Hilig ng Babae ang Gumuhit; Hindi Niya Alam na Iyon Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Surpresa na Babago sa Buhay Niya

Hilig ng Babae ang Gumuhit; Hindi Niya Alam na Iyon Pala ang Magdadala sa Kaniya sa Surpresa na Babago sa Buhay Niya

FamilyMiracleStories

Tutok na tutok si Ayla sa ginagawang pagguhit. Kahit medyo magalaw ang sinasakyan niyang tren ay maganda pa rin ang bawat diin ng kaniyang lapis dahil kalmado ang kaniyang kamay. Sa kasalukuyan ay ginuguhit niya ang babaeng katapat niyang nakaupo sa tren. Kanina pa kasi ito nakatingin sa bintana sa likod niya at tila ba ang malulungkot na mata nito ay nanghalina sa kaniya na iguhit ito.

Mahilig talaga siyang gumuhit. Nagpapasalamat siya na may ganoon siyang talento. Iyon kasi ang takbuhan niya lalo na kapag pakiramdam niya ay nalulunod na siya sa mundo. Katulad ng araw na iyon, pinagtripan na naman siya ng mga kaklase niya sa hayskul. Ewan ba niya kung bakit ganoon ang mga tao, sumuko na lang siya sa pag-intindi. Noong una ay gustong-gusto niyang kaibiganin ang mga ito kaya’t ginagawa niya ang lahat, ngunit ngayon ay sanay na siyang mag-isa.

Napatigil ang kaniyang kamay sa paggalaw nang muling lumingon sa babaeng iginuguhit at makita ang unti-unting pagpatak ng mga luha nito. Kitang-kita niya ang panginginig ng mga labi nito at pagsalubong ng mga kilay. Pasimple itong kumuha ng panyo at saka pinunasan ang mukha. Nagtama ang mga mata nila nang bigla itong mag-angat ng tingin. Hindi malaman ni Ayla ang gagawin, kung patuloy na tititigan ito o iiiwas ang tingin. Nagpasya siyang tumayo at iabot dito ang kaniyang obra. Sa iginuhit niya ay makikita ang isang magandang babae na malulungkot ang mga mata.

“Para sa inyo po,” sabi niya. Kahit siya ay nabigla sa kaniyang ginawa. Nagpasya siyang patigasin ang puso sa mga tao ngunit sa pagkakataong iyon ay nakaramdam siya ng awa sa babae.

Nang tingnan ng babae ang papel na iniabot niya dito ay umiiyak itong nagpasalamat. Iyon na ang estasyong bababa na si Ayla kaya’t isang simpleng ngiti na lang ang naisagot niya.

Makalipas ang ilang linggo, tila ba nawala na sa isip ng dalaga ang nangyari. Ngunit nang hapong iyon, nasorpresa siya nang makita muli ang babae sa tren. Nagulat siya nang ngitian siya nito at paupuin sa tabi nito. ‘Di tulad noong una niya itong nakita ay mas maaliwalas na ang mukha nito.

“Maraming salamat nga pala noong isang beses. Pasensya ka na at medyo emosyonal ako nang araw na iyon. Ako nga pala si Deseree,” pakilala nito. Nakapalagayan naman nila ng loob ang isa’t isa. Nalaman niyang mukha lang itong bata ngunit 35 anyos na ito. Nagtatrabaho ito malapit din sa kaniyang eskwelahan. Lagi raw siyang hinahanap nito upang pasalamatan dahil gumaan daw ang loob nito dahil sa munting regalong ibinigay niya dito unang beses silang nagkita.

Hanggang sa araw-araw nang nagkakasabay sa tren sina Ayla at Deseree. Sobrang saya ng puso ni Ayla dahil nagkaroon siya ng kaibigan at ate sa katauhan ni Deseree. Kapag masama ang naging araw niya sa eskwela ay pinakikinggan siya nito at pinapayuhan. Ang madalas nilang pagkukwentuhan ang bumuo sa kanilang pagkakaibigan.

“Pwede ko po bang itanong kung bakit po kayo umiyak noong araw na ‘yon?” isang araw ay tanong ni Ayla. Nagpasya silang kumain sa labas bago sumakay ng tren. Nag-aalangan ngunit malungkot ang ngiting ikinuwento ni Deseree ang dahilan.

“Kaarawan kasi ng anak ko noon… pero wala siya eh. Siguro kasing edad mo ako noong nabuntis ako sa kaniya. Ngunit dahil batang-bata nga ay kinuha sa akin ang anak ko at hindi ko na siya nakita o nakarga man lamang,” sabi ni Deseree na ‘di na naman mapigilang mapaluha.

Naghanap naman ng salita si Ayla upang makisimpatya. “Magkabirthday po pala kami nung anak niyo. Grabe po, swerte siya na kayo ang nanay niya. Sana po ay magkita kayo balang-araw.” May kirot sa kaniyang puso ang huling sinabi. Wala rin kasi siyang nanay kaya’t alam niya ang pakiramdam ng pagnanais na makasama ang isang taong karugtong ng buhay mo malayo man.

Napasarap ang kanilang kwentuhan at malas nga naman na pagsakay nila sa tren ay nasira iyon sa kalagitnaan. Napakatagal bago sila nakausad muli at nag-aalala si Deseree na pauwiing mag-isa si Ayla at medyo malalim na ang gabi. Matapos ang mahabang pilitan ay naihatid niya rin ito sa kanila. Pagdating sa tapat ng gate nina Ayla ay nagpaalam na si Deseree, ngunit nagulat siya nang makita ang taong lumabas mula doon.

“Leanne?” Ang babaeng tinawag na Leanne ay tiyahin ni Ayla. Nagulat siya dahil tila nakakita ng multo ang tiyahin nang batiin ni Deseree.

“Magkakilala po kayo?” tanong ni Ayla.

“De-deseree!” sabi nito. Pinapasok na ng tiyahin si Ayla habang ang mga ito ay nag-usap. Matapos ang gabing iyon ay may ipinagtapat sa kaniya ang tiyahin na tila ba nagpatigil ng kaniyang mundo.

“Si Deseree ang tunay mong ina. Pinilit nila mama at papa na kunin ka sa nanay mo kahit ayaw ni kuya. Nang pumanaw na silang tatlo dahil sa aksidente ay hindi ko malaman saan hahagilapin si Deseree, kaya ako na lang ang nagpalaki sa iyo. Sana mapatawad mo ako, Ayla,” naluluhang sabi ni Leanne.

Masakit man kay Ayla ay tila nangibabaw pa rin ang kasiyahan. ‘Di siya makapaniwalang nangyayari ito sa kaniyang buhay. Kinabukasan ay muling bumisita sa kanila si Deseree at marubdob na iyakan ang naganap.

“Mabuti talaga ang Diyos, hindi ko akalaing makikita pa kita, anak. Salamat, Leanne, sa pagpapalaki sa anak ko,” sabi ni Deseree. Simula noon ay magkasama nang tumira sa iisang bahay sina Deseree at Ayla. Hindi nila akalaing ang malungkot na araw sa kanilang buhay ay ang magiging araw rin ng kanilang muling pagtatagpo. ‘Di nila alam na ang tren na sinakyan nila ay maghahatid pala sa kanila sa tunay nilang tahanan – sa pamilya.

More Stories