Ayaw Payagan ng Dalawang Anak ang Biyudang Ina na Muling Mag-Asawa; May Itinatago Pala Ito sa Kanila

Sa edad na disi siyete anyos ay maagang nabuntis at nakapag-asawa si Estella. Kambal ang naging anak nila ng mister na si Alfon, ngunit isang taon pa lang silang nagsasama ng lalaki ay sumakabilang buhay na ito dahil sa malubhang sakit sa atay kaya ngayon ay naiwan sa kanyang pangangalaga ang dalawa nilang anak.

“Napakabatang nabiyuda ni Estella, ano? Ayun, o, sa sementeryo na naman ang punta kasama ang kambal niya,” wika ng kapitbahay na si Aling Guada nang mapadaan sa harap niya ang mag-iina.

“Mabuti’t may dalawang anak siyang mapaglilibangan na balang araw ay aagapay sa kanya,” sabad naman ni Aling Isay na palaging kaututang dila ng babae.

“Masuwerte siya dahil nakatapos siya ng kursong Accountancy sa kilalang unibersidad kaya hindi siya mahihirapang makahanap ng trabaho,” sabi pa ni Aling Guada sa kausap.

“Si Alfon lang naman, sumalangit nawa ang kaluluwa, ang ayaw pagtrabahuhin ‘yang si Estella, eh!” tugon ni Aling Isay.

Sa sementeryo ay nag-alay ng mga bulaklak, nagsindi ng kandila at umusal ng maikling panalangin si Estella at ang kambal niyang anak na sina Cathy at Calvin sa puntod ng namayapang asawa.

“Mama, bakit po ba tayo palaging pumupunta rito sa libingan ni papa?” tanong ni Calvin sa ina.

“Halos linggo-linggo ay dinadalaw po natin si papa rito sa sementeryo, mama,” sabi naman ni Cathy.

Advertisement

“Oo, mga anak. Ito man lang ay maipadama natin sa papa ninyo na hindi natin siya nakakalimutan kahit hindi na natin siya kapiling,” sagot niya sa dalawang anak.

Nang pumanaw ang mister ay naghanap ng trabaho si Estella at masuwerte naman siyang natanggap sa isang malaking kumpanya sa Makati. Mula nang nagtrabaho ay madalang na niyang nadadalaw ang puntod ng asawa dahil araw-araw ay gabi na siya nakakauwi. Kung dati ay sa bahay lang siya’t di pinagtatrabaho ng yumaong asawa, ngayon ay kailangan na niyang kumayod para maitaguyod at buhayin ang kambal niyang anak.

Isang araw ay napansin siya ni Aling Guada na bihis na bihis at nakapustura. Bagay na bagay sa hubog ng katawan niya ang suot na uniporme at mas lalong lumitaw ang kagandahan niya ng maglagay ng make up sa mukha.

“O, aalis ka na, Estella? Papasok ka na sa trabaho mo?” usisa ng babae.

“Opo, Aling Guada. Maaga ang pasok ko sa opisina, ayokong mahuli, eh!” sagot niya.

“Mag-iingat ka, hija, huwag kang mag-alala at babantayan ko ang kambal mo,” wika ng kapitbahay.

“Salamat po. Kayo na ang bahala sa kanila. Hindi naman po sila mangungulit, mababait po ang mga anak ko,” sabi pa ni Estella bago tuluyang umalis.

Dahil natutong mag-ayos sa sarili si Estella ay binibiro naman ng mga kapitbahay ang kambal na sina Cathy at Calvin.

Advertisement

“Uy, Cathy, Calvin, gumaganda ang mama ninyo, ah! Naku, ‘di magtatagal at may kapalit na ang papa ninyo!” pangangantiyaw ni Aling Isay.

“Oo nga, mga bata. Mas lalong umariba ang ganda ng mama ninyo ngayon. Pang Miss Universe ang datingan. Tiyak na dudumugin ng mga manliligaw ang mama ninyo,” hirit naman ni Aling Guada sa magkapatid.

Nainis ang kambal sa sinabi ng dalawa nilang kapitbahay.

“Hmp! Hindi po ‘yon mangyayari dahil nag-iisa lang sa puso ni mama si papa!” sagot ni Cathy.

“Hindi na po magpapaligaw si mama sa iba. Kapag nangyari ‘yon ay tututol kami. Wala pong ibang puwedeng ma-inlab kay mama, wala!” giit ni Calvin.

Kinagabihan ay kinompronta ng dalawang bata ang kanilang ina.

“O, bakit nagdadadabog kayong dalawa riyan? Anong problema mga anak?” nagtatakang tanong ni Estella nang mapansing nagpapapadyak ang kambal sa sahig.

“Kakainis kasi ‘yung mga kapitbahay natin, eh, mama! Ang sabi po nila ay ‘di raw magtatagal ay mag-aasawa ka na uli!” inis na sambit ni Cathy.

Advertisement

“Oo nga po, mama. Totoo po ba ‘yon? Mag-aasawa ka na uli? Papalitan mo na si papa? Akala ko ba si papa lang ang nag-iisa mong mahal, mama?” tanong naman ni Calvin na para bang maluluha na.

Napangiti si Estella sa sinabi ng mga bata.

“Binibiro lang kayo ng mga kapitbahay natin! Sa inyo pa lang, kulang na ang panahon ko, eh, mag-aasawa pa! Huwag ninyo silang intindihin, hindi mag-aasawa si mama,” tugon niya.

Biglang nagliwanag ang mga mata ng kambal.

“Talaga po, mama?” sabay na wika ng dalawang anak.

“Oo, mga anak. Pangako, cross my heart and hope to d*e pa,” sambit ni Estella na niyakap ang kanyang kambal. Ngunit lingid sa dalawa ay may tumulong luha sa mga mata niya.

Makalipas ang ilang taon ay kapwa nasa tamang edad na sina Cathy at Calvin. Pareho silang nakapagtapos na sa kolehiyo at may kanya-kanya ng mga trabaho. Nagbunga ng maganda ang mga sakripisyo ni Estella sa mga anak na lumaking mga mababait at matatalino. Habang magkasamang naglalakad ang mag-iina sa daan ay usap-usapan na naman sila ng kanilang mga kapitbahay.

“Grabe, parang magkakapatid lang ang mag-iina, o!” manghang sabi ni Aling Guada.

Advertisement

“’Di mo nga aakalaing nanay nila ang kasama. Mukhang magkaka-edad lang silang tatlo!” sambit ni Aling Isay na halos lumuwa na ang mga mata katititig sa mag-iina.

Lingid sa dalawang babae ay naririnig pala ng tatlo ang pag-uusap nila.

“Tama naman sila mama, para lang tayong magkakapatid. Ang fresh mo kasing tingnan, eh, mama,” wika ni Calvin.

“Siyang tunay mama! Puwedeng-puwede ka pa ngang sumali sa Miss Universe,” sabad ni Cathy.

“Naku, may hihilingin na naman ang kambal ko sa akin kaya nahahawa na sa mga kapitbahay naming tsismosa na, mga bolero pa!” natatawang sagot ni Estella sa mga anak.

“Totoo naman ang sinabi nila at sinabi namin, mama. Bata ka pa at maganda. Hindi nga po halata na may edad ka na, eh,” giit ni Calvin sa ina.

Napabuntung-hininga lang si Estella.

“Matanda na ako mga anak. At isang araw ay iiwan na ninyo ako. Magsisipag-asawa kayo’t magsasarili ng buhay at ako’y muling mag-iisa,” seryosong tugon ng babae sa kambal. Bakas ang lungkot sa tinig ni Estella bagamat walang pagdaramdam sa kanyang sinabi.

Advertisement

“Mama naman…” halos sabay na bigkas ng magkapatid nang mapansin ng mga ito na biglang lumamlam ang mukha ng kanilang ina.

“Naku, huwag ninyo akong intindihin mga anak! Tara na sa bahay at magluluto pa ako ng masarap nating hapunan,” wika ni Estella saka hinawakan ang braso ng dalawang anak at inakay papauwi sa kanila.

Kinagabihan, nang magkasarilinan ang magkapatid…

“Tama si mama, Calvin. Isang araw nga’y magsisipag-asawa na tayo,” sabi ni Cathy.

“At maiiwan siyang nag-iisa… ngayon ko lang naisip ‘yan, Cathy,” tugon ng kapatid.

“Napagtanto ko na naging maramot pala tayo kay mama, Calvin. Sinarili natin ang kanyang kabataan. Isinubsob niya ang sarili sa pagtatrabaho upang tayo’y makapagtapos at nakalimutan na niya ang maging masaya,” naluluhang sabi ng dalaga.

“Nag-aalala nga ako kasi nagyayaya nang pakasal ang nobya kong si Ditas. Kapag pareho na tayong may pamilya, paano na si mama?” malungkot na tugon ni Calvin sa kapatid.

Nang sumunod na araw ay kinausap nila ng masinsinan ang ina.

Advertisement

“Bakit hindi ka na nag-asawa uli, mama? Maganda ka pa at bata,” tanong ni Calvin.

“Oo nga, mama. Siguradong may mga nanliligaw pa sa iyo,” sabad ni Cathy.

“Bakit nakakaistorbo na ba ako sa inyo? Teka muna, natatandaan ko na minsan ay nangako pa ako sa inyo na hindi na ako mag-aasawang muli ‘di ba?” sagot ni Estella.

“Oo nga mama, noong bata pa kami, pero inaalala ka kasi namin ni Calvin. Paano kung mag-asawa na kami at bumuo ng kanya-kanyang pamilya, maiiwan kang mag-isa, mama,” paliwanag ni Cathy.

Napangiti si Estella sa nakikitang pag-aalala ng dalawang anak.

“Nakakatuwa naman kayo. Noon ay nag-aalala kayo na baka ako mag-asawa, ngayon naman ay nag-aalala kayo kung bakit hindi ako nag-asawa uli. Mga anak… huwag kayong mag-aalala sa sa’kin. May solusyon sa lahat ng problema, at ipinangangako ko sa inyo, wala kayong dapat ipag-alala sa akin,” sambit pa ni Estella sa kambal.

Lumipas ang ilang linggo, biglang tumawag si Cathy sa kapatid na si Calvin na kasalukuyang nasa opisina.

“Hello, Calvin! Tumawag si mama, pinauuwi tayo nang maaga sa bahay. May sasabihin daw siya sa atin. Ano kaya iyon?” tanong ni Cathy sa kabilang linya.

Advertisement

“Sige, maaga akong lalabas sa opisina mamaya,” sagot ng kapatid.

Maaga nga silang umuwi at nang dumating sila sa bahay ay naroon narin ang kanilang ina. May kasama itong lalaki na nakaupo sa sofa.

“Mabuti naman at narito na kayo mga anak. May ipapakilala ako sa inyo… Arturo, ang aking kambal na sina Cathy at Calvin… mga anak, si Arturo, isang matagal ng kaibigan,” wika ni Estella.

“Kumusta kayo? Ikinagagalak ko kayong makilala,” sagot ng lalaki na may edad na rin.

“Nice meeting you po. Mama, ano pong ibig sabihin nito?” naguguluhang tanong ni Cathy.

Magsasalita sana si Estella ngunit naunahan siya ng lalaki.

“C-Cathy, Calvin… ang totoo’y matagal na akong nanliligaw sa mama ninyo. Wala akong asawa at wala ring anak. Isa akong inhinyero sa isang construction firm sa Makati. Nagkakilala kami ng mama ninyo sa opisina nila nang minsang nagkaroon ako ng proyekto sa kanilang kumpanya. Matagal ko nang iniibig ang inyong ina at mahal din niya ako. Sa katunayan ay ngayong araw lang niya ako sinagot. Nakahanda ko siyang pakasalan at ituturing ko rin kayong aking mga anak,” sinserong hayag ng lalaki.

“What? I-ibig sabihin ay matagal nang may nanliligaw sa iyo, mama? Bakit hindi mo sinabi sa amin?” gulat na tanong ni Cathy.

Advertisement

“N-napakabilis naman yata ng mga pangyayari, mama! Kasal agad?” nabiglang tanong ni Calvin sa ina.

“Madali ba ang anim na taon kong paghihintay sa pagsapit ng araw na ito mga anak? Mauunawaan naman siguro ako ng papa ninyo kung maisip ko na magkaroon ng panibagong makakasama at katuwang sa aking pagtanda lalo na kapag ako’y iniwan na ninyo’t bumuo na kayo ng sarili ninyong pamilya. Matagal na naghintay si Arturo sa muling pagbubukas ng aking puso sa iba kaya ako’y kanyang napahanga. Napatunayan ko na malinis at tapat ang kanyang hangarin sa akin mga anak. Kilalang-kilala ko na siya, alam kong mabuti siyang tao kaya ‘di ko rin napigilan ang sarili kong mahalin din siya at tanggapin sa ating buhay. Patawarin ninyo ako kung hindi ko natupad ang aking pangako noon,” naluluhang sabi ni Estella sa harap ng mga anak.

Hindi na napigilan ng kambal na mapa-iyak na rin sa sinabi ng kanilang ina. Panahon na para muli nitong maranasan ang muling magmahal. Buong buhay nito ay ibinuhos at inilaan sa kanila, oras na para intindihin naman nito ang sariling kaligayahan.

Hindi tumutol sina Cathy at Calvin sa dalawang pusong ang tanging hiling ay ang kanilang basbas.

“Pakaingatan niyo po si mama, tito. Hangad namin ang inyong kaligayahan,” naluluhang sabi ni Cathy.

“Binabati namin kayo, Tito Arturo. Isang pambihirang babae ang napili niyong mahalin,” sambit pa ni Calvin sa lalaki.

“Salamat sa inyo. Pangako ko na pakamamahalin ko ang mama ninyo habang ako’y nabubuhay. Hindi ako tatagal ng anim na taon kung ‘di wagas ang pag-ibig ko sa kanya,” sagot ni Arturo.

“Salamat mga anak ko,” tugon naman ni Estella na tuwang-tuwa na maligaya sa kanya ang mga anak.

Advertisement

Ikinasal sina Estella at Arturo. Nagpatayo ng bahay ang lalaki para sa asawa na hindi inasahan ni Estella na isang malaki at magarang bahay na matagal na palang plinano ni Arturo sa kanya. Masaya itong namuhay kasama si Estella at mga anak nito na ‘di naglaon ay bumuo na rin ng sariling pamilya.