Target ng Dalawang Magkaibigan ang Patpating Lalaking Dumaraan Palagi sa Eskinitang Iyon; Pagsisisihan Nila ang Kanilang Gagawin

Masama ang tinging ipinukol ng magkaibigang sina Maki at Roldan sa binatang kadaraan lang sa eskinita kung saan sila umiistambay upang maghanap ng mabibiktima. Halos magkasabay nilang hinithit sa huling beses ang sigarilyong hawak nila bago iyon itinapon sa lapag at inapakan.

“Abangan natin mamaya ’yan. Mukhang mapera. Maganda ang jacket, e,” pabulong na sabi ni Maki sa kaibigang si Roldan nang makalayo na ang binatang tinitiktikan nila.

“Oo nga. Mukha rin namang lampa at patpatin. Tingnan mo’t makapal ang suot na jacket. Baka hindi kinakaya ng nipis ng katawan niya ang lamig ng panahon ngayon,” tatawa-tawa pang komento naman ni Roldan. “Siguradong yari sa atin ’yan mamaya. Tiba-tiba na naman tayo nito!” puno ng kasabikang dagdag pa nito na malawak ang pagkakangiti.

Halos araw-araw ay ganoon ang gawain ng dalawang ito. Umiistambay sila sa mga eskinita upang maghanap ng mabibiktima sa kanilang modus na panghoholdap. Ang kinikita nila roon ay ginagamit nila sa pangtustos sa kanilang mga bisyo at iba pang pangangailangan dahil ginawa na nilang propesyon ang ganoong kasamang gawain.

Ilang beses nang nahuli ng pulis ang dalawa. Labas-masok na nga sila sa selda kung tutuusin, ngunit wala pa ring kadala-dala ang dalawang damuho. Hindi nila gustong maghanap ng matinong trabaho dahil pareho silang tamad na magbanat ng buto. Easy money raw kasi ang gusto nila dahil mas madaling kitain ito, bukod pa sa mas malaki rin ang napepera nila dito kaysa sa matitinong trabaho.

Tahimik na naghintay ang dalawa sa pagbabalik ng binatang ika nga nila ay patpatin at mukhang lampa. Alam nilang doon ulit iyon daraan dahil ilang araw na nilang tinitiktikan ang binata. Salit-salitan pa sina Maki at Roldan sa pagbabantay kung nasaan na ito, hanggang sa maya-maya pa ay namataan na nila itong papalapit.

“P’re, maghanda ka na. Nariyan na ang target natin!” puno ng kasabikang sabi ni Maki sa kasama. Agad namang pumuwesto si Roldan.

Sandaling pinalampas muna ng dalawa ang patpating binata bago nila ito dinikitan sa likod. Agad nilang itinutok sa tagiliran nito ang hawak nilang matatalas na bagay.

Advertisement

“Holdap ’to, huwag kang kikilos. Ibigay mo sa amin ang lahat ng pera, alahas at gadget na dala mo para hindi ka masaktan,” pag-uumpisa ni Maki. “Itaas mo ang kamay mo. Kakapkapan ka namin!”

Ngunit sa pagtataka ng dalawa ay hindi naman sumusunod ang binata. Tila ba wala itong naririnig, kaya naman kunot-noong inulit ni Roldan ang sinabi ng kaibigang si Maki.

“Hoy, wala ka bang naririnig?” takang tanong ni Roldan sa galit na tinig. “Mukhang gusto mo yatang masaktan, a!”

“May naririnig ako. Wala lang akong pakialam,” sagot naman ng binata na lalong nakapagpapikon sa dalawa.

“Aba’t talagang gusto mo yatang—” ngunit bago pa man maituloy ni Maki ang kaniyang sasabihin ay napahinto na siya nang biglang marinig na humiyaw nang malakas si Roldan!

“Aray!”

Bigla kasing tinadyakan ng patpating binata ang lulod nito, dahilan upang mapaluhod ito habang sapo ang nasaktang parte ng katawan.

Mabilis ang naging kilos ng binata at sumunod namang nakatikim si Maki. Isang bira sa kaniyang panga ang pinakawalan ng patpating binata agad namang nakapagpabagsak sa nasabing holdaper!

Advertisement

Ngunit walang kadala-dala ang dalawa. Pinilit nilang tumayo at sabay pang sumugod ang mga ito habang nakaamba ang kanilang mga dalang matatalas na bagay sa binata.

Laking pagtataka na lang nila dahi animo ito simbilis ng kidlat kung kumilos. Isang kurap lang nila’y nakarating na ito sa kanilang pwesto at naunahan na sila nito! Pareho silang binalya ng binata sa sikmura na halos magpaduwal nang matindi sa dalawa!

Wala na silang nagawa kundi ang mapadapa sa lapag. Hinalikan nilang pareho ang lupa! Uubo-ubo pa ang dalawang holdaper nang muli na naman silang makatikim ng panunuhod mula sa patpating binata. Akmang bibira pa ito ng isa, nang pigilan ito ng dalawa, sa pamamagitan ng pagmamakaawa.

“T-tama na po! Ayoko na po! Tama na!” magkasabay na daing nila. Mabuti na lang at nakinig naman ang binata at pinagbigyan sila hanggang sa dumating na ang mga pulis.

Nadala ang dalawa sa traumang inabot nila nang mag*lpi de gulat sila ng ‘patpating’ binatang naisipang i-target nang araw na iyon. Napag-alaman kasi nilang isa pala itong balik-bayang galing pa sa ibang bansa, dahil ito ay lumaban sa isang martial arts competition at ito ang nag-uwi ng pa ng titulo.

Mali ang bumase sa kung ano lamang ang nakikita ng ating mga paningin, ngunit mas mali ang gumawa ng masama, dahil lamang ang iba ay mas mahina sa atin. Iyon ang natutunang leksyon ng dalawang magkaibigang Maki at Roldan, na siguradong hindi na uulit pa sa kanilang ginagawang kalokohan, kailanman.