Inday TrendingInday Trending
Binato ng Binatang Ito ang mga Asong Nangangalkal ng Basura, May Karma Pala Para sa Kaniya

Binato ng Binatang Ito ang mga Asong Nangangalkal ng Basura, May Karma Pala Para sa Kaniya

“Patahimikin mo nga ‘yong asong tahol nang tahol sa labas! Nagtatrabaho ako, eh, ‘yan ang naririnig kaysa sa sinasabi ko!” utos ni Raprap sa kaniyang nakababatang kapatid, isang gabi nang muli na namang gumagawa ng ingay ang asong kalye sa tapat nila.

“Ikaw na ang magpatahimik, natatakot ako baka sakmalin ako!” tanggi ng kaniyang kapatid na lalo niyang ikinainis.

“Napakaduwag mo talaga! Pati aso, kinatatakutan mo! Ikuha mo na lang ako ng malaking bato sa likod bahay, ako na ang magpapatahimik d’yan!” utos niya rito habang patuloy siyang nagpipipindot sa nasa harap niyang laptop.

“Hoy, kuya, anong balak mo? Babatuhin mo ng bato ang asong tumatahol?” pang-uusisa nito.

“Malamang! Ayaw tumigil, eh, nakakaperwisyo na! Hindi naman sa atin ang asong ‘yon, palagi na lang nandito sa tapat natin tuwing gabi!” bulyaw niya pa rito.

“Nakakaawa naman, kuya! Baka karmahin ka sa gagawin mo!” babala nito sa kaniya saka agad na tiningnan ang asong nasa tapat ng kanilang bahay.

“Wala akong pakialam! Ikuha mo na ako ng bato roon kung ayaw mong ikaw ang batuhin ko!” sigaw niya pa rito kaya agad itong natarantang kumuha ng malaking bato sa kanilang likod bahay.

Ayaw na ayaw ng binatang si Raprap sa kahit anong alagang hayop. Para kasi sa kaniya, dagdag pahirap, gastos, at alagain lang ang mga ito. Kung minsan pa, perwisyo sa amo at sa mga kapitbahay.

Ito ang dahilan para kahit anong pilit sa kaniya ng kapatid niyang tangi niyang kasama sa bahay na sila’y mag-alaga ng aso o kahit na pusa upang sila’y may paglibangan bukod sa pagseselpon, ayaw niyang pumayag.

Palagi niya pang sinasabi rito, “Ikaw ba ang gagastos doon? Ikaw ang mag-aalaga? Ikaw lang ba ang mapeperwisyo?” dahilan para sumang-ayon na lang ito sa kagustuhan niyang huwag mag-alaga ng hayop.

Ngunit kahit pa wala na nga silang alagang hayop, may isang asong kalye namang paboritong tumambay sa harap ng kanilang bahay tuwing gabi kung kailan ang oras ng kaniyang trabaho. Palagi itong tumatahol-tahol doon kada may dadaang tao o sasakyan kaya labis siyang naiinis.

Bukod sa kung minsa’y hindi siya makatulog nang maayos tuwing wala siyang trabaho, ito pa ang naririnig ng mga kausap niyang kliyente tuwing mayroon siyang trabaho.

Nang gabing iyon, hindi na siya nakapagpigil dito dahil umaalulong pa ito nang napakalakas. Katulad ng utos niya sa kapatid, kinuhanan nga siya nito ng malaking bato saka ibinato sa asong iyon.

Nang matamaan niya ito sa mukha, kitang-kita niyang agad itong nagdugo at tumakbo palayo na ikinatuwa niya.

“Sa wakas! Makakapagtrabaho na ako nang mapayapa!” wika niya habang awang-awa ang kapatid niya sa naturang aso.

Bandang mga alas tres ng umaga, bigla siyang nakaramdam ng gutom. Nais niya sanang magpabili ng pagkain sa kaniyang kapatid ngunit malalim na ang tulog nito dahilan para saglit siyang lumabas upang bumili ng tapsilog isang kainan malapit sa kanilang bahay.

Habang siya’y naglalakad palabas ng kanilang kalye, naaninag niyang may grupo ng mga asong nagkukumpulan sa isang tumpok ng basura na kaniyang ikinailing.

“O, ‘di ba? Mga perwisyo! Nakaayos na nga ang mga basura, kakalkalin pa!” sambit niya saka agad na naghanap ng bato upang batuhin ang mga ito.

Kaya lang, nang matamaan niya ang isang malaking aso, bigla siya nitong inangilan. Dala ng inis ay muli niya itong pinukol ng isa pang bato.

Ngunit imbis na tumakbo palayo ang mga asong ito, unti-unti pa siyang nilapitan ng mga ito dahilan para siya’y makaramdam na ng kaba at siya’y dali-daling tumakbo pabalik ng kanilang bahay.

Pero dahil nga siya’y tumakbo, roon na siya tuluyang hinabol ng mga ito. Tila minalas siya ng araw na iyon dahil siya’y naabutan ng mga ito at nakagat ng halos tatlong aso bago siya tuluyang makabalik sa kanilang bahay.

Sa ingay na nagawa niya ay nagising ang kapatid niyang gulat na gulat sa itsura niya. Nang sabihin niyang siya’y hinabol at kinagat ng mga aso, sabi nito, “Ayan ang karma mo, kuya,” saka ito agad na tumawag at humingi ng tulong sa kanilang barangay.

Halos mangiyakngiyak siya sa dami ng itinurok sa kaniyang gamot upang malabanan ang rabies ng mga aso. Labis niya ring ininda ang mga sakmal sa katawan niya na talagang nagbibigay ng labis na kirot sa kaniya.

Doon niya napagtantong hindi niya dapat iyon ginawa sa mga asong kalye dahil hindi katulad niya, walang matatas na pag-iisip ang mga ito upang maintindihan ang ginagawa niya.

Simula noon, hindi na siya muling nanakit ng mga aso o anumang klase ng hayop. May tumahol man sa kanilang harapan, mahinahon niya itong papaalisin nang hindi gumagamit ng dahas.

Advertisement