Inday TrendingInday Trending
Natakot Sumugal sa Negosyo ang Dalaga, Nanghinayang Siya nang Magtagumpay ang Kaibigan Dahil Doon

Natakot Sumugal sa Negosyo ang Dalaga, Nanghinayang Siya nang Magtagumpay ang Kaibigan Dahil Doon

“Mahalia, may inaalok sa aking pagkakakitaan ‘yong kaibigan natin no’ng hayskul! Wala kang gagawin kung hindi maglaan ng pera tapos lalago na ‘yon. Investment daw ang tawag do’n, eh, alam mo ba ‘yon?” balita ni Joana sa kaibigan, isang gabi habang nasa daan sila pauwi mula sa kumpanyang pinagtatrababuhan.

“Alam ko ‘yon! Naku, huwag kang magpapaloko riyan! Ang dami nang kumakalat ngayon na mga masasamang loob. Papaniwalain kang investment ang papasukin mo pero ‘yon pala, sila lang ang kikita!” singhal ni Mahalia habang iiling-iling.

“Parang hindi naman, Mahalia, kasi taong simbahan ‘yon, eh, malayong magloko ‘yon! Saka, dahil sa investment na ‘yon, nakabili siya ng bahay at lupa! Subukan natin! Kahit kakarampot na pera lang ang unang ilaan natin!” pangungumbinsi pa nito sa kaniya saka agad na pinakita ang larawan ng bahay no’n na nasa social media.

“Ayoko, ikaw na lang! Mas ayos na sa aking matulog ang pera ko sa bangko kaysa magantso ng mga tao!” pagmamatigas niya saka agad na tumingin nang malayo.

“Walang sisihan, ha?” wika nito na ikinataas ng kilay niya.

“Walang iyakan kapag nawala pera mo, ha?” tugon niya na ikinakamot ng ulo nito.

Takot sumubok sa iba’t ibang pagkakakitaan ang dalagang si Mahalia. Kahit na mayroon na siyang sapat na perang pangnegosyo, ayaw niyang tumugon sa pagsubok lalo na’t wala siyang kasiguraduhan kung kikita ba siya rito o malulugi.

Ang gusto niya kasi siguradong lolobo ang perang pinaghirapan niya at kung wala itong kasiguraduhan, mas gugustuhin niya na lang na mag-ipon ng pera sa pamamagitan ng pagtatrabaho kaysa sumubok magnegosyo.

Sa katunayan, makailang beses na siyang niyayang magnegosyo ng kaibigan niyang si Joana na walang takot sumubok ng mga pagkakakitaan. Ngunit ang palagi niyang sagot dito, “Ayokong mapunta lang sa wala ang pinaghirapan kong pera kaya ayokong magnegosyo.”

Kaya naman, nang siya’y alukin ng kaibigang pumasok sa larangan ng investment na wala naman siyang gaanong kaalaman, agad niya itong tinanggihan.

Kumbinsihin man siya nito hanggang sa sila’y makauwi na maglaan na sila ng pera rito kahit na kakarampot, iniirapan niya lang ito at walang sawang sinasabing, “Ikaw na lang. Ayokong malugi at maloko kasama ka,” dahilan para labis itong magtampo sa kaniya.

Kinabukasan, nabalitaan niya na lang na sumubok nga itong maglaan ng pera sa naturang investment kasama ang dati nilang kaibigan. Hindi nito sinabi sa kaniya nang diretso dahil nga ito’y nagtatampo pa rin sa kaniya.

Ilang araw pa ang lumipas na hindi siya kinikibo ng kaibigan niyang ito kahit na sila ay nasa trabaho. Ayaw din niya naman itong pansinin dahil alam niyang una itong lalapit sa kaniya kapag nawala na ang perang nilaan nito sa naturang investment.

Ngunit isang araw, bigla na lang pumutok ang balita sa kanilang opisina na kumikita na nga raw ang kaniyang kaibigan at naging marunong na ito sa pag-iinvest.

Kahit pa ganoon, wala pa rin siyang balak na ito’y kausapin. Wika pa niya, “Sigurado akong kinukuha lang ng investment na ‘yan ang loob niya upang mas lalo siyang maglaan nang mas malaking halaga ng pera at kapag ginawa niya ‘yon, panigurado, roon na niya matutuklasang niloloko lamang siya!” saka siya ngumiti nang patago.

Isang buwan pa ang lumipas, nagulat na lang siyang makita ang post ng kaibigan niyang ito na mayroon na itong nabiling lupa. Papadalhan niya pa lang ito sana ito ng mensahe dahil siya’y nagtataka, nang bigla na lang may kumatok sa kanilang bahay.

Agad niya itong binuksan at nagulat siya nang makitang si Joana ito at may dalang mga grocery items at ilang kabang bigas.

“Hoy, para saan ‘yang mga ‘yan?” gulat niyang bungad dito.

“Para sa’yo! Na-miss kita, eh!” sagot nito saka siya mahigpit na niyakap.

“Ikaw lang ang hindi namamansin, eh!” bulyaw niya rito.

“Gusto ko kasi, kapag pinansin na kitang ulit, may maipagmamalaki na ako para hindi ka na matakot na mag-invest ng pera mo!” tugon nito na lalo niyang ikinagulat.

“Galing ba sa investment mo ang lahat ng ito pati na ang lupang nabili mo?” tanong niya pa rito.

“Oo, Mahalia! Sabi sa’yo, eh! Sana sumabay ka na sa akin para pareho na tayong may lupa at may matabang bulsa!” sambit nito dahilan para siya’y labis na mapabuntong-hininga.

Doon siya labis na nakaramdam ng paghihinayang. Napagtanto niyang dapat pala, inalam niya muna ang kalakaran sa investment na iyon bago niya ito tinanggihan kagaya ng ginawa ng kaibigan niya.

At dahil nga tiwala na siya sa investment na iyon at napag-aralan niya na kasama ang kaniyang kaibigan, sinubukan na niya ito. Ilang taon ang lumipas, nakabili na rin siya ng lupa na pagagawan niya ng pangarap na bahay ng kaniyang mga magulang. Mabuti na lamang at nakinig na siya sa payo ng kaniyang kaibigan.

Advertisement