Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng Dalaga ang Maliit na Singsing na Mayroon ang Kaibigan, Simbolo pala Iyon ng Wagas na Pagmamahal

Pinagtawanan ng Dalaga ang Maliit na Singsing na Mayroon ang Kaibigan, Simbolo pala Iyon ng Wagas na Pagmamahal

“Ayan na ‘yong pinagmamalaki mong singsing na binigay sa’yo ng matagal mo nang nobyo nang alukin ka niya ng kasal? Diyos ko!” sambit ni Lourdes nang makita ang binibidang singsing ng kaibigan sa social media.

“Oo, hindi ba’t sobrang ganda? Alam mo bang totoong diyamante ito? Hinanap ko sa internet kung magkano ang halaga nito at halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ko ang presyo!” wika pa nito saka muling hinanap sa internet ang presyo nito upang ipakita sa kaniya.

“Aanuhin mo naman ‘yang mamahaling iyan kung hindi naman kasya sa kamay mo? Hindi ba alam ng nobyo mo na tumaba ka na? Nakakatawa naman ‘yan! May isip ba ‘yang nobyo mo?” pang-iinsulto niya rito dahilan para mag-iba ang timpla ng mukha nito.

“Alam mo, ikaw, inggit ka lang, eh, dahil simula hayskul, walang nanliligaw sa’yo! Kita mo ngayon, sa ating magkakaibigan, ikaw lang ang wala pang nobyo hanggang ngayon! Subukan mo kayang ayusin ang ugali mo!” sigaw nito sa kaniya, kitang-kita sa mukha nito ang pagkainis sa kaniya.

“Hindi ko kailangan ng lalaki sa buhay, lalo na kung bibigyan ako ng singsing na kahit sa hinliliit ko, hindi magkakasya!” panunukso niya rito saka humagalpak ng tawa.

Walang bilib sa pag-ibig ang dalagang si Lourdes dahil nga katulad ng sinabi ng kaniyang kaibigan, ni minsan, walang nagtangkang manligaw sa kaniya. Bukod kasi sa mataas ang ekspektasyon niya sa pag-ibig na gusto niyang mabuo kasama ang isang binata, mayroon din kasi siyang ugaling mapanghusga at inggitera.

Sa katunayan, kahit mga malalapit niyang kaibigan ay madalas niyang hinuhusgahan, at kinaiinggitan. Patunay na rito ang ginawa niyang pagpapakalat na nagdadalang tao ang kaniyang unang matalik na kaibigan kahit sinabi nitong huwag muna siyang maingay dahil hindi pa ito handa.

Tsinismis niya pa sa iba na hindi raw ang nobyo nito ang nakabuntis dito kung hindi ang isa pa nilang kaibigang lalaki na nagresulta sa pagkakabuhol-buhol ng buhay nito.

Ayaw niya kasing may magiging masaya sa kaniyang mga kaibigan sa larangan ng pag-ibig habang siya, patuloy pa rin sa paghihintay sa lalaking kayang magtiis sa kaniyang ugali.

Kaya naman, nang ibalita sa kaniya ng natitira niyang nag-iisang kaibigan ang tungkol sa nalalapit nitong kasal, katakot-takot na pangmamaliit ang ginawa niya. Walang sawa niya pa itong pinagtawanan dahil nga maliit ang singsing na bigay ng nobyo nito.

Wika niya pa, “Baka nga hindi talaga para sa’yo ‘yan, eh. Baka napilitan lang siyang ibigay sa’yo dahil tinanggihan siya ng unang dalagang inalok niya ng kasal! Imposibleng hindi niya alam na hindi kasya sa’yo ang singsing na ‘yan! Ilang taon ka nang mataba, hindi niya pa rin alam ang sukat ng daliri mong mala-kikiam?” dahilan para mapatungo na lang ang kaniyang kaibigan.

Sesegundahan niya pa lang sana ang panghuhusga nito nang biglang dumating ang nobyo ng kaniyang kaibigan.

“Alam mo, Lourdes, malala ka na talaga. Kaibigan mo ba talaga ang nobya ko? Bakit gan’yan ka kung makapagsalita?” galit na tanong nito, sasagot pa lang sana siya nang muli na naman itong nagsalita, “Para lang sa kaalaman mo, matagal ko nang binili ang singsing na ‘yan. Nasa hayskul pa lang kasi tayo, alam ko nang siya na ang pakakasalan ko at ang tanging babaeng nais kong makasama habang buhay. Kung naiinggit ka dahil walang nagmamahal sa’yo, huwag ka naman sanang manira ng relasyon,” dagdag pa nito na ikinatameme niya pati na ng kaniyang kaibigan.

“Dati mo pa ako gustong pakasalan?” pag-uulit ng kaniyang kaibigan.

“Oo, mahal, dati pa. Kahit ano mang maging itsura mo, pakakasalan pa rin kita,” sambit nito saka agad na hinila palabas ang dalaga.

Naiwan siya roong tulala habang paulit-ulit na tumatakbo ang sinabi ng binata sa utak niya.

Doon siya mas nakaramdam ng inggit. Napatanong na lang siya sa sarili niya, “Kailan kaya darating ‘yong lalaking gusto akong makasama habang buhay?” Doon niya napagtantong kailangan niyang magbago upang dumating ito.

Simula noon, pinilit niyang maging kontento sa buhay niya. Hinayaan niya na ring maging masaya ang kaniyang kaibigan at inialis ang inggit na nararamdaman dito na talagang nagbigay sa kaniya ng taos pusong kasiyahan.

Ilang buwan lang ang lumipas, habang pinagpapatuloy niya ang pag-aayos sa sarili niya, mayroong kauna-unahang lalaking nais manligaw sa kaniya at nakilala siya nito sa kasal ng kaibigan niya.

“Gandang-ganda ako sa mga ngiti mo habang pinagmamasdan mong maglakad patungong altar ang kaibigan mo. Pakiramdam ko’y hindi na kita dapat pakawalan pa,” sambit nito saka matamis na ngumiti sa kaniya at siya’y binigyan ng isang pirasong pulang rosas.

Iyon na nga ang naging simula upang maniwala siya sa kapangyarihan ng pag-ibig. Matagal man ito bago dumating sa kaniya, wala namang kasing tamis ang dulot na kasiyahan nito sa puso niya.

Advertisement