Inakala Niya na Bumalik sa Pagbibisyo ang Kaniyang Nobyo; Ito Pala ang Ginagawa Ng Lalaki

Inakala Niya na Bumalik sa Pagbibisyo ang Kaniyang Nobyo; Ito Pala ang Ginagawa Ng Lalaki

InspiringMysteryStories

“Mga pare, alis na ako, ha. Uuwi ako nang maaga, kasi walang kasama si Mama sa bahay.” 

Napakunot noo si Carla nang magpaalam ang nobyo niya na si Benjie. Halos kasi hindi na nila ito nakakasama sa mga gala nila. 

“Aalis ka naman, Benjie? Halos hindi ka na namin nakakasama simula noong lumabas ka,” may bahid ng tampo na wika niya sa nobyo. 

“Sorry, Carla. Kailangan ako sa bahay, eh. Babawi ako sa’yo, pramis,” nagkakamot ng ulong turan nito. 

Kalalabas lamang nito noong nakaraang buwan mula sa rehabilitation center. Isang taon ito roon matapos itong malulong sa ipinagbabawal na gam*t. 

Subalit noong lumabas ito ay hindi naman din nila maramdaman ang presensya nito dahil parati itong may iba’t ibang dahilan para hindi makasama sa kanila.

Isang masamang hinala ang nabuo sa kaniyang isipan. Hindi kaya muling nalululong sa bisyo ang nobyo niya? 

Tatapunan niya pa sana ito ng tingin ngunit nakita niya na malayo na ito mula sa kanila. 

Ipinilig niya na lamang ang ulo at iwinaksi ang masamang hinala. Nais niya kasi na magtiwala kay Benjie. Alam niya na hindi na ito gagawa pa ng anumang ikasasama nito.

Ngunit bumalik ang pag-aalala niya nang makatanggap ng isang tawag. Mula iyon sa nanay ni Benjie. 

“Hello, Tita? Napatawag po kayo?” 

“Carla, kasama mo ba si Benjie? Kasi tine-text ko, hindi naman sumasagot,” bungad nito. Sa tinig nito ay mababakas ang pag-aalala. 

Doon niya nakumpirma ang hinala. Sinabi ni Benjie na uuwi ito sa bahay, ngunit bakit ito hinahanap na sarili nitong ina? 

Pinili niyang magsinungaling sa babae dahil ayaw niya na mag-alala ito. 

“Tita, kasama ko po si Benjie. ‘Wag po kayong mag-alala dahil maayos siya.” 

Nakahinga naman ito nang maluwag at agad ding nagpaalam. 

Dahil sa natuklasan niya mula sa ina ay isang palaisipan ang nabuo sa isip niya: saan pumupunta si Benjie sa t’wing nawawala ito?

Noon din ay nangako siya na aalamin niya ang sikreto ng kasintahan. Hindi niya ito naprotektahan noon, ngunit sisiguraduhin niya na hindi na ito mapapariwara pang muli ngayon. Ayaw niya na sayangin nito ang buhay nitong muli. 

Kaya naman nang sumunod na araw, nang magpaalam ito gamit ang iba na namang dahilan ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.

Palihim niyang sinundan ang nobyo.

Bumangon ang kaba sa dibdib niya nang matukoy ang tinutunton nito. Isang kilalang parke. Kalat na ang dilim subalit marami pa rin ang naroon upang mamasyal. May mangilan-ngilan ding pulis ang nagpa-patrol, marahil upang siguruhin ang kaayusan sa pasyalan. 

Ano ang ginagawa ni Benjie sa lugar na iyon? 

Nasagot ang katanungan niya nang tumungo ang lalaki sa isang madilim na parte ng parke. Kitang-kita niya nang lapitan nito ang isang kumpol ng mga batang kalye. Marusing ang mga bata at halatang napabayaan. 

“Kuya Benjie! Kuya Benjie!” tuwang-tuwang sigawan ng mga bata, na para bang matagal na itong kakilala ng mga bata. 

“Sorry, na-late si Kuya, ha? Pero marami akong dala para sa inyo,” anito bago inilabas ang kung ano na naka-plastik mula sa malaki nitong bag. 

Ang laman ng plastik ay iba’t ibang klase ng tinapay at inumin. Mayroon ding mga tsitsirya at maraming klase ng kendi. 

“Wow, ang sarap naman po nito, Kuya!” komento pa ng isang bata habang kumakain. 

“Hindi ba sabi ko naman sa inyo? Tutulungan ko kayo na makakain sa araw-araw, basta ba hindi na kayo babalik sa pagsinghot ng rugby sa t’wing nagugutom kayo. Mahirap kasing makawala doon kapag nasanay kayo. Sayang at ang babata n’yo pa,” paliwanag nito sa mga bata. 

Sabay-sabay naman na nagtanguan ang mga bata. 

“Heto, may mga kendi. Unti-untiin niyo lang kapag nagugutom kayo, nakakaalis din ng gutom ‘yan,” anito bago inabutan ng kendi ang mga bata na tuwang-tuwa. 

“Salamat po, Kuya Benjie!” sabay-sabay na bulalas ng mga bata. Bakas sa mata ng mga ito ang matinding ligaya dahil lang sa kakarampot na biyaya.

Hindi maiwasan ni Carla na mapaluha sa nasaksihan. 

“‘Wag kayong mag-alala, kapag may pera na ako, isasama ko kayo sa Jabilee, masarap ang pagkain doon,” nakangiting pangako nito sa mga bata. 

Muli ay kitang-kita niya ang pananabik ng mga bata. 

“Basta, tutuparin niyo ang pangako niyo kay Kuya Benjie, ha? Kahit anong mangyari, kahit sino’ng mag-alok sa inyo, kahit gutom na gutom kayo, hindi kayo babalik sa pagra-rugby. Maliwanag ba?” 

“Opo, pangako po, Kuya!” 

Iyon lang at nagpaalam na ito sa mga bata. 

“Babalik ulit ako rito bukas,” pangako nito. 

Nang pumihit ito patalikod sa mga mata ay nagtama ang paningin nila. Dahan-dahan itong naglakad palapit sa kaniya. 

Inaya siya nitong umupo sa isa sa mga sementong upuan. Marahil ay nahinuha nito na may mga katanungan siya na nais masagot. 

“Nung lumabas ako sa rehab, ito ang una kong ginawa. Naisip ko kasi na ang swerte-swerte ko. Nabigyan ako ng pagkakataon na mabuhay ulit nang normal. Pero ‘yung mga batang ‘yun, hindi sila kagaya ko. Walang mga magulang na sasagip sa kanila. Pakiramdam ko ay sa akin lang sila umaasa. Kaya sorry, hindi ko sinabi sa’yo. Pero ito ang dahilan kaya parati akong nawawala noong mga nakaraang araw,” mahabang litanya nito. 

Hinawakan niya ang kamay ng nobyo.

“Wala kang dapat ipag-alala. Susuportahan ko ang napakagandang hangarin mo, Benjie,” aniya sa lalaki. 

Sinuportahan niya si Benjie sa bago nitong adbokasiya. Kadalasan ay nakikipag-ugnayan sila sa mga social worker upang matulungan ang mga batang kalye na lulong sa ipinagbabawal na gam*t. 

Kay ganda ng aral na nakuha ni Benjie mula sa madilim na bahagi ng kaniyang buhay. Bagkus kasi na manatili sa madilim na parteng iyon, sinubukan niya na makita ang liwanag. 

At naging daan iyon upang magbigay liwanag din siya sa mga kasalukuyan pa ring nangangapa sa dilim.

More Stories