
Sinuwerte sa Buhay ang Lalaki Mula Nang Mawala ang Kaniyang Ka-Phone Pal; Paano Kaya Iyon Nangyari?
Isang dekada nang nakatayo at patuloy na lumalago ang negosyong panaderya ni Ernie. Masaya rin siya sa piling ng kanyang asawang si Delia at nag-iisang anak na si Mina.
Isang araw ay nagtanong ang anak niya kung bakit naka-display sa harap ng kanilang panaderya ang isang lumang anghel na manyika. Hindi iyon isa sa mga naging laruan ni Mina noong bata pa ito, ang manyikang iyon ay isang mahalagang regalo mula sa isang namayapang kaibigan.
“Itay, ang luma na niyang manyika na ‘yan, pero bakit nakalagay pa rin dito sa bakery natin? Mabuti sana kung cute, eh, kaso parang panahon pa ni kupung-kupong,” wika ng dalagita.
“Malaki ang utang na loob ko sa manyikang ‘yan, anak. ‘Yan din ang nagpapaalala sa akin sa isang tao na minsang naging bahagi ng buhay ko,” tugon ni Ernie sa anak.
“Talaga po? Eh, sino po ba ang nagmamay-ari ng manyikang ‘yan, itay?”
Ikinuwento niya sa anak ang kasaysayan ng lumang manyika at kung ano ang kinalaman niyon sa kanila.
Panadero noon sa isang panaderya sa Quiapo si Ernie. Wala siyang ibang libangan kundi ang makipag-phone pal. Doon niya nakilala ang dalagang si Soledad.
“Soledad ba kamo ang pangalan mo?” tanong niya sa kausap.
“Oo. Ano naman ang pangalan mo?” tanong naman ng babae sa kabilang linya.
“Ernie ang pangalan ko. Dito ako nagtatrabaho sa Quaipo bilang panadero. Maaari ba tayong magkita sa Linggo, para makilala kita nang lubusan?” tanong niya ulit sa babae.
“Naku, hindi puwede, eh, ayaw ni tita na lumalabas ako ng bahay na ‘di siya kasama,” pagtanggi ng kausap.
Nakaramdam ng lungkot at panghihinayang si Ernie sa isinagot sa kanya ng dalaga.
“Eh, ‘di ibigay mo na lang sa akin ang address mo, dadalawin na lang kita sa bahay niyo,” sabi niya.
“Lalong hindi puwede, Ernie. Mahigpit ang tita ko, eh!” tugon ni Soledad.
“Ganoon ba? Sa telepono na lang talaga kayo makakapag-usap?” tanong niya.
“Parang ganoon na nga,” sambit pa ng babae.
Telepono ang tanging nag-uugnay sa kanila noon ni Soledad. Nakikitawag siya sa pinagtatrabahuhang panaderya para makapag-usap sila.
Hanggang sa dumating ang sandaling hindi na niya maalis sa isip niya ang babaeng ka-phone pal niya.
“Nagkakagusto na yata ako sa kanya, p-pero alangan ako sa kanya. May kaya sa buhay ang kanyang pamilya samantalang ako’y mahirap lang. Hindi kami bagay sa isa’t isa,” bulong niya sa isip.
Dahil sa magkaiba ang antas nila sa buhay ay ipinasya niya na kalimutan na lang si Soledad. Hindi na niya ito tinawagan pa. Kapag ito naman ang tumatawag sa kanya ay hindi niya ito kinakausap. Kinuntsaba niya ang may-ari ng panaderya na sabihing abala siya sa trabaho para hindi siya nito makausap.
Makaraan ang tatlong linggo ay ‘di rin siya nakatiis na tawagan si Soledad. Nami-miss niyang kausap ang babae ngunit nang tinawagan niya si Soledad sa bahay nito’y iba ang sumagot sa kabilang linya.
“Buti’t tumawag ka, Ernie!” sambit ng nasa kabilang liniya na wari niya’y boses bata.
“S-sino ka? Maaari bang makausap si Soledad?” tanong niya.
“Ako si Angelica na kasama ni Soledad dito sa kuwarto. Importanteng magtungo ka rito, ibibigay ko sa ‘yo ang address namin,” sagot ng kausap niya.
Pagkatapos ng trabaho niya sa panaderya ay agad siyang nagtungo sa bahay nina Soledad. Sinalubong siya ng tiyahin ng babae sa gate.
“Ikaw ba ang ka-phone pal ng pamangkin ko, hijo?” tanong ng may edad na babae na nakasuot ng itim na damit.
“O-opo, ako nga po,” tugon niya.
“Mabuti at dumalaw ka, hijo! Araw at gabing hinihintay ni Soledad ang tawag mo, pero kahapon ay binawian na siya ng buhay sanhi ng matagal na niyang sakit sa puso. Gustung-gusto ka niyang makita at makilala nang personal. Palagi ka rin niyang ikinukuwneto sa akin. Pero kahit hindi ka na niya nakausap pa ay masaya ang aking pamangkin dahil sa tulong mo’y nagkaroon daw siya ng kaibigan na palaging umuunawa sa kanya. Hindi niya ipinagtapat sa iyo ang kalagayan niya dahil ayaw niyang mag-alala ka pa,” hayag ng tiyahin ni Soledad na makikitang mugto pa rin ang mga mata sa pag-iyak.
“Ho?!”
Laking gulat ni Ernie nang malamang wala na si Soledad. Nakaramdam siya ng pangongonsensya dahil iniwasan niya ito. Labis niyang pinagsisisihan ang nagawa at ‘di na rin napigilang maluha sa sinapit ng kanyang ka-phone pal.
“N-nakikiramay po ako. Kausap ko po kanina sa telepono si Angelica pero ‘di po niya nabanggit ang tungkol kay Soledad,” sabi niya sa tiyahin ng dalaga.
Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi niya.
“Ano?! Imposibleng nakausap mo sa telepono si Angelica, hijo!” sambit ng tiyahin.
“Ano pong ibig niyong sabihin?” naguguluhan niyang tanong.
“Dahil si Angelica ay ang paboritong anghel na manyika ni Soledad,” bunyag ng babae sa kanya saka niyaya siya nito sa loob ng bahay at ipinakita sa kanya kung saan nakahimlay si Soledad at nakapatong sa kabaong nito ang manyikang anghel na si Angelica.
“Ha?! P-paanong nangyari?!”
Hindi man makapaniwala si Ernie sa natuklasan ay nagdalamhati pa rin siya sa pagkawala ni Soledad. Nang silipin niya ang kabaong ay kitang-kita niya kung gaano kaganda si Soledad. Napakaamo ng mukha ng dalaga na parang natutulog lang sa kinahihigaan nito. Kahit kaunting panahon lang sila nagkausap at nagkakilala’y nagkaroon na ito ng puwang sa kanyang puso. Hindi man niya naipagtapat sa dalaga ang nararamdaman niya’y maligaya na rin siya dahil itinuring siya nitong kaibigan.
“Patawad, Soledad, at paalam. Salamat sa pagiging mabuting kaibigan,” bulong niya sa isip.
Nang ilibing ito ay ibinigay sa kanya ng tiyahin ang maniyakang anghel na pag-aari ng dalaga. Bago pumanaw si Soledad ay nakagawa pa ito ng sulat na nagsasabing ibigay sa kanya ang paborito nitong manyika para palagi niya itong maalala na tanda ng kanilang pagkakaibigan. Tinanggap naman ni Ernie ang manyika at iningatan. Nang mapasakamay niya ang anghel na manyika ni Soledad ay nagsimula naman siyang suwertehin sa buhay. Nang sumakabilang buhay ang balong may-ari ng pinagtatrabahuhan niyang panaderya ay sa kanya nito ipinamana ang negosyong iyon dahil siya ang lubos nitong pinagkakatiwalaan at wala itong pamilya at ibang mga kamag-anak. Patuloy na lumago ang panaderya na hanggang sa kasalukuyan ay binabalik-balikan ng mga kustomer. Nagkaroon na rin ito ng iba pang branch kaya naisipan niyang idisplay ang manyika sa panaderya na simbolo ng suwerte na dumating sa kanyang negosyo at sa kanilang pamilya.
“Sa palagay ko’y sadyang iniwan ni Soledad sa akin ang manyika niyang si Angelica para mabigyan kayo ng magandang buhay ng inay mo, anak. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin ang nangyaring iyon sa amin ni Soledad pero habang nabubuhay ako’y patuloy kong ipagpapasalamat sa kanya at sa kanyang paboritong manyika ang lahat ng mayroon tayo ngayon. Sana lang ay napatawad na niya ako sa pag-iwas ko sa kanya noon,” hayag ni Ernie sa anak.
“Napakabait po pala ni Soledad, itay. Huwag kang mag-alala, itay, napatawad ka na po niya mula sa langit. Siguro ay isang tunay na anghel si Angelica na palaging nakagabay sa kanya kaya nang mawala siya’y sa iyo ibinigay para tayo naman ang gabayan. Patunay iyon na napatawad ka na niya, itay. Hayaan niyo po at lilinisin ko ang manyika at bibihisan ng maganda at bagong damit,” sagot ng dalagita.
Kakatwa man ang nangyari kay Ernie ay masaya pa rin siya dahil hindi lang siya nakakilala ng tunay na kaibigan, nabahaginan pa siya ng suwerte na sa tingin niya’y biyaya mula sa langit.