Inday TrendingInday Trending
Itinuring na Hibang ang Bilyonaryong Ginoo dahil sa Kakaibang Pangarap Niya; Bandang Huli’y Nakamit pa rin Niya ang Inaasam

Itinuring na Hibang ang Bilyonaryong Ginoo dahil sa Kakaibang Pangarap Niya; Bandang Huli’y Nakamit pa rin Niya ang Inaasam

Magaling, tanyag, at ubod ng yaman – gan’yan ilarawan ng maraming tao ang bilyonaryong si Don Marcelo Salcedo. May-ari siya ng ilang malalaki at sikat na kompanya hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi pati na rin sa iba’t ibang bansa.

Marami nga ang nagsasabi na sa yaman daw ng ginoo ay kaya niyang buhayin ang ilan pang henerasyon ng kaniyang pamilya.

Halos gabi-gabi ay walang patid ang mga pagdiriwang at salu-salo sa mansyon ng mga Salcedo. Maraming kilala at mayayamang tao ang dumadalo sa magarbong handaan na ito.

Ngunit sa pagtagal ng panahon ay kapansin-pansin na tila may gumugulo sa isipan ng mayamang ginoo.

“Don Marcelo, may hindi po ba kayo nagugustuhan sa salu-salong ito?” pagtataka ng kanang kamay nitong si Juan nang mapansing may malalim na iniisip ang amo.

“W-wala naman, Juan. Sa katunayan ay maayos ang pagkakagayak sa salu-salong ito. Ngunit tila may bumabagabag sa akin, pero hindi ko matukoy kung ano. Bigla na lang parang may kulang sa buhay ko. Parang may nais akong gawin pero hindi ko masabi kung ano,” tugon naman ng don.

“Sa yaman niyong iyan ay hindi ko akalaing may kulang pa sa buhay n’yo. Nariyan naman ang inyong asawa at mga anak. Magkakaroon na rin po kayo ng apo. Masagana ang inyong pamumuhay at nasa inyo na ang lahat ng kailangan n’yo. Ano pa po ba ang kulang?” tanong pa ni Juan.

“Hindi ko talaga alam, Juan. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Siguro ay pagod lang ako at kailangan ko nang magpahinga. Pupunta na ako sa aking silid at ikaw na ang bahala sa party na ito,” bilin pa ni Don Marcelo.

Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Don Marcelo sa pag-iisip. Binalikan niya ang kaniyang buhay. Ang mga magagarbong salu-salo, mga magagarang sasakyan at naglalakihang mansyon, ang kaniyang hindi na mabilang na mga alahas. Ngunit hindi pa rin niya alam kung ano ang kulang.

“Napakalaki ng pera ko sa bangko at napakarami kong pagmamay-ari. Sa katunayan ay hindi ko nga kayang ubusin ang yaman ko kahit na araw-araw pa akong magpaparty sa mansyon.”

Inabot na ng umaga si Don Marcelo at hindi pa rin siya makatulog. Maaga na siyang gumayak upang magtungo sa kaniyang opisina.

“Parang hindi po kayo nakatulog nang maayos, Don Marcelo. Sigurado po bang ayos lang kayo?” tanong ni Juan.

“Ayos lang ako, Juan. Buong gabi ko kasing inisip kung ano ba talaga ang bagay na hinahanap ko,” tugon ng mayamang ginoo.

Dahil mabigat ang daloy ng trapiko ay pinili na lamang ni Don Marcelo na maglakad patungong opisina.

“Don Marcelo, delikado po sa inyo ang maglakad nang mag-isa. Sasamahan ko po kayo,” sambit ni Juan.

“Ako na ang bahala sa sarili ko, Juan, magkita na lang tayo sa opisina. Kailangan ko lang ng kaunting panahon para makapag-isip,” wika pa ng don.

Sa kaniyang paglalakad ay nakasalubong ni Don Marcelo ang ilang batang lansangan. Naobserbahan niya saglit ang buhay ng mga pamilyang wala man lamang masilungan sa gabi o hindi naman kaya ay kapag umuulan.

Doon na nagsimulang mapagtanto ni Don Marcelo ang lahat. Agad siyang bumalik ng opisina upang sabihin ang isang balita. Ibinilin niya kay Juan na ipatawag ang kaniyang buong pamilya.

“Bakit ba ipinatawag mo pa kami ng mga anak mo, Marcelo? Maayos naman ang takbo ng mga kompanya natin. Ano pa ba ang kailangan mo?” tanong ng misis ni Don Marcelo.

“Kagabi ay hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko. Kung bakit habang pinagmamasdan ko ang magarbong salu-salo sa ating mansyon ay parang may kulang sa akin. Ngayon ay alam ko na. Mayroon akong bagong pangarap. Pangarap kong maging isang mahirap,” sambit ni Don Marcelo.

Halos malaglag sa kinauupuan ang mga tao nang marinig nila ito kay Don Marcelo.

“Dad, ano ba ang nangyayari sa inyo? May sakit po ba kayo?” tanong ng panganay na anak ng don.

“Tigilan mo ang mga sinasabi mong ‘yan, Marcelo! Hindi ako natutuwa sa iyo! Anong gusto mong maging mahirap? Walang nais na maging isang mahirap! Kahit ang mga mahihirap ay ayaw nila ang kanilang kinalalagyan!” bulyaw ng misis nito.

“Hindi n’yo ako naiintindihan. Buong buhay ko ay wala akong ginawa kung hindi magpayaman. Ginawa ko ito para siguraduhin na ang pamilya natin ay hindi makakaranas ng hirap. Ngunit labis akong naging makasarili at gahaman. Ngayon, nais kong ibalik sa mahihirap ang biyayang mayroon ako. Simula ngayon ay malaking halaga ng ating kayaman ang ibibigay ko para tumulong sa mga mahihirap. Kung sino man ang pipigil sa akin ay mawawalan ng karapatan sa lahat ng pag-aari ng ating pamilya!” mariing sambit ni Don Marcelo.

Tutol man ay wala nang nagawa ang mag-iina ni Don Marcelo.

Nang araw ding iyon ay ipinatawag ni Don Marcelo ang ilang tauhan para pamunuan ang isang foundation na layon na tulungan ang mga mahihirap na pamilya. Magbibigay sila ng libreng gamot, pagkain, at pabahay. Pag-aaralin nila ang mga batang lansangan at bibigyan ng kabuhayan ang mga magulang nito.

Sa tingin ng marami ay nahihibang na itong si Don Marcelo. Maraming kasosyo niya sa negosyo ang tutol din sa ginagawang ito ng ginoo. Isa-isa nang nag-alisan ang mga ito sa takot na pati sila ay madamay sa kabaliwang ginagawa nito.

“Paggising mo isang araw ay pagsisisihan mo ang ginagawa mong paglustay ng kayamanan natin para sa mga walang kwentang tao na ‘yan! Hindi mo man lang inisip ang mga anak mo at ang mga apo natin. Anong klase kang tao?!” sambit ng misis ni Don Macelo.

“Ang paglulustay ng pera ay ‘yung paggamit ng pera sa mga walang kwentang mga bagay. Alam mo ba na ang mga salu-salo na ginaganap lagi sa ating mansyon ay kaya nang magpakain ng isang libong tao? Kailan ka kaya matatauhan na ang tunay na halaga ng kayamanan na mayroon tayo ay kung naibabahagi mo ito sa mga taong nangangailangan?!” tugon naman nito.

Dahil sa mga desisyong ito ni Don Marcelo ay nakipaghiwalay na sa kaniya ang kaniyang asawa. At dahil naaayon sa batas ay kinuha ng ginang ang kaniyang parte sa kayaman. Maging ang kaniyang mga anak ay tinalikdan siya dahil sa kaniyang mga desisyon.

Sa puntong iyon ng buhay ni Don Marcelo ay nawawalan na siya ng pag-asa. Hindi naman kasi niya pababayaan ang kaniyang mga anak na maghirap. Ngunit hindi sang-ayon ang mga ito na ipamigay ang kanilang yaman.

Hanggang sa isang kumpadre ang lumapit sa kaniya at nagbigay ng malaking halaga.

“Itulong mo ang perang iyan sa mga mahihirap. Hindi man kasing laki ng pera mo ang naiambag ko, nawa’y kahit paano ay may naiambag din akong kabutihan sa mundo,” saad ng kaibigan.

Nang malaman ito ng ilan pang kaibigan niyang mayayaman ay marami ang nagdonate sa kaniya ng pera. Sa loob ng dalawang dekada ay nabuhay ang foundation at maraming tao ang natulungan at patuloy na tinutulungan nito.

Dahil na rin sa katandaan ay tuluyan nang yumao si Don Marcelo. Ni wala man lamang ang mga anak sa kaniyang tabi nang siya ay magpaalam sa mundong ito.

Ngunit sa burol ng Don, halos hindi magkamayaw ang mga taong nais makiramay at magbigay ng huling respeto sa lalaking nagpabago ng buhay ng mga mahihirap.

Libu-libong mga pamilya ang natulungan ni Don Marcelo upang makaahon sa kahirapang kinasasadlakan.

Kinilala si Don Marcelo sa buong mundo dahil sa kadakilaan na kaniyang ginawa. Dahil sa kabutihang ito ay maraming mayayaman ang kaniyang napahanga at sinundan ang kaniyang yapak.

Tunay kasi na hindi naman nila madadala ang yaman sa kabilang buhay. At ang lahat ng pera na iyong pag-aari ay walang halaga kung hindi mo ito magagamit sa mabuti.

Sa pagyao ni Don Marcelo ay tuluyan na niyang natupad ang kaniyang pangarap na maging isang mahirap dahil ultimo huling sentimo ng kaniyang yaman ay iniwan niya para sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Advertisement