
Kinupkop ng Ginoo ang Pamangkin nang Maulila Ito; Ito ang Isusukli ng Binata sa Kaniya
“Kaawa-awang bata. Nasawi na nga ang kaniyang ina sa panganganak sa kaniya, ngayon naman ay nadisgrasya naman ang kaniyang ama. Paano na kaya mabubuhay ‘yang si Dodong?” sambit ng isang babae sa kasama nito habang pinagmamasdan nila ang batang lumuluha sa tapat ng kabaong ng nakahimlay na ama.
“May mga kapatid pa naman ang mga magulang niyan. Malamang ko ay kukupkupin naman siya ng mga ‘yun. May mga kaya rin naman ang kapatid niyang si Baldo. Kayang kaya nilang tustusan ‘yang si Dodong,” saad naman ng isang babae.
Ngunit sa hinagap ay hindi pa naiisip ng batang si Dodong ang magiging buhay niya ngayong wala na ang kaniyang ama. Sa ngayon ay nais lamang niyang makasama sa huling pagkakataon ang kaniyang Tatay Baldo.
Hindi pa man naililibing si Mang Baldo ay nagtipon-tipon na ang kaniyang mga kapatid at kamag-anak para pag-usapan ang magiging buhay ni Dodong.
“Hindi siya p’wede sa amin. Baka mamaya ay siya pa ang maging dahilan ng paghihiwalay namin ng asawa ko. Hindi siya matatanggap ni Greg sa bahay namin,” saad ng bunsong kapatid ni Badong na si Carla.
“Lalong hindi p’wede sa amin ang batang iyan. Intsik ang pamilya ng asawa ko. Baka sabihin nila ay may dala pa akong malas sa bahay namin,” saad naman ni Sandra, pangalawa sa bunso.
“Magbibigay na lang ako ng pera pero hindi ko p’wedeng kunin ang buong responsibilidad sa batang iyan. May mga anak din ako na kailangan kong pagtuunan ng pansin at atensyon,” saad naman ng isa pang kapatid.
Halos lahat ay nagtuturuan kung sino na ang mangangalaga sa bata. Nakakadismaya dahil pawang may magagandang buhay ang mga ito. Ngunit ayaw nilang saluhin ang responsibilidad kay Dodong.
“Hindi naman natin p’wedeng pabayaan na lang si Dodong. Kung ayaw niyo na ampunin siya ay dalhin na lang natin sa bahay-ampunan! Doon ay mas maalagaan siya. Makakahanap siya ng pamilyang tunay na mag-aaruga sa kaniya,” suhestiyon pa ng isang kaanak.
Habang nagtuturuan ay bigla na lamang nagsalita ang panganay na kapatid ng ina ni Dodong na si Mang Toryo.
“Ako na lang ang kukupkop sa bata kaysa ipamigay niyo siya,” saad ng ginoo.
“Kung nagpupumilit ka ay kunin mo. Magpapadala na lang kami ng pera para suportahan kayong dalawa. Hindi ba sa riles ka lang ng tren nakatira at isa ka lang construction worker? Makakatulong ang ipapadala naming pera para may panggastos kayo araw-araw,” pagmamalaki pa ni Carla.
Nang mailibing si Mang Badong ay agad na kinupkop ni Mang Toryo ang pamangkin.
Walang pamilya si Mang Toryo. Hindi na ito nakapangasawa pa dahil sa hirap ng buhay. At dahil din sa sinapit ng kaniyang kapatid ay hindi na rin siya nag-asam pa na magkaroon ng sariling pamilya. Kaya ibinuhos na lamang niya ang lahat ng pagmamahal sa pamangking si Dodong.
“Pasensya ka na at maliit lang itong bahay ko. Pero sisiguraduhin ko naman sa iyo na gagawin ko ang lahat para maibigay ang pangangailangan mo. Nakakatuwa ka at kamukhang-kamukha mo ang nanay mo. Naaalala ko tuloy siya sa iyo,” saad ni Mang Toryo kay Dodong.
Hindi naging madali para kay Mang Toryo na kunin ang loob ni Dodong lalo pa at dumaraan ito sa matinding kalungkutan. Ngunit nanatili lamang ang ginoo sa tabi ng bata hanggang sa pinagkatiwalaan na ni Dodong ang tiyuhin.
Tulad naman ng pangako ng mga kapatid ng ama ay nagpapadala ng pera ang mga ito upang makatulong sa mga pangangailangan ni Dodong. Ngunit panandalian lamang ito. Kaya kailangan pa ring magbanat ng buto ng mag tiyuhin para sila ay mabuhay.
“Hindi na ako mamamasukan sa construction. Dito na lang ako sa bahay at magkukumpuni ng mga sirang gamit. Kahit paano naman ay may alam rin ako sa elektroniks. Nababantayan na kita’y kumikita pa ako,” saad ni Mang Toryo sa pamangkin.
Nakapagtapos man ni Mang Toryo si Dodong hanggang hayskul ay hirap na siyang paaralin ito ng kolehiyo.
Hanggang sa may nag-alok kay Dodong na mangibang bansa upang maging isang dyanitor. Dahil salat nga sa buhay ay kinailangang manghiram sa mga kamag-anak itong si Dodong para sa pag-aayos ng kaniyang mga papeles. Sa bawat kamag-anak na kaniyang puntahan ay puro sermon at pangmamaliit pa ang kaniyang inaabot. Ngunit ni isa man lang sa mga ito ay hindi nag-abot ng tulong.
Ginawan na lamang ni Mang Toryo ng paraan. Nangutang siya kung kani-kanino. Nagbenta ng ilang mahahalagang gamit para lang matupad ang pangarap ng pamangkin na makapag-ibang bansa.
“Tandaan n’yo po, tiyo, iaalis ko po kayo sa hirap! Pangako ko po ‘yan,” sambit ni Dodong sa sa tiyuhin.
“Huwag mo na akong alalahanin, Dodong. Sanay ako sa hirap. Ang isipin mo ay ang sarili mo. Mag-ipon ka nang sa gayon ay mag-iba ang takbo ng buhay mo. Bumalik ka sa pag-aaral dahil iyan ang susi para magkaroon ka ng magandang kinabukasan,” payo pa ni Mang Toryo.
Sa pag-alis ni Dodong patungong ibang bansa ay baon niya ang pag-asang isang araw ay matulungan din niya ang tiyuhin. Kaya lalo siyang nagsumikap para maabot ang pangarap na ito.
Isang araw ay tumawag si Dodong sa kaniyang tiyuhin upang ibalita na umalis na siya sa pagiging dyanitor sa kompanyang kaniyang pinapasukan.
“Inalok po ako ng kasamahan ko na maging boy sa barko. Mas maganda raw po kasi ang sahod doon. Huwag po kayong mag-alala sa akin dahil lehitimo naman po ang papasukin ko, tiyo,” saad pa ng binata.
“Basta lagi kang mag-iingat, Dodong. Kapag nakaipon ka na ay bumalik ka na dito sa Pilipinas at ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral,” wika ng tiyuhin.
Laging ipinagmamalaki ni Mang Toryo ang nararating sa buhay nitong si Dodong.
Makalipas ang dalawang taon ay umuwi si Dodong ng Pilipinas para magbakasyon. Sa pamilihan ay nagkita sila ng kaniyang tiyahing si Carla.
“Balita ko ay sa barko ka raw nagtatrabaho? Ano naman ang posisyon mo doon? Taga-kiskis ng kalawang?” natatawang pangmamaliit ng tiyahin.
Imbes na mainis ay sinang-ayunan na lamang ito ng binata.
“Opo, ‘yun nga po ang trabaho ko. Masaya na po ba kayo?” walang kagatol-gatol na sagot ng binata.
Napataas ng kilay itong si Carla dahil hindi niya akalain na sasagutin siya nang ganoon ng pamangkin.
“Nakarating ka lang sa ibang bansa ay akala mo na kung sino ka! Tama lang na hindi ka namin inampong magkakapatid dahil wala kaming mapapala sa iyo. Bukod sa hambog ka ay bastos ka pa! Tingnan natin kung saan ka pupulutin!” inis na sambit ng ginang.
Ngunit lalong pinatunayan ni Dodong ang kaniyang sarili. Hindi siya pumayag na basta na lang siyang laitin ng mga kamag-anak ng ama.
Pagbalik ni Dodong sa barko ay lalo niyang ginalingan ang kaniyang trabaho. Desidido na siyang makaipon upang sundin ang payo ng kaniyang Tiyo Toryo na makapag-aral ng kolehiyo.
Ngunit ang hindi alam ni Dodong ay labis siyang inoobserbahan at pinagmamasdan ng kapitan ng barko. Tuwang tuwa sa kaniya ang banyaga dahil sa liksi niyang kumilos at sa pagkapulido ng kaniyang trabaho. Dahil sa napahanga niya ang kapitan ay inalok siya nitong mag-aral upang sa hinaharap ay maging isang ganap din siyang kapitan ng barko.
Hindi na nagdalawang-isip pa si Dodong at sinunggaban niya ang alok ng kapitan. Hindi niya ito ipinaalam sa kaniyang tiyuhin. Nais niyang maging surpresa ang lahat.
Apat na taong nanatili sa ibang bansa si Dodong. Pag-uwi niya sa Pilipinas ay niyaya niya ang kaniyang tiyuhin na umalis sandali.
“Akala ko ba ay sandali lang ang bakasyon natin? Bakit tila ang dami nating dala? Parang hindi na tayo uuwi sa bahay natin!” pabirong sambit ni Mang Toryo sa pamangkin habang lulan ng taxi.
“Tiyo, kaya halos dala n’yo na ang mahahalagang gamit ninyo ay dahil uuwi na nga tayo sa bahay natin,” saad naman ni Dodong.
Nagugulumihanan pa rin ang matanda hanggang sa huminto ang taxi sa harap ng isang magarang bahay.
“Tiyo, ito na po ang pangako ko sa inyo. Tinupad ko na po. Binili ko po ang bahay na ito upang dito na po tayo tumira,” saad ni Dodong sa matanda.
Nangingilid ang luha ni Mang Toryo habang hindi makapaniwala sa sinasabi ng pamangkin.
“Saka may isa pa po akong regalo sa inyo. Hindi po ba’t tinupad ko na ang pangarap ko na bigyan kayo nang maayos na buhay? Itong ibibigay ko naman po ay pagtupad naman ng pangarap n’yo,” sambit ni Dodong sabay abot ng isang sobre.
Dahan-dahang binuksan ni Mang Toryo ang sobre. Nang makita niya ang laman nitong diploma at ang larawan ng pagtatapos ni Dodong ay hindi na niya naiwasan pang umagos ang kaniyang mga luha dala ng labis na kasiyahan.
“Binigyan po ako ng iskolasyip ng isang kapitan sa barko. Siya rin po ang humubog sa akin upang mapunta po ako sa posisyon ko ngayon. Isa na rin po akong kapitan ng barko, tiyo. At lahat ng ito ay natupad nang dahil sa pagtanggap at pagmamahal na ibinigay n’yo sa akin!” hindi na rin naiwasan pa ni Dodong ang maluha sabay yakap sa tiyuhin.
Kumalat ang balita na binilhan ni Dodong ng malaking bahay at sasakyan ang kaniyang Tiyo Toryo. Nagulat ang mga kamag-anak ng kaniyang ama sa sinapit ng magtiyuhin. Wala kasing nag-akala sa kanila na maghahatid ng swerte itong si Dodong sa buhay ni Mang Toryo.
Para kay Dodong, ibinabalik lang niya ang lahat ng pagmamahal, sakripisyo, at pag-aaruga na ginawa ni Mang Toryo noong siya ay wala nang mapuntahan. Kahit na salat kasi sa buhay ang matanda ay hindi ito nagdalawang-isip na kupkupin ang ulilang si Dodong at ituring na para niyang sariling anak.