
Pinagtanggol Niya ang Matanda na Pinandirihan ng mga Pasahero; Ito ang Iginanti ng Matanda sa Kaniya
Sabado. Naghihintay si Cynthia sa istasyon kung saan karaniwan siyang sumasakay. Panaka-nakang pinupunasan niya ang buhok niya na nabasa dahil sa pagsugod niya sa ulan, makaabot lang sa pagdating ng tren. Kapag naiwan kasi siya ay paniguradong dagdag pamasahe na naman.
Maya-maya pa ay bahagyang nagkatulakan ang mga tao dahil sa pagsiksik ng isang matandang lalaki sa kanila na gaya nila ay sumisilong din upang hindi mabasa ng ulan.
Nakarinig siya ng reklamo laban sa matanda.
“Ano ba! ‘Wag niyo nga akong dikitan!”
“‘Wag naman ho kayong manggitgit!”
Inobserbahan niya ang mga kapwa pasahero. Kitang-kita niya kung paano niyakap ng mga ito ang kani-kanilang mga bag. Marahil lahat ay iniisip na masamang loob ang matandang bagong dating.
Nang masdan niya ang matanda, kahit papaano ay naintindihan niya ang reaksyon ng iilan. Punit-punit kasi at manipis ang nanlilimahid nitong damit. Ngunit ang mas pinandidirihan ay ang ang mga sugat ng matanda sa katawan.
“‘Wag niyo nga sabi akong lapitan at baka mahawa pa ako sa sakit niyo sa balat!” nanlalaki ang matang angil ng isang babae.
Hindi nakaligtas sa pandinig niya ang ibinulong nito, na tila nais din naman nitong iparinig sa lahat. “Mamaya niyan, magnanakaw pa pala ang matandang ‘to!
Doon na siya hindi nakapagpigil at sumabat sa usapan ng mga ito.
“Excuse me, pero sumusobra ka naman yata. Wala namang ginagawang masama yung tao pero kung makapagsalita ka, grabe! Nilait mo na nga, pinag-isipan mo pa nang masama?” mataray na kastigo niya sa babae.
Nagulat man ito sa pagsagot niya ay halatang hindi ito magpapatalo.
“Totoo naman ang sinasabi ko! Ilang beses na akong nanakawan dito sa istasyong ito kaya alam ko na marami ang halang ang kaluluwa rito. Magkakasama ‘yang mga ‘yan sa modus nila. Kunwari mga madudungis, tapos may iba nang plano,” patuloy nitong litanya na agad sinang-ayunan ng ilan.
“Bakit? Nakita mo ba sa akto? Kung hindi, wala kang karapatan mangbintang nang ganyan. Paninirang puri ‘yan,” paalala niya sa babae.
Umirap ito.
“Sino ka ba at bakit mo siya ipinagtatanggol?”
“Hindi mahalaga kung sino ako! Ang sinasabi ko ay masama ang mambintang ng ibang tao lalo na’t wala kang ebidensiya!” malamig na tugon niya sa babae.
Natahimik ito nang dumating na ang tren. Nag-unahan ang mga pasahero na makasakay. Naiwan siya sa harap ng matanda na nananatiling nakayuko lamang at hindi nagsasalita.
“Hayaan niyo na po sila. Hindi naman ho lahat, ganoon ang tingin sa inyo. May iilan lang po talaga na makitid ang utak at mapanghusga.”
Ngumiti ang matanda, ngunit nanatili itong tahimik.
Sumakay na rin siya sa tren bago pa siya maiwan. Kumaway pa siya sa matanda habang umaandar ang tren.
Ilang araw ang lumipas, at hindi niya na muli pang nakita ang matandang lalaki sa istasyon.
Isang gabi, pagkababa ni Cynthia ng tren ay bumili siya ng makakain. Magbabayad na sana siya ng binili niyang pagkain ngunit nang kapain niya ang bulsa ay hindi niya makapa ang kaniyang wallet. Tiningnan niya rin sa kaniyang bag ngunit wala rin ito doon.
Nanlalamig man ay pilit niyang inaalala kung saan niya iyon huling ginamit.
Napapikit ng mariin nang maalala. Noong bumili siya ng tiket. Kaya kahit na alam niyang malabong makita niya pa ito ay sinubukan niya pa ring bumalik sa istasyon ng tren.
Subalit wala. Nasuyod niya na ang paligid, ngunit wala.
Naalala niya ang sinabi ng babaeng nakasagutan niya noong isang araw. Marahil ay nadukot ang kaniyang pitaka nang hindi niya nalalalaman.
Nagbadyang pumatak ang luha sa kaniyang mga mata nang maisip niya na naroon ang lahat ang isang buwang sweldo na pinagtrabahuan niya.
Kailangan niya pang bumili ng gatas at gamot para sa kaniyang anak. Saan sila kukuha?
Matamlay siyang naglakad patungo sa kung saan nagbabantay ang mga guwardiya.
Kahit na alam niyang imposible ay nais niya pa ring sumubok.
Kung sinuman ang nakakita ng wallet niya ay malabong isauli pa iyon ngunit wala rin namang masama kung susubukan.
“Magandang gabi po. Nagbabakasakali lang po na baka may naghatid dito ng pitaka ko,” aniya bago ikinuwento sa mga ito ang nangyari.
Gulat na gulat siya sa sinagot ng mga guwardiya.
“Ito ba ‘yon, Ma’am? Suwerte niyo! Mabait ang nakakita!” anito habang iwinagayway ang pitaka niya na hindi niya inakalang makikita niya muli.
Tiningnan niya ang wallet at ni isang sentimo ay walang nabawas sa laman noon. Labis ang pasasalamat niya sa mga ito.
“Naku, Ma’am, ‘wag kayo sa amin magpasalamat kundi kay Mang Bernie! Siya ho ang tagalinis ng istasyon. Siya ang nakakita niyan!” paliwanag nito bago itinuro ang kung sinuman sa likuran niya.
Nalingunan niya ang pamilyar na lalaki. Ang matandang lalaki na ipinagtanggol niya noon! Sadyang kay liit nga naman ng mundo.
Hindi niya maiwasang matuwa nang may mapagtanto. Tama ang ginawa niyang pagtatanggol sa matanda. Hindi nga ito masamang tao!
“Maraming salamat po, Manong. Hindi niyo po alam kung gaano ito kahalaga sa pamilya ko,” taos pusong pasasalamat niya sa matanda.
Ngumiti ito.
“Hindi naman sa akin ‘yan. Hindi tama na kunin ko. Mas lalo akong sumaya na ikaw pala ang nagmamay-ari ng wallet na ‘yan. Hindi kita napasalamatan noong isang araw. Sa lahat ng nakasalamuha ko sa tren, ikaw lang ang nagtanggol at hindi nandiri sa akin. Kaya salamat, hija.”
Nangilid ang luha ni Cynthia sa narinig sa matanda. Nakakalungkot na may mga nahuhusgaha nang dahil sa panlabas na anyo. Kagaya ni Mang Bernie. Napakabait nito, sadyang hindi lang ito pinalad na magkaroon ng magandang buhay, kaya nahuhusgahan. Sadyang napakalupit ng mundo.
“Wala ho iyon, Manong. Hindi naman ho mahalaga ang sasabihin ng iba, hindi ba? Ang mahalaga ay kung ano ang nakikita ng Diyos na ginagawa natin sa lupa. Sigurado ho ako na nalulugod Siya sa inyo dahil isa kayong mabuting tao kahit na napapaligiran kayo ng mga masasama.”
Lalong lumapad ang ngiti ng matanda.
“Tama ka, hija. Laging may nakatingin mula sa itaas, kaya ikaw rin, ‘wag kang magsasawa na maging mabuting tao. Dahil ang kabutihan ay parating ibinabalik sa atin.”
Alam ni Cynthia iyon. Kaya nga kahit na imposible ay naibalik sa kaniya ang nawala sa kaniya. Simple man, alam niya na isa iyong pagpapala.