda at maingat na iniupo sa wheelchair. Inilabas naman ng mga magulang niya ang chocolate cake na mayroong kandila na may sindi at ipinaihip kay Lola Epang. Pagkatapos ay isang masuyong halik ang iginawad ni Atoy at ng kanyang itay at inay sa may kaarawan.

Bumuhos ang luha ng matanda sa sorpresa ni Atoy. Ang sabi niya sa apo ay kahit simpleng bagay lang ang iregalo nito sa kaarawan niya o kahit wala na dahil sa tuwing sumasapit ang kaarawan niya ay nireregaluhan siya ng magagandang bagay ng apo gaya ng bahay at lupa, bahay bakasyunan, negosyong restawran na sa kanya mismo ipinangalan ni Atoy dahil noong malakas pa siya’y mahilig din siyang magluto at ngayon nga ay isang magarang sasakyan.

Advertisement

Nang magkaroon si Atoy ng magandang trabaho ay nagsikap itong mabuti para maibigay sa mga magulang lalo na kay Lola Epang ang marangyang buhay na hindi nila naranasan noon. Ngayong naabot na ni Atoy ang pangarap ay gusto nitong ibahagi sa mga taong nagmahal at nagsakripisyo sa kanya ang tamis ng tagumpay.

Habang kasama pa nila si Lola Epang ay ginawa ni Atoy na makabuluhan ang mga nalalabing araw ng matanda. Palagi silang namamasyal na mag-anak kasama ito sa iba’t ibang lugar at gumagawa ng magagandang alaala na babaunin ni Lola Epang sa oras na iwan na sila nito.