Inday TrendingInday Trending
Hindi Makaalis ang Matanda sa Lugar na Iyon Dahil sa Pangako; Hanggang Kailan Siya Maghihintay?

Hindi Makaalis ang Matanda sa Lugar na Iyon Dahil sa Pangako; Hanggang Kailan Siya Maghihintay?

Awtomatikong gumilid si Tatay Ruben nang makita ang pasyenteng hila-hila ng mga doktor at nars papasok sa emergency room. Tinabi niya ang kaniyang gamit sa paglilinis para hindi maging balakid para sa mga ito.

“Ano’ng nangyari roon?” tanong niya sa isa sa mga nars.

“Naaksidente kasama ang anak. Nabangga ho ang sasakyan nila, at mukhang malala ang tama,” naiiling na pahayag nito.

Sumilip sa pintuang salamin. Hindi niya nakikita ang pasyente dahil napaliligiran ito ng mga doktor, ngunit alam niyang hindi ito pababayaan ng mga doktor.

Halos mag-aapat na dekada na siyang nagtatrabaho sa ospital na iyon bilang janitor. Ilang beses na rin siyang na-promote ngunit dahil hindi naman siya nakapag-aral ay mababang posisyon lamang ang kaya niyang abutin.

Gayunpaman ay masaya siya sa trabaho lalo na’t mababait ang mga taong nakapaligid sa kaniya at lubos ang paggalang sa kaniya ng bawat isa. Isa iyon sa mga rason kung bakit hindi niya maiwan-iwan ang ospital.

Ngunit ang pinakamabigat na rason ay dahil mayroon siyang pangakong nais tuparin. Ang pangako niya sa kaniyang pinakamamahal na kapatid.

Labing siyam na taong gulang lamang siya nang maulila silang magkapatid dahil sa pagpanaw ng kanilang ina.

Tatlong taong nanatili sa ospital ang kanilang ina bago ito tuluyang mawala sa kanila. Naiwan sa kanilang magkapatid ang mga utang, at wala siyang ideya kung paano nila mababayaran ang ospital.

Hanggang sa isang mag-asawa ang lumapit at may inialok sa kaniya.

“Ipaampon mo sa amin ang kapatid mo. Kung papayag ka, babayaran namin ang lahat ng utang na naiwan sa inyo.”

Noong una, natural ay hindi siya pumayag. Mahal na mahal niya ang nakababatang kapatid na si Sophia, at ito na lang naiwan niyang pamilya, ngunit kalaunan ay napagtanto niya rin ang katotohanan, na paulit-ulit ding idinuldol sa kaniya ng sitwasyon.

“Kapag nanatili siya sa poder mo, kailangan mong akuin ang lahat ng responsibilidad at pangangailangan niya. Kaya mo ba iyon? Pero kung papayag ka sa alok namin, mas magandang oportunidad ang maibibigay namin para sa kapatid mo. Makapag-aaral siya sa magandang paaralan, makakakain ng 3 beses sa isang araw, at marami pang iba. Kaya pag-isipan mong mabuti.”

Noon na siya naging reyalistiko. Tama ang mag-asawa. Bukod sa masyado pa siyang bata para maging responsable sa buhay ng iba, ni hindi nga siya nakapag-aral. Paano niya bubuhayin si Sophia?

Kaya kahit na mahirap ay pumayag siya. Tinotoo naman ng mga-asawa ang kanilang pangako at binayaran ang lahat ng utang nila.

Kasabay ng pagtubos niya sa katawan ng walang buhay nilang ina sa ospital ay ang pag-alis ni Sophia patungo sa ibang bansa.

Pilit niyang ipinaintindi sa kapatid kung bakit kailangan nilang magkahiwalay. Sa huli ay pinangakuan nila ang isa’t-isa na magkikita sila balang-araw sa lugar kung saan sila nagkahiwalay.

Kaya sa loob ng ilang dekada ay nanatili siya sa ospital na iyon. Hinihintay niya si Sophia, umaasang balang-araw ay darating din ang araw na magkikita silang muli. Umaasa siya na hindi nito nakalimutan ang pangako nila sa isa’t isa.

Nagulat siya sa malakas na anunsyo ng isa sa mga nars.

“May pasyente kami na kritikal. Kailangan niya ng dugo. B+. Kung sinuman ang may ganitong klaseng dugo ay magpunta sa emergency room sa lalong madaling panahon!”

Nanlaki ang mata ni Tatay Ruben nang marinig iyon. Alam niya kasi na bihira ang ganoong klase ng dugo lalo na’t minsan na ring nangailangan ng dugo ang kaniyang kapatid noong bata pa ito.

Ang sabi ng mga doktor ay swerte na pareho sila ng dugo dahil mahirap talagang maghanap ng mapagkukunan ng ganoong klase ng dugo.

Agad siyang nagtaas ng kamay.

“Pareho kami ng dugo! Magbibigay ako!”

Ilang minuto lamang ay nakahiga na siya sa kama at kinukunan ng dugo. Kitang-kita niya ang nag-iiyakan nitong pamilya nang malaman na maililigtas na sa panganib ang kanilang mahal sa buhay.

Abot-abot ang pasasalamat ng lahat sa kaniya.

Naglalakad na sana siya paalis nang mabangga niya ang isang lalaki. Tumilapon ang mga gamit nito. Agad siyang humingi ng paumanhin at tumulong dito para damputin ang mga gamit, ngunit natigilan siya nang makita ang isang pamilyar na kwintas. Nanginginig na binuksan niya iyon. Hindi siya nagkamali dahil nakita niya ang isang pamilyar na litrato.

Nanginginig niyang kinuha ang wallet at pinaghambing ang larawan doon at sa larawan na nasa kwintas.

Naluluhang hinarap niya ang nakabangga. Kita niya sa mukha nito ang pagkabigla habang nakatingin sa larawan na hawak niya.

“Litrato naming magkapatid ito. Alam mo ba kung nasaan siya? Kilala mo ba siya?”

Tumulo ang luha niya nang tumango ito. Sinundan niya ito hanggang sa makarating sa harapan ng kama ng isang natutulog na babae. Ang pasyenteng tinulungan binigyan niya ng dugo, ito pala ang kaniyang kapatid.

“Hindi ka po nakalimutan ni Lola. Palagi ka po niyang kinukwento sa amin. Ilang beses siyang bumabalik-balik sa ospital na ito pero hindi niya naman kayo nakita,” kwento ng binata.

Hinawakan niya ang kamay ng kapatid na matagal niya nang ninanais makitang muli.

Tila naramdaman nito ang kaniyang presensya dahil unti-unti nitong dinilat ang mata at nang magkasalubong sila ng tingin ay ngumiti ito. Bumakas ang rekognisyon sa mga mata nito.

“Kuya. Nandito ka na.”

Tumango siya. “Nandito na si Kuya at hindi na ako aalis.”

Alam nila pareho na natupad na ang kanilang pangako sa isa’t-isa. Panahon na upang bawiin nila ang ilang dekadang pagkakawalay.

Advertisement