
Sumubok ng Online Sabong ang Binatang Ito, Swerte Nga Kaya ang Dumapo sa Kaniya Gaya ng Kaniyang Inaasahan?
“Anong sikreto mo, pare, para lumago ang pera mo at hindi ka malubog sa utang? Nawawalan na kasi ako ng pag-asa, eh. Tuwing sasahod ako, parang dadaan lang ‘yon sa kamay ko dahil sa dami ng utang namin sa tindahan,” daing ni Ruben sa kumpare, isang gabi nang madatnan niya itong naninigarilyo sa labas ng kanilang eskinita.
“Naku, medyo delikado kasi itong ginagawa ko. Kailangan mo talaga ng swerte para lumago ang pera mo,” babala nito sa kaniya na hindi niya inintindi.
“Kahit delikado, pare, sabihin mo na sa akin. Desperado na akong lumago ang pera ko. Hindi pupwedeng hindi ako kumita, eh, sa akin nakaasa ang buong pamilya namin,” sambit niya, kitang-kita na sa kaniyang mukha ang kagustuhang kumita.
“Sige, ha, desisyon mo ‘yan. Alam mo ba ‘yong online sambong? Doon lumalago ang pera ko. Kailangan mo lang na mamili ng magaling na manok tapos ayon na, dodoble na ang pera mo kapag nanalo!” kwento nito na talagang ikinaenganyo niya.
“Gano’n-gano’n lang ‘yon? O, sige, turuan mo ako kung paano makapagpusta!” sabik na sabik niyang sambit saka inilabas sa kaniyang bulsa ang huling limang daang pisong natitira sa kaniyang pera.
Isang construction worker ang binatang si Ruben. Wala pa siya sa legal na edad simula nang siya’y magpasiyang magbanat ng buto dahil sa hirap ng kanilang buhay.
Pawang mangangalakal at walang malaking kita ang kaniyang mga magulang noon. Kaya imbis na mag-aral ang isang menor de edad na kagaya niya, siya’y sumabak sa trabaho upang makatulong sa pamilya.
Naging masaya naman siya sa desisyon niyang ito lalo’t higit kapag nakikita niya kung gaano kasaya ang kaniyang mga magulang sa tuwing uuwi siyang may pera, bigas, at ilang de lata.
Ngunit, nitong dalawangpung tatlong taong gulang na siya, tila dumoble ang kaniyang pasanin dahil nagsimula nang manghina ang kaniyang mga magulang at kailangan niyang bilhan ng gamot ang mga ito.
Dito na siya unti-unting nawawalan ng pag-asa sa buhay dahil pakiramdam niya, pasan niya sa kaniyang balikat ang buong mundo. Ni hindi niya na alam kung paano pagkakasyahin ang maliit niyang sahod sa kanilang pangkain at gamot ng kaniyang mga magulang.
Kaya naman, kahit ayaw niyang mangutang, ito’y nagagawa niya upang matugunan ang kumakalam na sikmura ng kanilang buong pamilya sa tuwing wala na siyang mahuhugot na pera sa bulsa.
Ito ang rason kung bakit agad siyang nasabik nang malaman ang sikreto ng kaniyang kaibigan kung paano nito napapalago ang perang mayroon ito. Katulad niya kasi, isa rin itong construction worker pero hindi katulad niya, maayos ang buhay nito.
Nang araw na ‘yon, agad siyang sumama sa pagpusta nito. Noong mga unang pagkakataon, nananalo ang manok na kaniyang pinipili. Ngunit nang siya’y mawili sa kakalaro at nais bawiin ang kaniyang mga pagkatalo, hindi niya namalayang unti-unti nang nauubos ang kaniyang pera.
“Pare, tumigil ka na kaya? Isang daan na lang ang pera mo, o! Kanina kumita ka na ng dalawang libo, eh,” awat sa kaniya ng kaibigan niya.
“Hindi, kailangan kong mabawi ‘yon! Nararamdaman kong suswertehin ako sa huling laban na ‘to,” giit niya saka agad na pinusta ang natitira niyang pera.
Tila kamalasan at hindi swerte ang dumapo sa kaniya nang araw na ‘yon dahil matapos lang ang ilang minuto, siya’y umuwi nang luhaan nang wala ni singko sa bulsa.
Talo rin noong araw na ‘yon ang kaniyang kaibigan kaya kahit nagtangka siyang mangutang dito pangbili ng pagkain ng kaniyang naghihintay na pamilya, wala siyang nakuha rito.
Pagkauwi niya, nag-iiyakan na mga kapatid dahil sa gutom ang sumalubong sa kaniya. Nakita niya ring grabe kung makadaing sa sakit ng sikmura ang mga magulang niyang pawang nakahiga na. Labis siyang manghinayang sa perang natalo niya sa sugal at nakonsensya sa ginawa niyang kamalian.
Dahil doon, muli na naman siyang nangutang sa kalapit nilang tindahan. Habang hinahanda niya ang kanilang pagkain, siya’y nangako sa sarili na hindi na muling tataya sa sugal para lumago ang perang mayroon siya.
Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan nang dumating ang araw ng kaniyang sweldo. Katulad ng nakagawian niya, siya’y dumiretso sa tindahan upang magbayad ng utang.
Doon niya napansing nagbebenta ng mga pampaganda ang pinagkakautangan niyang ginang at siya’y agad na nagdesisyong magbenta rin nito sa social media.
Tila roon niya natagpuan ang swerte niya dahil isang linggo lang ang nagdaan, siya’y nakalikom na ng mas malaking halaga kaysa sa naipanalo niya sa online sabong dahilan para makabili siya ng gamot ng kaniyang mga magulang at makabili ng kanilang mga pagkain.
“Dapat pala dati ko pa ito sinubukan!” masaya niyang wika habang pinaghahanda ng pagkain ang kanilang buong pamilya.
Kailanma’y walang naidudulot ang pagsusugal sa tao, mas mabuti pang sa negosyo ka na lamang sumugal dahil kahit may mga araw na ikaw ay lugi, tiyak namang may mga araw na makakabawi ka nang higit pa sa puhunan mo. Maging matalino sa pagwaldas ng perang iyong pinaghirapang kitain.