Pinagdamutan ng Upuan ng Dalagang Ito ang Matandang Mahina ang Tuhod, Isang Pilay pa ang Nagbigay ng Upuan Dito

Pinagdamutan ng Upuan ng Dalagang Ito ang Matandang Mahina ang Tuhod, Isang Pilay pa ang Nagbigay ng Upuan Dito

InspiringMysteryStories

“Hija, pupwede ba akong makaupo riyan sa kinauupuan mo? Mahina na kasi ang tuhod ni lolo, eh, natatakot ako na baka bigla na lang akong matumba kapag humarurot ang bus na ito,” daing ng isang matanda kay Paz kaya siya’y naalimpungatan sa pagkakatulog, isang umaga habang siya’y papasok sa trabaho. 

“Naku, edi sana po, nag-taxi na lang kayo. Hindi ‘yong mang-aabala kayo ng ibang pasahero,” mataray niyang sagot dito saka agad na inirapan ang matanda. 

“Wala kasi akong mahanap na taxi, hija, eh, kaya sige na, paupuin mo na ako,” pagpupumilit pa nito sa kaniya habang hawak-hawak ang mga tuhod. 

“Papasok po ako sa trabaho ko bilang waitress, lolo, at kailangan ko pong maipahinga ang mga paa ko dahil mamaya, sasabak na naman ako sa mabigat na trabaho. Kung ako sa inyo, bago pa kayo matumba riyan, bumaba na kayo at maghintay ng taxi!” sigaw niya pa rito dahilan para mapatungo ito at siya’y tigilan. 

“Sige, ‘di bale, magtitiis na lang ako,” wika nito saka tumuwid nang pagkakatayo upang makahawak sa bakal na hawakan. 

“Dapat lang po kaysa makaperwisyo kayo ng iba!” bulyaw niya pa rito saka bumalik sa kaniyang pagtulog. 

Kahit na may kapansanan o matanda ang nangangailangan ng upuan sa kaniyang pagbiyahe, ni hindi sumasagi sa isip ng dalagang si Paz na ibigay ang kaniyang upuan para sa mga ito.

Paniniwala niya kasi, hindi niya kailangang magsakripisyo para sa taong hindi naman niya kilala dahil mas kailangan niya ng pahinga habang siya’y nasa biyahe upang magkaroon ng sapat ng lakas sa paghahanap-buhay. 

Wika niya pa, “Pagod na pagod na nga akong kumita para sa pamilya ko, pati ba naman para sa ibang tao, magpapakabayani ako?” dahilan para palagi niyang tiisin at dedmahin ang mga taong nanghihingi ng upuan niya sa tuwing siya’y bibiyahe. 

Sa katunayan, may pagkakataon pa ngang may isang buntis na nagmakaawa sa kaniya para makaupo ngunit kagaya ng ginagawa niya sa karamihan, pinagdamutan niya ito at pinagsalitaan. 

Kaya naman, nang siya’y pakiusapan ng matandang iyon, hindi siya nagdalawang-isip na tanggihan din ito katulad ng nakararami. 

Pagkatapos niyang bulyawan ang matanda, agad na niyang pinagpatuloy ang pagtulog at ang pakikinig ng musika gamit ang kaniyang selpon. 

Ngunit maya maya, bigla siyang naalimpungatan nang may isang saklay na tumama sa kaniya. 

“Ay, pasensya na, miss, hindi ko sinasadya,” agad na wika nito saka kinuha ang nahulog na saklay. 

“Kunyari ka pa, eh! Gusto mo lang hingiin sa akin ang upuan ko kaya binagsakan mo ako ng saklay mo!” sigaw niya rito. 

“Naku, hindi, miss, sa katunayan, may upuan naman talaga ako. Binigay ko lang dito kay lolo dahil natumba siya nang biglang prumeno ‘tong bus,” paliwanag nito saka tinuro ang matandang tulog sa tapat niya. 

Kahit na ganoon, ni hindi pa rin sumagi sa isip niyang ibigay ang upuan niya sa naturang pilay bagkus, pinagpatuloy niya lang ang pagtulog hanggang sa muli na naman siyang magising sa pagtigil ng bus. 

Mula sa kaniyang kinauupuan, nakita niyang bumaba na ang matanda at sinalubong ito nang marangyang sasakyan dahilan para siya’y magulantang. 

“Ku-kung meron siyang sasakyan, bakit pa siya sumakay ng bus?” pagtataka niya na narinig ng naturang pilay na ngayo’y nakaupo na. 

“Nasira raw kasi ang sasakyang dala niya kanina kaya siya napilitang mag-commute. Ang bait nga niyan ni lolo, eh, binigyan niya ako ng pangpagamot at pangpaopera rito sa paa ko,” kwento nito saka ipinakita sa kaniya ang isang tsekeng naglalaman ng malaking halaga ng pera. 

Napatulala siya habang pinagmamasdan ang matanda na kumaway pa sa kaniya bago tuluyang pumasok sa sasakyang iyon.

Doon niya napagtantong kahit swerte na ang lumalapit sa kaniya, kung siya’y makasarili, wala pa ring mangyayari sa buhay niya. 

Kaya naman, simula noon, agad niyang binago ang pag-uugali niyang ito. Sa tuwing may makakasabay siyang mas nangangailangan ng upuang mayroon siya, agad niya itong binibigay. Hindi para makatanggap ng pabuya kung hindi para makapagsilbi sa kapwa na talaga nga namang ikinatataba ng puso niya. 

Hindi man niya muling matiyempuhan o makita ang naturang matanda upang makahingi ng paumanhin, pinagpatuloy niya na lang ang pagsasakripisyo para sa iba kahit na siya’y may pangangailangan din dahil hindi hamak naman na mas malakas siya kumpara sa mga ito. 

Hindi kailanman mawawalan o mauubusan ng biyaya ang mga taong handang magsakripisyo para sa iba sa kabila ng kanilang karamdaman o sitwasyon sa buhay.

More Stories