Inday TrendingInday Trending
Natupad ang Gusto ng Babae na Magkaroon ng Nobyong Dayuhan Ngunit Sinawimpalad Siya Rito; Anong Mangyayari Kung Isang Dayuhan Ulit ang Dumating sa Buhay Niya?

Natupad ang Gusto ng Babae na Magkaroon ng Nobyong Dayuhan Ngunit Sinawimpalad Siya Rito; Anong Mangyayari Kung Isang Dayuhan Ulit ang Dumating sa Buhay Niya?

“Mabuti kang lalaki, Manny at lahat na yata ng katangian na maaaring magustuhan ng isang babae ay nasa iyo na. Kahit na sinong babae ay magugustuhan ka dahil guwapo ka, maginoo, mabait at isang mahusay na doktor… kaya lang…” sabi ni Sabel sa nag-aalinlangang tono sa lalaking nanliligaw sa kanya.

“Kaya lang ay ano? Hindi mo ako gusto? Iyon bang sasabihin mo, Sabel?” tanong ng manliligaw.

Nang makaalis ang lalaki ay agad siyang kinausap ng kanyang inang si Aling Bella.

“Eh, ano ba kasi ang hinahanap mo sa lalaki, anak? Kung ayaw mo kay Manny, nariyan si Jeremy na manager sa malaking kumpanya sa Makati o si Nathaniel na isang arkitekto…” wika ni Aling Bella.

“Pero, inay, alam niyo naman ang hinihintay ko… at hindi sila iyon,” sagot ni Sabel sa ina.

Dahil ang hinihintay ni Sabel na dumating sa buhay niya ay isang dayuhan na may lahing puti. Dalagita pa lamang siya’y nangarap na siya na makapangasawa ng dayuhan. Ayos lang sa kanya kahit simpleng tao lang ito at hindi propesyonal gaya niya at ng mga manliligaw basta’t dayuhan at may lahing puti.

Isang araw ay tila natupad ang pangarap ni Sabel nang…

“Dra. Alcantara, I want to you to meet Dr. Bryan Smith. Isa siyang dayuhang doktor na pinadala rito sa ospital para tumulong na sanayin ang mga bago nating empleyado,” sambit ng may-ari ng ospital na kanyang pinagtatrabahuhan.

“Meeting you is the most fortunate moment of my life, Dra. Alcantara,” wika ng Amerikanong doktor nang makilala siya.

Agad na namula ang pisngi ni Sabel sa sinabi ng lalaki. Sa tingin niya ay ang dayuhang ito na ang hulog sa kanya ng langit.

Hindi nga nagtagal ay napalapit silang dalawa sa isa’t isa. Mabilis na nahulog ang loob ni Sabel kay Bryan at matinik din naman ang dayuhang doktor na agad ding nagpahayag ng damdamin nito sa kanya. Niligawan siya ni Bryan at mabilis naman niya itong sinagot hanggang sa…

“The first time I laid my eyes on you, I knew right away that you’re the right woman for me. So, Sabel, will you marry me?” tanong nito sa kanya nang minsang dumalaw sa bahay nila.

Sa sobrang saya ay mabilis din ang pagsagot niya rito.

“Yes, yes, Bryan! I will marry you!” aniya.

At dahil sa malapit na silang ikasal ay pumayag si Sabel na may mangyari na sa kanila ni Bryan. Isang gabi habang wala ang mga magulang niya sa kanilang bahay ay niyaya siya ng nobyo sa kanyang kuwarto. Hindi siya nakatanggi nang hagkan siya nito nang paulit-ulit hanggang sa nauwi na nga sa pagdala nito sa kanya sa kaluwalhatian.

Ang nangyari sa kanila minsan ay ilang beses pang naulit hanggang…

“Awrrkk! Orrk!”

Nagdududuwal si Sabel sa kusina nang sitahin siya ni Aling Bella.

“Naglilihi ka, anak! Buntis ka na! Dapat nang maikasal kayo ni Bryan,” sambit ng ina.

Agad niyang sinabi sa nobyo ang kalagayan niya. Nangako naman itong pananagutan ang dinadala niya ngunit isang araw ay nabalitaan niyang umalis na ito at bumalik na sa Amerika. Mas ikinabigla niya nang malaman niyang may asawa na pala ito at may tatlong anak na. Labis ang pagsisisi ni Sabel kung bakit agad siyang nagtiwala at bumigay kay Bryan, pamilyado na pala ito at niloko lang siya.

“Ang walang hiyang iyon, inanakan lang ako,” hagulgol ni Sabel habang hiyang-hiya sa mga magulang niya sa kinasapitan niya.

Wala na rin siyang nagawa at ang mga magulang niya kundi ipagpatuloy ang kanyang pagbubuntis hanggang sa naisilang niya ang isang sanggol na babae. Napakaganda ng sanggol at napamahal na ito sa kanya kaya pinilit niyang kinalimutan ang malungkot na nakaraan at ipinagpatuloy ang buhay kapiling ang anak.

Ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon ay may nakikilala ulit siyang dayuhang lalaki sa pinagtatrabahuhang ospital.

“Oops! I’m sorry, miss!” wika ng lalaki nang makabanggaan niya ito.

“Ay! Sorry!” gulat niyang sambit na nabitawan pa ang dala niyang mga gamit.

Maliksing pinulot ng dayuhang lalaki ang mga nahulog niyang gamit sa sahig. ‘Di nila naiwasan na titigan ang isa’t isa. Napaka-guwapo rin ng dayuhang iyon, matangkad at matipuno. Ang tagpong iyon ay sapat na upang mabuo ang panibagong istorya sa pagitan nilang dalawa.

“I’m so, sorry. By the way, I’m Dr. Dylan Davis…” pakilala ng lalaki na nakipagkamay sa kanya.

“I-I’m Dra. Sabel Alcantara…” tugon niya na hindi napigilang makipagkamay rin sa kausap.

Si Dr. Davis ay ang bagong dayuhang doktor sa ospital na kapalit ni Bryan. Sa una’y iniiwasan ni Sabel na mapalapit sa lalaki ngunit mabait ito at palakaibigan. Marunong din itong magsalita ng wikang Tagalog dahil ang yayang nagpalaki rito ay isang Pinay.

Mula nang makilala siya ng dayuhang doktor ay hindi na siya maalis sa isip nito kaya humantong sa panliligaw ang pagkahumaling nito sa kanya.

Isang gabi ay dumalaw ito sa bahay nila.

“Good evening, Sabel. Flowers for you,” anito sabay abot ng pumpon ng rosas.

“T-Thank you, Dylan. Please come in!” tugon niya.

Nais ni Sabel na kilalanin nang lubusan ang lalaki. Gusto niyang matiyak ang tunay na hangarin nito kaya hindi siya nagdalawang-isip na ipagtapat sa manliligaw ang kanyang nakaraan. Ikinuwento niya ang tungkol kay Bryan at sa kanilang anak.

“I want you to meet my daughter, Angel. She is my daughter with him. As you can see, I’m not a… virg*n anymore,” hayag niya sa lalaki.

“Thank you for being honest with me, Sabel. P-pero balewala sa akin ang past mo dahil mahal kita,” sagot ni Dylan na nagsalita pa ng wikang Tagalog.

Nang makaalis ang manliligaw ay agad siyang pinayuhan ni Aling Bella.

“Dayuhan na naman ‘yan, anak. Baka maulit ang nangyari sa iyo noon sa Bryan na ‘yon. Hindi ka na nadala sa dayuhan!” sermon ng ina.

“Sa palagay ko’y hindi na mangyayari iyon, inay. Nararamdaman ko na iba si Dylan. Gusto raw po niya kayong makausap ni itay, gusto niyang hingin sa inyo ang aking kamay,” sagot ni Sabel kay Aling Bella.

Naging masigasig si Dylan sa panliligaw sa kanya. Pati ang mga magulang niya ay niligawan nito hanggang sa napalapit din ito sa pamilya niya. ‘Di nagtagal ay sinagot na rin niya ito at tinanggap ang alok nitong kasal. Nais din ni Dylan na akuin na parang tunay na anak si Angel.

Binigyan ng pagkakataon ni Sabel ang sarili na muling magtiwala at magmahal sa isang dayuhan kaya pinakasalan niya si Dylan. Naging maganda at masaya ang naging kasal nila na dinaluhan ng kanilang mga pamilya at kaibigan. Nakilala rin ni Sabel ang mga magulang ni Dylan na mga propesyonal din at mababait na mga tao. Ang langit na hindi nakamit ni Sabel kay Bryan ay maligaya niyang nakamit sa piling ng asawang si Dylan. Pati ang anak niyang si Angel ay papa ang tawag sa lalaki.

“Papa, papa!” sabi ng bata saka yumakap kay Dylan nang umuwi ito galing sa trabaho.

“Yes, sweety, I’m your papa!” sagot ni Dylan sa bata. “See? She recognizes me as his father, darling! I’m serious, I have talked with my lawyer and he said he’s filed a petition in court for my legal adoption of Angel,” masaya naman nitong sambit kay Sabel.

Tuwang-tuwa naman ang mga magulang ni Sabel sa sinabing iyon ng kanilang manugang.

“O, salamat at nakatagpo ka ng isang tunay na maginoo at mabuting asawa, Sabel,” wika ni Aling Bella sa anak.

“Oo nga, anak. Napakasuwerte mo kay Dylan,” sabad pa ng kanyang ama na si Mang Tupe.

Subalit ang petisyong inihain ni Dylan ay tinanggihan ng mababang hukuman dahil hindi raw ito kuwalipikado para legal na ampunin ang anak ni Sabel na si Angel dahil isa lamang siyang dayuhan sa bansa ngunit buo pa rin ang loob ng lalaki kaya iniakyat nila iyon sa mataas na hukuman. Samantala, habang tumatagal ay mas lalong nagkakalapit ang damdamin nina Dylan at Angel. Palaging ito ang hinahanap ng bata at gustong kasama’t kalaro. Masaya ang bata sa piling ni Dylan, tunay na ama ang turing nito sa lalaki kahit hindi sila magka-dugo. Ganoon din ang nararamdaman ni Dylan sa bata, mahal na mahal na niya ito gaya ng pagmamahal kay Sabel.

Minsan ay tinanong ni Sabel ang asawa…

“You really love her, don’t you? I’m afraid of what’s gonna happen should the supreme court deny our petition,” wika ng babae sa mister.

“Huwag kang mag-worry, darling. They can’t do that! They can’t deny to me the right to love Angel,” tugon ni Dylan.

Ang masidhing paghahangad ni Dylan na magkaroon ng legal na karapatan na maging anak si Angel ay pinanigan ng mataas na hukuman dahil si Dylan ay isa palang permanenteng residente ng bansa. Matagal na pala siyang naninirahan dito sa Pilipinas kaya malayang-malaya na siyang maging ama sa bata.

“Now, you really are my daughter, Angel! Say, papa!” tuwang-tuwang sambit ni Dylan habang karga-karga si Angel.

“Papa, papa!” sagot naman ng bata.

“Salamat sa Diyos at maayos na rin ang lahat,” masayang bulong ni Sabel sa sarili habang pinagmamasdan ang kanyang mag-ama.

Makalipas ang ilang buwan ay nagpaalam si Dylan sa mga magulang ni Sabel na isasama muna ang asawa at anak sa Amerika para bisitahin ang mga magulang niya roon. Binigyang basbas naman nina Aling Bella at Mang Tupe ang mag-anak.

“Please take care our daughter… take care our granddaughter, too, Dylan,” wika ni Aling Bella.

“Babalik kayo rito, ha, manugang ko,” sabad naman ni Mang Tupe.

“I will, inay, itay, promise po babalik kami,” sagot ni Dylan sa mga biyenan na may halong wikang Tagalog.

Para kay Sabel, naabot na niya nang tuluyan ang kanyang pangarap sa piling ni Dylan na totoong nagpalasap sa kanya ng tunay na kaligayahan.

Advertisement