
Dahil Nawalan ng Trabaho at Pinaalis sa Inuupahan ay Nakitira ang Binata sa Kapatid Niya sa Ama; ‘Di Niya Akalaing Sasamantalahin pa Nito ang Naging Kamalasan Niya
Pinalayas sa inuupahan niyang apartment si Bruce dahil ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad ng renta. Nagsara ang pinapasukan niyang kumpanya dahil nalugi kaya isa siya sa mga empleyado na nawalan ng trabaho.
Naisipan niyang lumapit sa kapatid niya sa ama na si Lenard para humingi ng tulong. ‘Di tulad niya ay nakakaangat ito sa buhay kaya kahit nahihiya ay kinapalan na niya ang mukha niya.
“Nakikiusap ako, Kuya Lenard. Kahit mga tatlong buwan lang, pinalayas na kasi ako nung may-ari ng apartment na inuupahan ko, eh,” sabi niya.
“Talagang palalayasin ka ng may-ari dahil hindi ka marunong magbayad ng renta. Kasalanan mo rin ang nangyari sa iyo!” natatawa nitong sagot na parang nang-uuyam.
“Kung ‘di lang ako nawalan ng trabaho, mababayaran ko naman ang renta kaso minalas ‘yung kumpanyang pinapasukan ko,” tugon niya.
“Kaya kasama ka sa sa mga minalas,” sagot ni Lenard sa kanya.
Pinagbigyan siya ng kapatid at pinatuloy sa bahay nito ngunit may kundisyon. Kailangan niyang pagtrabahuhan ang pagtira niya roon. Dapat ay tumulong siya sa mga gawaing bahay gaya ng ginagawa ng mga kasambahay nito.
Isang gabi ay ‘di naiwasang magtanong ng isa sa mga houseboy ng kuya niya.
“Bakit naturingang magkapatid kayo ni Sir Lenard pero bakit sa servants’ quarter ka niya pinapatulog, Kuya Bruce?” tanong nito.
Hindi siya nakakibo. Hindi niya kayang sagutin ang simple pero malalim na tanong na iyon ng kasamang binatilyo.
At dahil nga sa wala siyang trabaho nang mga panahong iyon, nakakahiya mang aminin pero totoo, naging palamunin siya ng kapatid.
Minsang magkasama silang kumakain sa mesa ay bigla siyang sinita ni Lenard.
“O, dahan-dahan lang sa pagsubo, ‘tol, at baka mabilaukan ka. Huwag mong uubusin ha at kakain pa ang mga pamangkin mo pagdating galing sa eskwela,” anito.
Nakaramdam ng hiya si Bruce sa sinabing iyon ng kapatid. Pakiramdam niya ay hindi lang siya nito madirekta na liit-liitan lang niya ang pagkain at may kakain pang iba.
Tumayo siya sa upuan at akmang aalis na.
“O? Ayaw mo na ‘tol?” natatawa nitong tanong.
“B-busog na ako, Kuya Lenard, eh. May gagawin pa rin ako sa garahe,” sagot niya saka lumabas ng bahay.
Bukod sa simpleng paninita sa pagkain ay panay rin ang utos nito sa kanya. Mas marami pa nga siyang ginagawa sa bahay nito kumpara sa mga kasambahay.
“Marunong ka bang magkutingting ng makina ng sasakyan?” tanong nito.
“O-oo naman, kuya,” aniya.
“Pakitingnan mo naman ang karburador ng kotse ko, o! Barado kasi, eh, saka kung puwede’y pakilinis na rin,” sabi pa ng kapatid.
Napansin ni Bruce na wala namang ginagawa ang drayber nito na palaging gumagawa niyon. Sa kanya talaga iniutos ni Lenard ang paggawa ng sasakyan nito kahit pa tambak pa ang gawain niya sa bahay.
“Okay lang naman sa akin ito. Ganito lang talaga siguro ang turing sa mga nakikitira, kailangan kong makibagay,” bulong ni Bruce sa isip.
Pero habang tumatagal ay mas bumibigat ang responsibilidad niya sa bahay na iyon ni Lenard. Isang gabi ay nagpaalam ang buong mag-anak nito kasama ang mga kasambahay na magbabakasyon at siya lamang ang maiiwan doon. Sa kanya pinababantayan at pinalilinis ang buong kabahayan habang wala ang mga ito. Ang katuwiran ng kapatid niya ay may utang na loob naman siya rito at nakikitira lang siya’t walang trabaho kaya siya ang dapat na maiwan at magbantay ng bahay. Wala naman siyang reklamo sa gusto ng kapatid ngunit napansin niya na hindi man lang siya nito iniwanan ng perang panggastos para sa pagkain niya. Nang tingnan niya ang refrigerator ay walang kalaman-laman at ang mga de latang pagkain sa kusina ay mga expired na.
“Diyos ko, bakit naman ito ginagawa sa akin ni kuya?” sabi niya sa sarili na gusto nang maluha sa sinapit niya.
Wala siyang nagawa kundi ang humingi ng tulong sa mga kaibigan niya. Binigyan naman siya ng mga ito ng pagkain para maitawid ang ilang araw na hindi pagbalik ng kapatid at mga kasama nito.
Nang makabalik ang mag-anak ni Lenard galing sa bakasyon ay agad siyang nagpaalam na lilipat na ng ibang tirahan. Hindi naman siya pinigilan nito kaya malaya siyang nakaalis sa bahay na iyon. Pansamantala siyang nakitira sa isa niyang kaibigan na si Junel. Dahil sa ginawa sa kanya ng kapatid ay nakaramdam siya ng hinanakit at galit dito pero pilit pa rin niyang kinimkim iyon at ipinagpatuloy ang buhay. Naghanap siya ng trabaho at nag-apply sa mga kumpanyang pinadalhan niya ng resume ngunit walang tumugon ni isa sa mga ito at palagi rin siyang hindi natatanggap sa mga kumpanyang pinuntahan niya. Sa pagkabigo niya sa paghahanap ng trabaho ay may suhestyon ang kaibigan niyang si Junel.
“Mahirap talagang maghanap ng trabaho ngayon, pare, kaya kung gusto mo, sumama ka na lang sa negosyo kong pagba-buy and sell ng mga lumang appliances sa bahay,” sabi ng kaibigan.
“Sige, pare, susubukan ko ‘yan,” sagot niya.
Lumipas ang ilang buwan, ‘di niya akalain na sa simpleng negosyong iyon ay umasenso siya.
“Salamat, pare. Kung ‘di dahil sa iyo ay hindi rin ako makakaahon at aasenso. Sa laki ng kinikita natin ay mabilis akong nakaipon,” tuwang-tuwa niyang sabi.
“Sabi sa iyo, eh, laway lang ang puhunan natin pero tumubo tayo nang lugaw,” tugon ng kaibigan.
Mabilis na lumago ang negosyo ng magkaibigan. Kung dati’y walang-wala si Bruce, ngayon ay hindi na niya problema ang pera. Hindi lang pagba-buy and sell ang pinasok niyang negosyo, nagtayo rin siya ng restaurant at coffee shop kaya mas lalo siyang sinuwerte.
Isang araw ay nagulat siya nang maabutan niya sa bagong tayo niyang bahay ang kapatid na si Lenard. Malungkot ito at tila may malalim na iniisip. Nang makita siya ay kinausap siya nito.
“K-kanina pa kita hinihintay’ tol. Mabuti at pinapasok ako ng maid mo dito sa iyong bahay. Asensado ka na talaga! Ang laki-laki nitong bahay mo at ang ganda pa. Nga pala, may gusto sana akong ipakiusap sa iyo,” wika ng kapatid.
“A-ano naman iyon, Kuya Lenard? T-teka, kumain ka na ba? A-ano’ng nangyari sa iyo? B-bakit ang payat-payat mo?” nag-aalala niyang tanong.
“Ako naman ang minalas sa buhay ‘tol. Nasapul kasi kami ng katakut-takot na problema, eh. Nalugi ang negosyo namin ng Ate Agnes mo kaya pati ang bahay ay naisanla na namin. Nagkataon pang tinamaan ng sakit na k*nser sa dibdib ang ate mo. Puwede raw agapan sabi ng doktor ngunit kailangan ng malaking halaga. Maaari ba akong makahingi ng tulong sa iyo? Manghihiram sana ako ng pera, ‘tol,” sagot ng kapatid.
Gusto sana niyang tikisin at paghigantihan ang kapatid dahil sa pang-aaping ginawa nito sa kanya ngunit mas nangibabaw pa rin ang matinding habag sa puso ni Bruce kaya tinulungan niya ang kapatid at binigyan ng perang kailangan nito para maipagamot ang hipag at puhunan sa bagong negosyong gusto nitong simulan. Labis ang pasasalamat nito sa kanya at humingi ng tawad sa mga ginawa nito sa kanya noon.
“Magka-dugo pa rin tayo, Kuya Lenard. Magkaiba man ang ating ina ay magkapatid pa rin tayo kaya sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo rin,” sambit ni Bruce sa isip habang nakatanaw sa papalayo niyang kapatid matapos niyang bigyan ng perang kailangan nito.
Piniling kalimutan ni Bruce ang galit at sama ng loob. Nagawa niyang magpatawad sa kabila ng mga nangyari noon dahil isa siyang mabuting tao at kapatid. Mas magaan nga naman sa pakiramdam ang pagtulong sa kapwa kaysa sa magtanim ng poot sa puso.