
Sa Sobrang Bait ng Lalaking Ito ay Palagi na Siyang Naaabuso; Isang Pangyayari ang Kaniyang Pagdadaanan Upang Siya ay Matuto
“Ano, Arturo, na-contact mo na ang Reymond na ’yan?” tanong ni Sonia sa asawa.
“Hindi pa, mahal… b-baka busy lang,” kinakabahan namang sagot ni Arturo, ngunit pilit niyang itinatago iyon.
Isang linggo nang hindi nagpapakita sa kaniya ang katrabahong si Reymond na pinautang niya ng sampung libong piso nang magmakaawa ito sa kaniya. Hindi kasi siya nakatanggi noon kaya agad niya naman itong pinahiram.
“Diyos ko po, Arturo! Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa ’yo, Arturo! Pang-ilang beses ka na bang tinatakbuhan ng mga taong ’yan pagkatapos mo silang tulungan? Hindi ka na nadala!” Nasapo ni Sonia ang kaniyang noo habang kinakausap ang asawang si Arturo. Halata ang galit sa tinig niya dahil sa pamomroblema sa perang ipinahiram nito sa isa nitong katrabaho, na ngayon ay hindi na nila mahagilap kung saan nagpunta!
“Mahal, hindi ko naman alam na magkakaganito, e! Maayos naman kasi ang usapan namin ni Pareng Reymond. Malay ko bang magagawa niya akong lokohin sa kabila ng kabutihang ipinapakita ko sa kaniya?” katuwiran naman ni Arturo sa asawa. “Nagmamagandang loob lang naman ako.”
Ngunit imbes na maintindihan siya ay tila lalong ikinagalit ni Sonia ang kaniyang sinabi. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Arturo? Hindi ko kinukuwestiyon ang pagiging matulungin mo. Alam kong malinis ang intensyon mo sa pagtulong sa kanila, pero Arturo naman! Ilang beses pa bang kailangang mangyari ito sa atin bago ka matuto?” Halos maiyak na si Sonia sa sobrang inis habang hawak ang kaniyang balakang. “Hindi ko naman sinasabing masama ang ginagawa mong pagtulong sa kapwa, pero sana naman ilugar mo! Sana naman, inuna mo munang isipin itong sanggol sa sinapupunan ko, bago ang ibang tao! Mahal, manganganak na ako… at iyong perang pinakaiipon-ipon natin, ginalaw mo para ipautang sa isang kilalang lulong sa bisyo!” mahabang paglilitanya pa ni Sonia kaya wala nang naisagot pa si Arturo.
Ilang beses na kasing nangyari sa kanila ang ganoong bagay. Sobrang bait kasi ni Arturo na lahat ng gustong lumapit at humingi sa kaniya ng tulong ay tinutulungan niya, kahit pa minsan ay sobra na. Inaabuso na siya ng mga ito, ngunit tila wala pa rin itong kadala-dala!
“Alam mo, Arturo, kapag naloko ka ng isang beses, hindi mo iyon kasalanan. Pero kapag iyon ay naulit pa ng pangalawa, may leksyon nang ipinapakita sa ’yo. Ngunit kapag hindi ka pa natuto, ibig sabihin n’on, nasa ’yo na ang problema!” Pinahid ni Sonia ang luhang umalpas mula sa kaniyang pisngi at binitbit ang maletang inilabas niya mula sa kanilang kwarto. “Kaya, aalis muna ako, Arturo. Lalayo muna ako. Baka sakaling matauhan kang kami naman muna ang unahin mo bago ang iba!”
Nanlaki ang mga mata ni Arturo. Agad na dumagundong ang kaniyang dibdib nang makitang aalis ang kaniyang asawa. Tinangka niya pa itong pigilan ngunit talagang desidido itong umalis muna!
Halos manlumo si Arturo sa naging paghihiwalay nila ni Sonia. Natatakot siyang baka hindi na siya balikan nito. Sa totoo lang ay ngayon lang talaga pumapasok sa kaniyang isip ang lahat ng sinabi ng kaniyang asawa.
Maya-maya pa ay isang tawag ang natanggap niya mula sa isa pa niyang katrabahong si Danny.
“Pare, bilisan mong pumunta rito sa apartment namin! Nandito si Reymond, nagmamadaling nililimas ang gamit niya para takasan ka nang tuluyan!” sabi ni Danny kay Arturo kaya naman dali-dali siyang nagpunta roon.
Naabutan niya si Reymond na nakaempake na at handa nang umalis. Sinubukan pa nitong lumiko ng daraanan nang mamataan siyang papalapit, ngunit naharang na ito ng mga kasama niyang tanod! Timbog ang utangero niyang katrabaho!
Napag-alaman nilang ipinangsugal lamang nito sa cassino ang perang ipinahiram niya rito, at nang manalo ay nanghihinayang na itong bayaran siya! Talagang balak siya nitong traydurin at takasan, kung hindi pa siya tinawagan ni Danny kanina!
Dahil doon ay napagtanto ni Arturo na hindi nga talaga lahat ng nanghihingi ng tulong ay totoong nangangailangan at dapat niyang tulungan. Minsan, hindi rin talaga maganda ang pagpapakita ng sobrang kabaitan. Lahat ng sobra ay masama.
Mabuti na lamang at nabawi ni Arturo ang perang gagamitin nila sa panganganak ng kaniyang misis. Dahil doon ay agad na humupa ang galit ni Sonia sa kaniya. Sinamahan niya rin kasi ang pakikipagbati niya rito ng pangakong ilulugar na niya ang mga gagawing pagtulong sa iba.