Laging Late ang Babaeng Ito sa Usapan Nilang Magkakaibigan; May Malalim Palang Dahilan Kung Bakit

Laging Late ang Babaeng Ito sa Usapan Nilang Magkakaibigan; May Malalim Palang Dahilan Kung Bakit

HeartbreakingMysteryStories

“Aba’y pasensya naman! Alam niyo namang laging busy ang ate niyo no!” masiglang bati ni Nicole sa mga kaibigang nakasimangot. May proyekto kasi silang gagawin sa iskul at tulad ng dati, late na naman siyang dumating.

“Hay naku! Magbago ka na Nicole! Respeto naman sa oras namin,” sabi ni Crissie, nakataas ang kilay dahil ayos na ayos ang make-up ni Nicole. Lalo siyang nainis dahil inuna pa nito ang kaartehan.

“Hay, tara na guys. Kailangan na natin ‘to matapos kaya mamaya na ‘yang mga ganyan,” sabi ng lider na si Gleiza. Kahit ‘di niya gusto ang ugaling iyon ni Nicole ay isa ito sa mga kagrupo niya na tumutulong naman sa proyekto. Isa pa ay ang dahilan naman nito ay pamilya. Ang alam lang nila ay wala na itong nanay kaya ito rin ang nag-aasikaso sa dalawa nitong batang kapatid.

Ang dahilan kung bakit inis ang lahat na tapusin na ang proyekto ay dahil kailangan iyon upang payagan silang sumama sa fieldtrip ng kanilang eskwelahan. Desidido ang buong grupo na makapag-relax sa fieldtrip kaya naman tinodo na nila ang paggawa hanggang gabi.

“Uy kailangan ko na talagang umuwi, gabi na kasi oh,” ungot muli ni Nicole sa mga kagrupo. Kanina pa siya nagpapaalam na kailangan na umuwi ngunit kinokonsensya siya ng mga ito na ang mga ito nga ay nagpapagabi para matapos lang ang kailangang tapusin, tapos siya ay uuwi kaagad? Ngunit nang sumapit na ang alas diyes ay pinilit na talaga ni Nicole na makauwi. Wala nang sinabi ang iba nang si Gleiza na lider na mismo ang pumayag na iuwi na lang ni Nicole sa bahay ang natitirang gawain.

“Huwag na huwag kang malelate bukas Nicole ha. Sa iyo nakasalalay kung makakasakay kami sa bus o hindi,” iyon lang ang bilin nito sa kaniya. Nangako naman siyang tutuparin iyon.

Kinabukasan, nasasabik ang lahat ng estudyante sa kanilang paaralan dahil sa fieldtrip. Kani-kaniyang bihis sila at dala ng mga babauning chichirya. Habang ang ilan ay nagsasaya at kampante na, ang grupo nina Gleiza ay balisang-balisa. Bente minutos na lang kasi ay aalis na ang bus ngunit wala pa rin si Nicole! Hindi sila pinapayagang sumakay sa bus hangga’t di kumpleto ang naipapasa nila.

“Nakakainis na talaga iyang si Nicole eh! Makakatikim talaga ‘yan sakin ng salita pagdating niya. Ano, sumagot na ba?” maiiyak na na sabi ni Crissie. Tinatawagan nila ang kaklase ngunit di ito sumasagot.

“Tsk, sige para sigurado ay pupuntahan ko na sa kanila. Medyo malapit lang naman sila dito, ‘di ba?” sabi ni Gleiza sabay baba ng kaniyang bag. Magta-tricycle na lang siya para mabilis.

Pagdating sa bahay nina Nicole ay nanlumo siya nang makailang beses na siyang tumawag at kumatok ay wala pa ring sumasagot. Tulog pa ba ang mga ito? Paglipas ng limang minuto na wala pa ring sumasagot ay tumalikod na si Gleiza na laglag ang balikat. Mukhang ‘di na sila makakasama sa fieldtrip.

Maglalakad na siya palayo nang may maliit na bato na tumama sa kaniyang paa. Napalingon siya sa gate at nakita niya sa siwang na mayroon ngang nambabato sa kaniya. Napamura pa siya sa gulat nang maaninag ang maliit na mukha ng isang bata sa siwang. Ngunit labis siyang nag-alala at kinilabutan nang mapansing nakakadena ang leeg nito at may pasa ito sa mukha.

“Tulong… si ate po,” mahinang sabi nito.

“Ano’ng nangyari? Nasaan ang Ate Nicole mo?” sabi ni Gleiza. Nanginginig ang kamay niya ngunit nagpasya siyang tumawag sa barangay para sigurado. Buti na lang alam niya ang numero dahil iyon din ang barangay na sakop ang eskwela nila. Matapos ibaba ang tawag ay kinausap muli ni Gleiza ang bata na nang mga panahong iyon ay nagsimulang umiyak. Awang-awa siya dahil napansin niyang may sugat ito sa labi, mukhang mga walong taong gulang pa lang ito…

Pagdating ng mga tanod ay ‘di alam ni Gleiza kung paano ipapaliwanag ang nangyari. Pinasilip niya ang siwang upang makita ng mga ito ang bunsong kapatid ni Nicole na nakakadena. Naalarma naman ang mga awtoridad sa nakita kaya nagpasya silang kalampagin ang bahay. Maya-maya lang ay lumabas ang stepfather ni Nicole. Nang makita nito ang mga tanod at mapagtanto ang sitwasyon, agad itong sumibat papuntang likod bahay kung saan maraming puno.

Ang pagtakbo nito ay hudyat na may ginagawa itong mali. Sapilitang binuksan ang gate at pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang dalawang bata na nakakadena sa loob ng bahay ng aso. Naiiyak na tumakbo na rin papasok ng bahay si Gleiza at hinanap si Nicole. Natagpuan ang dalaga na duguan ang mukha. Wala itong malay habang nakasalampak sa sahig. Tuluyang naluha si Gleiza nang makita ang tila lantang-gulay na kalagayan ng kaibigan. Agad itong isinugod sa ospital at napag-alamang may mga sugat din ito sa katawan. Sa gitna ng kaguluhan ay nakatawag pa si Gleiza sa kanilang guro upang ipaalam ang nangyari. Maliban dito at ilan niyang kagrupo, nagpasya silang ‘wag ipamalita ang nangyari. Nagsipuntahan din ang mga ito sa ospital dahil walang kamag-anak na pwedeng matawag sina Nicole.

Habang hinihintay magkamalay si Nicole ay iyak nang iyak si Crissie.

“Hindi ko akalaing ganoon pala ang dinaranas niya sa bahay. Kaya pala lagi siyang late. Akala ko kaartehan niya lang ang makapal na make-up na dahilan kung bakit siya laging huli sa klase, iyon pala…” sabi nito. Awing-awa sila sa sinapit ng kaibigan.

Nang magising ito ay ginawa ng kaguruan ang lahat upang tugunan ang pangangailangan nila pansamantala. Ang magkakaibigan din ay nagpasyang magpaabot ng tulong sa kung anong kaya nila. Nahihiya man ay hinarap ni Nicole ang mga kaklase upang humingi ng patawad dahil dahil sa kaniya ay hindi nakapunta ang mga ito sa inaasam na fieldtrip.

“Wala iyon, Nicole, ano ka ba. Ang mahalaga ay ligtas kayo ng mga kapatid mo ngayon,” sabi ni Crissie.

“Salamat. Salamat din Gleiza, sa ginawa mo,” sabi ni Nicole.

Pinipigilan niyang huwag maiyak sa harap ng mga ito dahil sobra na siyang nahihiya. Ngunit punong-puno ng pasasalamat ang kaniyang puso. Nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na noong mawawalan na siya ng malay at nagdarasal para sa mga kapatid niya ay dininig siya nito. ‘Di lang iyon, wala na sa buhay nila ang taong nagpapahirap sa kanila. Nangako siya sa sariling magsisimula nang panibago at mas lalong magiging malakas dahil sa nangyari.

More Stories