
Tumanggi ang Dalaga sa Gustong Mangyari sa Kanila ng Nobyo Kaya Hiniwalayan Siya Nito; Pagsisihan Kaya Niya ang Ginawa?
Ilang minuto lang ay narating na ng magkasintahang Harris at Mary Ann ang isang motel.
“N-natatakot ako, Harris,” kinakabahang sabi ng babae.
“Relax, narito na tayo. Huwag kang matakot,” sagot ng lalaki.
Ngunit nagdadalawang-isip pa rin si Mary Ann kung tama ang gagawin nila ng nobyo.
“H-huwag na lang kaya,” sambit pa niya kay Harris.
“Don’t worry, I’ll be gentle,” tugon ng nobyo na may halong paglalambing.
Nang makapasok na sila sa silid ay ‘di pa rin mapakali ang babae.
“Hindi iyon ang kinatatakutan ko, Harris.”
Napakamot sa ulo ang lalaki.
“Eh, ano ang kinatatakutan mo?”
“P-paano kung may mabuo?”
Dahan-dahang inakay ni Harris ang nobya sa kama at iniupo.
“Sinabi ko naman sa iyo na marunong ako. Hindi ka mabubuntis,” wika ng lalaki sa nang-aakit na tono.
Ngunit ang takot ay nanatiling nakalukob kay Mary Ann kaya naman gumawa na ng paraan si Harris para mawala iyon. Niyakap niya nang mahigpit ang nobya saka masuyong hinalikan sa leeg pababa sa may dibdib nito.
“Ako’ng bahala,” sabi ni Harris habang pinag-iinit ang katawan ni Mary Ann. Para madali na itong bumigay sa gusto niyang mangyari.
May pag-aalala pa rin sa isip ng babae.
“Marami pa akong gustong marating sa buhay. Gusto ko nang patigilin sa pagtatrabaho si inay sa Saudi,” bulong ni Mary Ann sa isip habang sinisimsim ng nobyo ang bango niya sa katawan.
Pangarap ni Mary Ann na makapagtapos ng pag-aaral para mabigyan ng kasaganahan ang balong ina at pahintuin na ito sa pagtatrabaho bilang kasambahay sa ibang bansa. Kinabukasan niya ang nakasalalay sa pagkakataong iyon. Kailangan niyang mag-isip at magdesisyon.
Nang biglang…
“Huwag! Ayoko, Harris!” sigaw niya saka buong lakas na itinulak ang lalaki palayo sa kanya.
Halatang nabitin si Harris sa ginawa niya.
“Mary Ann naman! Ngayon ka pa ba aatras?” tanong ng nobyo.
“Mali ito. Hindi tayo dapat maging mapusok!” matapang niyag sagot.
Walang nagawa si Harris nang magyaya nang umuwi si Mary Ann. Sa pagtanggi niya sa nobyo ay may panibagong kaba na nabuo sa dibdib niya.
“Binigo ko siya sa gusto niya. Baka magalit siya sa akin,” kinakabahang sambit niya sa sarili habang pinagmamasdan si Harris na tahimik na nagmamaneho pauwi sa kanila.
Ang totoo’y sumama talaga ang loob ni Harris sa pagtanggi niya. Nalaman ng mga kaibigan ng lalaki ang nangyari sa kanila kaya puro pang-aasar ang inabot nito.
“E ‘di walang nangyari, pare?” nakangising tanong ng kaibigang si Will.
“Masyado namang pakipot ang nobya mo, pare. Tipong gusto naman pero biglang umayaw,” sabad ng kaibigang si Gab.
“P-pero kung talagang mahal niya ako, dapat maunawaan niya ako,” tugon ni Harris.
“Mukhang laos na ang lover boy natin, ah!” pang-iinis pa ni Will.
Nagpanting ang tainga ni Harris sa sinabing iyon ng kaibigan.
“Sino’ng laos?” tanong ng lalaki sa galit na tono.
“O, relax ka lang, pare. Cool ka lang. Meron pa namang next time ‘di ba?” sabad naman ni Gab.
“Wala nang next time. Napahiya na ako. Bakit pa ako magtitiyaga sa tulad niya? Marami pa namang ibang babae riyan, ah!” inis na sagot ni Harris sa mga kasama.
Maya-maya ay may napansin ang mga ito.
“Pare, si Mary Ann, papalapit!” wika ni Will nang makita ang babae na patungo sa kinaroroonan nila.
Umalis muna ang mga kaibigan ni Harris para makapag-usap nang pribado ang dalawa.
“Puwede ba kitang makausap, Harris?” tanong ni Mary Ann.
“Ano pa bang gusto mong pag-usapan natin?”
“S-siguro naman, nauunawaan mo ako kung bakit bigla ay umatras ako,” mapagkumbabang sabi ng babae sa kanya.
“Eh, sino bang lalaki ang makakaunawa sa nangyaring iyon, Mary Ann? Doon ko nasukat ang pagmamahal mo sa akin. Kaya mo pala akong tiisin,” sagot ni Harris sa nobya.
“Mahal kita, Harris. Handa kong ibigay sa iyo ang buhay ko, pero please lang, unawain mo naman ako. Mangyayari rin naman ang gusto mo sa tamang panahon. Kailangan na muna nating makapagtapos sa pag-aaral, pareho pa tayong estudyante,” tugon ni Mary Ann.
Napailing lang si Harris at…
“Okay. Kung iyon ang gusto mo, hindi na kita gagambalain pa. Mula ngayon ay maghiwalay na tayo,” may hinanakit na sabi ng lalaki saka dali-dali na itong lumayo kay Mary Ann.
“Harris!” tawag niya sa pangalan ng nobyo ngunit hindi siya nito nilingon man lang. “Iyon lang ba ang sukatan ng kanyang pag-ibig?” tanong ni Mary Ann sa sarili.
Nang biglang…
“Ehem!”
Sa paglingon ni Mary Ann sa kanyang likuran ay bumungad sa kanya ang guro nila na si Mrs. Ignacio.
“M-ma’am, kayo po pala,” gulat na sambit ni Mary Ann.
“Narinig ko ang pag-uusap niyo ni Harris, at humahanga ako sa iyo, hija. Minsan din akong nalagay sa ganyang sitwasyon. Katulad mo, nag-isip din ako, kaya narating ko ngayon ang pinapangarap kong propesyon,” wika ng guro.
“P-pero nagkatuluyan din po ba kayo ng inyong nobyo?” tanong niya.
“Hindi,” mabilis na sagot ni Mrs. Ignacio. “Nasaktan din ang kanyang ego nang tumanggi ako sa gusto niyang mangyari sa amin at naging dahilan iyon para humanap siya ng iba. Pero doon ko lang naisip na tama ang naging desisyon ko. Nang makabuntis siya ng ibang babae ay nasira na ang kanyang pag-aaral,” kuwento pa ng guro.
“Hindi po ba kayo nanghihinayang na nawala siya sa buhay niyo, ma’am?”
“Sa una lang iyon. Kung naging matatag ako nang tumanggi sa kanya ay ganoon ko rin hinarap ang takbo ng buhay, hija. At ngayon nga ay masaya na ako dahil nahanap ko rin ang lalaking nagbigay sa akin ng tunay na pagmamahal. Maligaya na ako sa piling niya kasama ng aming mga anak. Kaya hija, kung pumayag ka sa gusto ng iyong nobyo at nakabuo kayo, sa hirap ng buhay ngayon, paano mo magagampanan ang magiging obligasyon mo sa inyong magiging anak? Life must go on. I’m sure, kapag naging propesyonal ka na, marami pang pag-ibig ang darating sa iyo o kung magbago man ang isip niya’y handa siyang maghintay at mangarap din para sa inyong dalawa,” hayag pa ni Mrs. Ignacio.
Ang payo ng kanilang guro ang naging gabay ni Mary Ann para abutin ang kanyang pangarap at isantabi muna ang nararamdaman. Mas lalo niyang pinagbutihan ang pag-aaral.
Ilang buwan ang lumipas at nakapagtapos na si Mary Ann sa kolehiyo. Natupad ang pangarap niya na maging abogado at pinahinto na rin niya sa pagiging OFW ang kanyang ina. Nang maka-gradweyt ay hindi na niya nakita pa at nakausap si Harris. Nang maghiwalay sila ay hindi na ito pumasok sa eskwelahan at ang balita niya’y lumipat sa iba.
Isang araw, habang abala siya sa kanyang sariling law firm ay may dumating na hindi niya inaasahang bisita.
“Atty. De Leon, may gusto raw pong humingi ng tulong sa inyo. Nasa labas po siya at gusto kayong makausap,” sabi ng kanyang sekretarya.
“Sige, papasukin mo siya,” sagot niya na biglang nakaramdam ng kakaibang kaba sa dibdib niya.
Nang pumasok sa pribado niyang silid ang panauhin ay laking gulat niya nang makilala ito.
“H-Harris!”
“Oo, Atty. Mary Ann De Leon. Ako nga. Narito ako para idulog sa iyo ang nangungulila kong puso. Mula nang magkahiwalay tayo’y hindi ka na maalis sa puso’t isipan ko. Hinahanap-hanap kita. Napagtanto ko na mahal na mahal pa rin kita. Patawarin mo ako, masyado lang nasaktan noon ang aking pagkalalaki kaya ganoon ang aking inasal. Inaamin ko ang aking pagkakamali, kasalanan ko, kaya please… forgive me, your honor,” buong kababaang loob na hayag ng lalaki.
Gustong maluha ni Mary Ann sa pagbalik ni Harris.
“I know na hindi ako karapat-dapat sa iyong pag-ibig pero hayaan mong patunayan ko ang aking pagsisisi at pagbabago kaya naman bago ako muling nagpakita sa iyo’y inayos ko muna ang aking buhay. Itinuloy ko ang aking pag-aaral at kalaunan ay nakapagtapos din at isa na akong engineer na may sarili na ring construction firm. Tama ka, Mary Ann, na hindi tayo dapat nagpadala sa bugso ng ating mga damdamin para sa ating mas maayos na kinabukasan. Sana ay may puwang pa ako sa puso mo,” sinserong sabi ng dating nobyo.
Hindi na napigilan pa ni Mary Ann ang luhang dumaloy sa mga mata.
“Kahit kailan ay hindi naman nawala ang pag-ibig ko sa iyo, Harris. Umasa rin ako na muli kang magbabalik at nagpapasalamat ako’t tinupad mo iyon. Natutuwa rin ako dahil nagtagumpay ka rin sa iyong buhay. Hindi totoong hindi ka kaparat-dapat sa aking pag-ibig dahil ikaw pa rin ang una at huli kong mamahalin,” tugon ni Mary Ann.
Isang mahigpit na yakap at masuyong halik naman ang iginanti ni Harris sa kanya na tanda ng totoo at dalisay na pagmamahal nito.
Makalipas ang ilang buwan ay nagpasiyang magpakasal ang dalawa at bumuo ng pamilya. Biniyayaan din sila ng tatlong anak at lumaki ang mga ito na mga matatalinong bata.