
Kinantiyawan ng Ginoo ang Dating Kaklase nang Makitang Tindero Ito sa Palengke; Mapapahiya Siya Kinalaunan
Sakay ng kaniyang sasakyan ay nagmaneho pauwi ng probinsya ang inhinyerong si Rodel kasama ang kaniyang asawang si Marie para asikasuhin doon ang lupang kanilang ibebenta. Pupuntahan nila ang kaibigang si Oscar sapagkat may nais daw bumili ng naiwan nilang ari-arian sa lugar.
Matagal na kasing walang nakatira sa dati nilang bahay at napagpasyahan ni Rodel at ng kaniyang mga kapatid na ibenta na lamang ito at kanilang paghatian.
Hindi na makapaghintay na makauwi itong si Rodel. Mag-iisang dekada na rin kasi simula noong huli siyang makauwi sa probinsiya. Nasasabik siyang ikwento at ipakita sa kaniyang asawa ang lugar kung saan siya lumaki.
“Ipapakilala rin kita sa mga kamag-anak namin doon. Gusto ko rin sanang puntahan ang ilan naming kaibigan para naman mag kumustahan kami. Pero sigurado akong magugulat sila sa katayuan ng buhay ko. Ibang-iba na kasi ang buhay ko ngayon kaysa noong mga bata pa kami. Kaya pinilit ko talagang makapagtapos nang may karangalan para makapag-aral ng kolehiyo sa Maynila,” kwento ng ginoo sa kaniyang misis.
“Ibig mong sabihin ay nakapagtapos ka nang may unang karangalan sa inyong klase? Nakapagaling naman pala ng asawa ko!” sambit naman ni Marie.
“Hindi. Lagi lang akong pangalawa. May isa akong kaklase na kahit anong gawin ko ay hindi ko matalo-talo. Lagi na lang siyang nangunguna sa klase. Nakakainis nga, e. Hindi ko makakalimutan ang pangalan niya. Kumusta na kaya ‘yung si Lito Ramos? Ano na kaya ang buhay niya ngayon?” pahayag muli ni Rodel.
“Hayaan mo na ‘yang si Lito Ramos na ‘yan. Ang mahalaga ay maganda na ang buhay mo ngayon. Isa kang magaling na inhinyero, may sariling bahay at kotse at may magandang asawa!” biro pa ng misis nito.
Habang papalapit sa destinasyon ay naisipan ni Rodel na dumaan muna ng palengke.
“Bumili muna tayo ng mga p’wede nating iluto sa bahay nila Oscar. Pakitaan mo sila ng husay mo sa pagluluto, mahal. Bibili rin ako ng iba pang maihahain natin doon para hindi naman nakakahiya,” saad ni Rodel sa kaniyang misis.
Habang nag-iikot sa palengke ay nakita ni Rodel ang isang pamilyar na mukha. Walang iba kung hindi ang dating katunggali sa unang karangalan sa paaralan na si Lito Ramos. Nagtitinda ito ngayon ng mga karneng baboy at baka.
“Lito Ramos? Ikaw ba ‘yan? Ako ito, si Rodel Soriano! Hindi mo na ba ako natatandaan?” bati ng ginoo.
“Rodel! Ikaw na pala ‘yan. Hindi na kita nakilala dahil kapita-pitagan na ang porma mo ah! Kumusta ka naman? Bakit parang naligaw ka yata rito?” masayang bati naman ng dating kaklase.
“Ito, isa na akong inhinyero. Nakapag-abroad na rin. Ito nga pala ang asawa ko, si Marie. Nandito kami ngayon dahil may kailangan lang asikasuhin. Ikaw? Kumusta naman ang buhay mo? Saan na nakarating ang mga medalya mo?” natatawang kantiyaw ni Rodel.
Bahagyang nahiya itong si Lito sa sinabi ng dating kaklase.
“Ito, nagtitinda ng karne ng baboy at baka rito sa palengke. Buti ka pa, nakatapos ka ng pag-aaral. Ako kasi, hindi na. Ang hirap ng buhay noon. Nagkasakit pa ang mga magulang ko kaya kailangan ko talagang kumayod,” paliwanag naman ni Lito.
“Kinukwento nga kita rito sa asawa ko. Hindi kako kita matalo-talo pagdating sa katalinuhan. Pero akalain mo nga naman. Wala pala talaga sa dami ng medalya ang magiging kapalaran mo sa hinaharap. Hindi ko akalain na dito lang kita matatagpuan. Ang dati naming first honor ay nagsisibak na lang mga karne ng baboy at baka. Ngayon ko lang nalaman na kailangan pala na first honor ka para lang makapaghiwa ka ng karne,” walang tigil sa pangangantiyaw ang ginoo.
Napayuko lamang si Lito. Biglang naging maliit ang kaniyang tingin sa sarili.
“O siya, pare, kailangan na naming umalis. Saka baka mamaya ay matalamsikan pa ng dugo itong mamahalin kong polo. Maiwan na kita riyan at maghiwa ka na muli ng paninda mo,” wika ni Rodel habang pinipigilan ang kaniyang tawa.
Hindi pa man nakakalayo ng p’westo sa palengke ni Lito ay walang habas ang pagtawa ni Rodel habang nakikipag-usap sa kaniyang asawa.
“Ayos lang pala na hindi ko siya maungusan kasi baka kung ako ang nagkamit ng unang karangalan ay baka tindero lang ako ng karne dito sa palengke. Natatawa ako dahil hindi ko akalain na ganyan lang pala ang kahihinatnan ng buhay niya. Magkaibang-magkaiba sa nangyari sa akin. Talagang hindi mo aakalain ang buhay, ano? Mabuti na lang ay pinilit kong magtapos ng pag-aaral ng kolehiyo sa Maynila,” pagmamalaki pa ni Rodel.
Tumuloy na ang mag-asawa sa pagpunta sa bahay ni Oscar. Malugod naman silang pinatuloy ng kaibigan.
“Naku, nag-abala pa kayo. Kami na lang ang magluluto nito para hindi na kayo maabala pa,” wika ni Oscar sa mag-asawa.
“Talagang pinaghandaan ng misis ko ang pagluluto ng pagkain natin!” saad naman ni Rodel.
“O siya, tatawagin ko na lang ang kumare n’yo nang tulungan itong si Marie sa pagluluto sa kusina,” dagdag pa ng ginoo.
Habang nagluluto ang mga ginang sa kusina ay pinag-usapan na ng dalawang ginoo ang ibinebentang lupa.
“Mamayang hapon na tayo pupunta doon sa gustong bumili ng lupa mo. Sigurado naman daw siyang bibilhin niya! Sa katunayan nga ay hindi na tumawad pa. Matutuwa ka kapag nakilala mo kung sino!” sambit muli ni Oscar.
Panandaliang nagsalu-salo sa hapagkainan muna ang dalawang mag-asawa.
Nang bandang hapon ay sinamahan na ni Oscar sina Rodel at Marie sa bahay ng bumibili ng lupa.
“Napakalaking bahay naman nito, pare. Hindi ko matandaan na may ganitong kalaking bahay at lupa dito sa bayan natin! Sino ba talaga ang gustong bumili ng lupa namin?” pagtataka ng ginoo.
Ilang sandali pa ay nagulat ang mag-asawa nang lumabas sa pinto ng malaking bahay na iyon si Lito, ang dating kaklase ni Rodel.
“L-Lito? Huwag mong sabihin sa akin na ikaw ang may-ari ng napakalaking bahay na ito?” gulat na wika ni Rodel.
“Ako nga ang may-ari ng bahay na ito. Huwag mo ring sabihin sa akin na ikaw ang may-ari ng bibilhin kong lupa?” tanong naman ni Lito.
“Sabi ko na at magkakagulatan kayo e! Alam ko kasing dati kayong magkaklase. Alam mo kasi, Rodel, itong si Lito ay ubod ng yaman nitong taong ito. Pero hindi mo lang mahahalata sa kaniya kasi tingnan mo naman at napakasimple ng gayak niya. Pero napakaraming pag-aaring p’westo niyan sa palengke. Hindi lang dito sa bayan natin kung hindi sa iba’t ibang lugar din. P’wede na ngang hindi magtinda ‘yan dahil bukod sa negosyo niya sa palengke ay may malaking taniman din ‘yan! Nakakatuwa, ano? Napakagaling talaga ng taong ito!” kwento po ni Oscar.
Halos kainin na ng lupa sa sobrang kahihiyan itong si Rodel. Hindi niya kasi akalain na ang hinahamak pala niya kanina sa palengke ay isang taong higit pa ang yaman sa kaniya.
“Hindi lang nasusukat ang kapalaran ng tao sa kung ano ang tinapos niya sa pag-aaral. Kahit na hindi ako nakatungtong ng kolehiyo ay hindi ko naman hinayaang hindi matupad ang pangarap kong magbigay ng magandang buhay para sa aking pamilya. Sa kabila ng ginawa mo sa akin ay nais ko pa ring bilhin ang lupa na ibinebenta mo, Rodel at cash ko itong babayaran sa iyo,” saad naman ni Lito.
Hindi na makatingin nang diretso si Rodel sa dating kaklase. Humingi na lamang siya ng kapatawaran sa lahat ng kaniyang nasabi noong umagang iyon.
Natutunan ni Rodel sa pagkakataong iyon na hindi kailanman tama ang manghusga ng sinuman.