Sa Gitna ng mga Rehas ay May Pag-ibig na Nabuo; Matuloy Kaya ang Pag-iibigan ng Isang Preso at Isang Pulis?

Sa unang tingin, tanaw na ng karamihan si Andres na kinakatakutan ng lahat. Ang laki ng kaniyang katawan at ang tangkad na hindi mapantayan ng iba ang nagpasikat sa kaniya sa istasyon sa kanilang buong lalawigan. Isama pa rito ang kaniyang mabuhok na mukha at mabalbon na katawan. Wala nga ni-isa, lalo na sa mga preso, ang nais na makatitigan siya. Isang sita lamang niya ay tiyak na tatahimik ang lahat. 

Pitong taon na rin mula nang magsimulang magtrabaho si Andres bilang pulis. Kahit na dalawang taon na siyang tapos sa pag-aaral at nakapasa ng kaniyang pagsusulit, minabuti muna ni Andres na tulungan ang kaniyang ina sa pagtitinda nito sa palengke. At noong nagkasakit ito at nalugi ang kanilang tindahan, napilitan na si Andres na magtrabaho upang mabuhay silang mag-ina.

Kung sa istasyon ay kilala siya bilang matikas at kinatatakutan na pulis, sa mga mata ng kaniyang ina ay siya pa rin ang nag-iisa anak nito na iyakin. Lubhang malambot ang puso ni Andres para sa ina na iginapang siyang mag-isa mapagtapos lamang siya. Wala na kasi siyang ama dahil iniwan sila nito noong ipinagbubuntis pa lamang siya. At ngayon, laking pasasalamat ng kaniyang ina dahil lumaking mabuting tao si Andres kahit na wala itong kinalakihang tatay.

Isang hapon, tahimik ang istasyon dahil bantay na naman si Andres. Walang kaguluhan na nagaganap sa tuwing siya ang nakabantay sa istasyon. Nirerespeto siya ng lahat kahit na mga kasamahan niya. Bukod kasi sa kaniyang pangangatawan, marami na ang kaniyang mga naiambag at mga nahuhuling kr*minal na ang ilan pa ay bigatin. Kung kaya rin hindi nagtagal ay tumaas nang tumaas ang kaniyang ranggo. Lingid sa kaalaman ng lahat ang paparating na siyang magpapalambot sa puso ng matikas na pulis. 

Sa gitna ng katahimikan ay ang ngitngit at matining na boses ng isang babae habang pinupwersa itong pababain ng mga pulis sa sasakyan. Pilit nitong itinatanggi ang pagnanakaw umano ng tatlong de lata sa isang convenience store na ginawa naman talaga niya. Ilang ulit na kasi niya itong ginawa at ngayon ay nagpasiya na ang may-ari na ipakulong na siya nang tuluyan kung hindi ito magbabayad ng ilang libong piso. 

“Pinsan ko ang may-ari nun! Hindi naman niya ako pinapakulong eh? Saka isa pa, hindi naman talaga ako kumuha! Ano ba?! Bitawan mo nga ´ko!” pagpupumiglas ng babae sa mga pulis.

Hindi nagtagal, tumayo si Andres at dumiretso sa kinaroroonan ng matinis na boses. Napatigil ang lahat nang siya ay makita subalit patuloy pa rin na nagwawala ang babae. Hinawakan niya ito nang mahigpit sa mga braso at hinila pababa ng sasakyan at tuluyang pumasok sa loob ng istasyon. Habang naiwan naman ang mga pulis na nakasaksi kung paano nasaktan ang babae sa ginawa ni Andres. 

Sa loob ng istasyon, muling nagngingitngit sa galit ang babae. Doon nalaman niya ang mga impormasyon at ang kaso ng babae. Sa isip ni Andres, kayang kaya namang bayaran na lamang at hindi na kasuhan pa ngunit wala na rin siyang magagawa dahil iyon daw ang kagustuhan ng may-ari na pinsan pala ng babae.

Advertisement

Si Yumi ay dalawampu´t pitong taong gulang. Nang araw na iyon, siya ay nakasuot ng mahabang palda at kamisetang maluwag na kupas na rin. Suot niya rin ay tsinelas na isang piraso lamang. Tiningnan siya ni Andres mula ulo hanggang paa, maaawa na sana siya ngunit pinigilan niya nang may dumating na mga pulis at pinaupo ang babae upang hintayin ang kaniyang pinsan na nais siyang ipakulong. 

Maya maya lamang ay mayroon daw aksidente kung saan agad na rumesponde ang mga kasamahan ni Andres. Naiwan si Yumi at ang pulis sa istasyon. Habang tahimik ang lahat, nagmamasid si Yumi at maya’t maya ang tanong sa pulis. Hanggang sa hindi na napigilan ni Andres at ikinulong siya sa isang silid. Subalit sadyang makulit talaga ang babae at hindi pa rin tumigil ang kaniyang bunganga.

Muling nabanas si Andres at kumuha ng mga panlinis at ibinigay kay Yumi. Dinala niya ang babae sa kusina at inutusan itong maglinis. Kapalit daw ay babayaran niya ang may-ari ng tindahan na magpapatong sa kaniya ng kaso. Agad na tinanggap iyon ni Yumi at mabilis na naglinis sa kusina.

Matapos mawala ng babae sa kaniyang paningin at hindi na niya marinig ito, muling nagkaroon ng katahimikan sa loob ng istasyon. Sumapit na ang gabi at siya ay nagugutom na. Nagpabili siya ng kaniyang pagkain dahil matatagalan pa raw makabalik ang mga kasamahan niya upang palitan siya sa pagbabantay.

Pumunta si Andres sa isang lugar kung saan walang makakarinig sa kaniya. Doon, marahan niyang kinausap ang kaniyang ina upang ipaalam na hindi siya makakauwi nang maaga. Malambing at marahan ang mga salita nito na ibang iba sa kaniyang ipinapakita sa istasyon. Nang siya ay matapos, halos lumabas sa kaniyang dibdib ang puso nang makita ang mukha ni Yumi na nakasilip pala sa kaniya.

Kinulit siya nito at tinukso tukso. Ngunit hinila niya ang babae at pinagbantaan ito ng kung ano ano para lamang manahimik. Nagulat si Yumi sa kung anong maaaring gawin sa kaniya ng pulis. Mabilis siyang tumakbo at bumalik sa kusina na umiiyak dahil sa takot. 

Ilang sandali ang lumipas, natapos ni Andres ang kaniyang hapunan. Naisip niyang hindi pa pala kumakain ang babae at nakonsensiya rin sa kaniyang ginawa kanina. Nang makita niya ito, napaluha siya nang marinig na kinakausap ng babae ang larawan ng isang bata na hawak nito.

Humingi ng paumanhin si Andres at inalok niya ng pagkain si Yumi. Doon niya napag-alaman na may anak pala si Yumi na tatlong taong gulang. Wala siyang asawa dahil iniwan sila nito. Nabalot ng awa si Andres at paghanga kay Yumi dahil kitang kita niya ang ina sa buhay ng babaeng ito. 

Advertisement

Isang oras pa ang lumipas at bumalik na ang mga pulis. Wala na roon ang babae at tinulungan ni Andres na bayaran na lamang ang may-ari ng tindahan, na siyang pumayag naman. Nang gabi na iyon, hindi na nawala sa isip ni Andres ang babae. 

Isang tanghali, nakita ni Andres si Yumi na nagtitinda ng bulaklak sa may gilid ng simbahan. Katulad dati, binati siya nito ng isang malaking ngiti na nakakapagpagaan ng kaniyang damdamin. Simula noon, araw araw nang binibisita ni Andres si Yumi dahil gusto niyang makatulong sa babae. 

Hindi nagtagal, nagpasiya si Andres na kupkupin at pakasalan si Yumi upang magsilbing ama at asawa ng mag-ina. Buong puso namang tinanggap ni Yumi ang alok niyang kasal dito. Hindi niya akalaing sa kaniyang matikas na itsura ay may isang taong patuloy na lalapit sa kaniya upang pasiyahin at palambutin ang kaniyang matigas na puso.