
Laki sa Hirap ang Lalaki Ngunit Nagsumikap Siya at Kinagiliwan ng Marami; Nagbago ang Kaniyang Ugali nang Magtagumpay sa Buhay
Isang kahid, isang tuka kung maituturing ang pamilya nina Randy. Sa kanilang pitong magkakapatid, siya ang bunso at ang natatanging nakamana ng pagiging masipag ng kanilang ama na si Mang Istan. Nabuhay sila bilang isang malaking pamilya na ang ikinabubuhay ay pamumulot sa basurahan kung saan sila ay nakatira.
Tulad ng karamihan sa lugar, ang kanilang bahay ay pinagtagpi-tagping yero, mga lona, at plastik na kanilang napulot sa tambakan ng basura. Maging ang kinakain nila ay ang tinatawag na pinagpag. Sa madaling salita, mga tira-tirang pagkain na itinatapon sa tambakan. Huhugasan lamang iyon ng kanilang ina at muling iluluto upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang gutom.
Sapat na rin sa pambigas at pambili ng tubig ang kinikita ni Mang Istan. Habang ang kuryente naman nila ay iligal nilang ikinakabit sa poste para lamang magkaroon sila ng ilaw tuwing sasapit ang dilim. Kaakibat niya sa pamumulot ay ang kaniyang labing dalawang taong gulang na bunsong anak na si Randy. Ang mahirap na pamumuhay na ito ang naging inspirasyon ni Randy upang mas magsumikap na maiahon sa hirap kahit na magulang na lamang niya.
Kahit na puno ng inspirasyon si Randy, hindi na siya nakayanan pang pag-aralin ng kaniyang mga magulang. Kahit na elementarya ay hindi man lamang niya natapos. Marami ang nagsasabing siya raw ang susunod na magiging Mang Istan ng kanilang lugar. Subalit lingid sa kaalaman nilang lahat na sa isip ng binatilyo ay ang maging matagumpay na baliktad sa buhay ng kaniyang ama.
Ilang taon ang lumipas, nagkasakit na ang mga magulang ni Randy. Ang lahat ng kaniyang mga kuya at ate ay nagsipag-asawa na at humiwalay na sa kanila. Ngunit ganoon pa rin ang pamumuhay ng mga iyon. Walang pinagbago sa kanilang mahirap na buhay noong sila ay bata pa. Ngayon naman, siya na lang ang tanging namumulot sa tambakan para lamang mabuhay ang kaniyang mga magulang.
Hindi nagtagal, dahil sa pagsisikap at tiyaga ni Randy, lahat ng pagkakataon na mapagkakakitaan niya ay kinukuha at pinapasok niya. Isa na rito ang paghahakot ng mga tirang bakal sa isang pagawaan ng mga sasakyan. Ang mga iyon ay kaniyang nabibili sa murang halaga at binebenta niya ito nang malaki sa iba´t ibang mga tao.
Lumipas ang ilang buwan, nakapag-asawa si Randy. Ang kanilang pagmamahalan ay nagbunga ng tatlong anak. Nagpatuloy siya sa paghahanapbuhay upang matustusan ang kaniyang sariling pamilya pati na ang kaniyang mga magulang. Habang siya ay pinagpapala ng Diyos, nanatiling mabuti ang puso niya at patuloy siyang tumutulong sa mga kapitbahay na alam niyang kapos na kapos.
Pagkaraan ng ilang taon, dumami ang mga kliyente ni Randy at kumikita siya ng halos kalahating milyon sa loob lamang ng isang buwan. Nagpatayo si Randy ng napakalaking bahay para sa kaniyang pamilya at isa pang bahay para naman sa kaniyang mga magulang. Subalit lumiit ang kaniyang mundo nang magsimula siyang kamuhian ng kaniyang mga kapitbahay.
Sa tuwing may lumalapit kay Randy na nangangailangan ng tulong, itinataboy niya ang mga iyon at pinagsasabihan pa ng masasakit na salita. Ang kaniyang asawa ay puro pasa dahil ganoon na lamang niya ito saktan sa tuwing nababalitaan niyang may umaaligid na lalaki rito. Kahit na hindi totoo, pinapaniwalaan niya kung ano lamang ang gusto niyang paniwalaan at ‘di man lamang magawang pakinggan ang paliwanag ng misis.
Nagpatuloy pa ang sandamukal na mga hakot ni Randy sa kaniyang mga kliyente. Patagal nang patagal, dumami ang mga empleyado niya na nagagalit na rin sa kaniya. Buong maghapon kasing nagtatrabaho nang mabigat ang mga iyon ngunit kakaunti lamang ang kanilang sinasahod. Kahit na tubig at pagkain ay hindi man lang niya maibigay sa mga iyon. Subalit marahil sa hirap ng buhay, nagtitiis na lamang ang ilan kaysa walang maiuwing pera sa kani-kanilang pamilya.
Hindi nagtagal, bumili ng malaking truck si Randy para sa kaniyang negosyo na lumalaki na. Kasunod nito ay ang pagbili niya ng kanilang sariling sasakyan na pampamilya. Isa pa ay bumili rin siya ng motor na mamahalin sa tuwing gusto niyang umalis mag-isa. Naging sunod sunod ang kaniyang paggastos at hindi niya namamalayang nauubos na pala ang kanilang ipon. Aniya, mababawi naman niya ang lahat ng iyon sa mga susunod na buwan.
Pagkaraan ng tatlong buwan, namroblema nang husto si Randy dahil ang isa sa kaniyang mga empleyado ay itinakas ang kaniyang kita sa isang buwan. Malaking halaga iyon na ipangpapagawa sana niya ng truck dahil sira ang makina nito. Wala na rin siyang maipasahod sa kaniyang mga empleyado at pambili ng mga bakal. Bilang solusyon, nagpatong patong ang utang niya sa mga tao na nagpapatubo nang malaki. Katuwiran naman niya, mababayaran naman niya iyon kaagad. Ang hindi niya alam ay may ganti pa ang tadhana sa kaniyang naging ugali matapos makatikim ng ginhawa.
Isang buwan ang nakalipas, nagsarado ang lahat ng mga kumpanya at nawalan ng kliyente si Randy dahil sa pandemya. Pinilit na ipinasara ng gobyerno ang mga kumpanya dahil laganap na ang sakit sa kanilang lugar. Ang kaniyang tatlong anak ay nahawa ng sakit at kasalukuyang nasa ospital.
Hindi lubos maisip ni Randy kung paanong ang malaking halaga sa kaniyang kamay noon ay wala na ni piso ngayon. Naibenta na rin nila ang kaniyang sasakyan at motor upang mabayaran lamang ang ilan sa kaniyang mga pagkakautang. Naibenta na rin niya ang truck na hindi na niya nagagamit dahil nawalan siya ng hakot at mga kliyente.
Isang buwan ang nagdaan, hindi mapigil ni Randy ang kaniyang luha nang makita ang hirap ng buhay ng kaniyang pamilya. Bumalik siya sa pagpupulot sa tambakan ng basura ngunit sa pagkakataong ito, kinukutya siya ng marami at wala ni isa ang may nais na tumulong sa kaniya. Naisip ni Randy kung paano siya pinagpala ng Maykapal subalit hindi niya ito inalagaan at ang masaklap pa ay ipinagdamot niya ang yaman na ipinahiram lang pala sa kaniya.
Ngayo’y tanging dalangin niya ay mabigyan pa siya ng isa pang pagkakataon upang ipakitang handa siyang magbago, ngunit sa tingin niya’y malabo pa iyong mangyari ulit. Kung hindi lang sana siya naging sakim at naging waldas sa yamang ipinagkaloob sa kaniya, hindi na sana siya bumalik sa kinalalagyan niyang muli ngayon.