
Nagalit ang Isang Ina sa Kaniyang Anak Matapos Siyang Ipatawag sa Eskuwelahan; Mali pala ang Kaniyang Inaakalang Dahilan Nito
“Jordana!” galit na tawag ni Aling Wena sa nag-iisang anak na dalaga. “Pumarine ka nga’t may itatanong ako sa ’yo!”
Tumayo naman mula sa pagkakaupo sa harap ng computer ang dalaga bago lumapit sa kaniyang inang noon ay nakaupo sa mesa’t nag-aalmusal. Naghahanda na ito sa pagpasok sa trabaho nito bilang isang teller sa bangko.
“Bakit po, ’ma?”
Masama ang tingin ni Aling Wena sa anak nang muli siyang magsalita. “Ano’ng dahilan at ipinapatawag ako sa eskuwelahan n’yo? May ginawa kang kalokohan, ano?!” tanong pa niya na punong-puno ng paghihinala sa tinig.
“Po? W-wala po, ’ma! Wala naman po akong ginagawang masama,” pangangatuwiran naman ni Jordana sa kaniya na halatang nagtataka rin sa nangyayari.
“Naku, siguraduhin mo lang, Jordana! Alam na alam ko ’yang mga gan’yang style! Napagdaanan ko na ’yan, kaya huwag mo akong pinaglololoko. Sinasabi ko sa ’yo, oras na malaman kong may ginagawa kang kalokohan doon ay patitigilin kita sa pag-aaral! Tatamaan ka pa sa akin,” mariing banta pa ni Aling Wena sa anak, kasabay ng paulit-ulit na panduduro niya sa sentido nito.
Bigla namang naging blangko ang ekspresyon ni Jordana. Napapabuntong-hininga rin siya dahil nag-uumpisa na naman siyang mapikon sa sinasabi ng ina.
“Wala po akong ginagawang masama. P’wede naman ho sigurong huwag kayong pumunta roon para hindi na kayo maabala,” sabi pa ni Jordana, ngunit imbes ay tila lalo pang napikon ang kaniyang ina.
“At bakit? Siguro, totoong may ginagawa kang kalokohan, ano? Lalo mo lang akong binigyan ng dahilang tumuloy. Hindi na ako papasok ngayon at sabay tayong pupunta sa eskuwelahan n’yo!”
Itinuloy nga ni Aling Wena ang kaniyang plano. Sumabay siya sa pagpasok ng anak sa eskuwelahan. Nang makita siya ng adviser ni Jordana ay tila biglang lumawak ang ngiti nito at agad siyang inimbitahan sa opisina ng principal.
“Mabuti naman po at napaunlakan n’yo ang imbitasyon namin sa inyo, Misis Aguilar! Kailangang-kailangan po talaga namin kayong makausap tungkol sa anak n’yong si Jordana,” pag-iimporma sa kaniya ng gurong si Ms. Yuzon.
Napatampal sa noo niya si Aling Wena. “Sinasabi ko na nga ba,” sabi pa niya. “Ano po ba’ng kalokohan na naman ang ginawa ni Jordana? Diyos ko, hindi ko na po alam ang gagawin sa batang ’yan, e. Talagang sakit ng ulo ko ’yan—”
“Sandali po, Misis Aguilar… hindi po iyon ang ibig naming sabihin.” Pinutol ni Ms. Yuzon ang sinasabi ni Aling Wena.
“Misis Aguilar, hindi po ba ninyo alam na si Jordana ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong eskuwelahan at siya ang magiging valedictorian ngayong darating na pagtatapos ng kanilang batch?” singit naman ng principal na talagang ikinabigla ni Aling Wena!
Nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi siya makapaniwala sa kaniyang mga narinig. “T-talaga po?” pangungumpirma pa niya na agad namang tinanguan ng kaniyang mga kausap.
Tila bigla namang bumalik sa balintataw ni Aling Wena ang lahat ng mga salitang sinabi niya sa anak kanina. Pinagbintangan niya itong may ginagawa itong masama sa eskuwelahan kahit ang totoo ay pinagbubutihan naman pala nito ang kaniyang pag-aaral!
Bumalik din sa kaniyang mga alaala ang lahat ng pangbabalewala niya sa anak, sa tuwing magtatangka itong magkuwento sa kaniya tungkol sa nangyayari dito sa araw-araw. Katuwiran kasi niya’y wala na siyang oras pang makipagkumustahan, dahil abala siya sa paghahanap-buhay para sa maganda nitong kinabukasan, ’tulad ng pangako niya sa ama nitong maagang sumakabilang buhay at hindi na nito naabutan pa.
Ngunit tila nakaligtaan ni Aling Wena na hindi lamang pera, edukasyon at maalwang buhay ang kailangan ng kaniyang anak. Oo nga pala at kailangan din nito ng pagmamahal at pagkalinga ng isang ina, na matagal na nitong hindi nararamdaman dahil sa kaniyang pagiging abala.
Sising-sisi si Aling Wena at gusto niyang bumawi sa kaniyang anak. Kaya naman nang umuwi sila ng bahay ay agad niya itong kinausap…
“Anak, patawarin mo ako sa nasabi ko sa ’yo… pati na rin sa lahat ng pagkukulang ko sa ’yo. Patawarin mo ako sa lahat, anak. Patawarin mo ako, dahil nakaligtaan kong iparamdam sa ’yo kung gaano kita kamahal, dahil sa pagiging abala ko sa ibang bagay.”
Ikinagulat ni Jordana ang biglang pagiging emosyonal ng kaniyang ina. Ngunit maya-maya pa ay unti-unti na niyang natanggap ang mga sinabi nito kaya hindi na nila napigilan pa ang mga sariling emosyon na agad na kumawala sa matagal na nitong pagkakakimkim.
Nagyakapan ang mag-ina. Nang mga sandaling iyon ay naramdaman nilang dalawa na isang pamilya ulit sila, kahit na wala na ang kanilang padre de pamilya. Simula noon ay hindi na kailan man ipinaramdam ni Aling Wena na nag-iisa si Jordana, at ganoon din naman si Jordana sa kaniyang ina.

Sa Sobrang Bait ng Lalaking Ito ay Palagi na Siyang Naaabuso; Isang Pangyayari ang Kaniyang Pagdadaanan Upang Siya ay Matuto
