Inday TrendingInday Trending
Nahayok sa Isang Pagkakakitaan sa Internet ang Ginang na Ito, Dito na Raw Siya Tuluyang Yayaman

Nahayok sa Isang Pagkakakitaan sa Internet ang Ginang na Ito, Dito na Raw Siya Tuluyang Yayaman

“Mukhang ang dami mong pera ngayon, mare, ha? Hindi ba’t noong makalawa ka lang nag-grocery? Tapos ngayon, may bitbit-bitbit ka na namang mga grocery! Baka pupwede mo naman akong isabit sa raket mo para may pang-grocery din ako!” sambit ni Janice sa kumare, isang umaga nang makita niya itong naghihintay ng pedicab sa palengke habang bitbit ang mga pinamiling pagkain.

“Bakit? May pera ka pamphunan? Ako kasi meron kaya napadali ang pagpasok ko sa isang negosyo na wala akong ginagawa. Naghihintay lang akong dumating sa akin ang pera,” taas kilay na sagot ni Ethel saka bahagyang itinago sa likod ang mga pinamili.

“Ano? May gan’yang klaseng negosyo?” pagtataka nito na ikinangisi niya.

“Oo! Nakita ko lang ‘to sa social media! Sinubukan kong maghulog ng isang libo, tapos ngayon, paglipas ng dalawang linggo, may dalawang libo na ako! Balak ko ngayong maghulog ng limang libo o higit pa!” pagyayabang niya na ikinagulat nito lalo.

“Naku, ang swerte mo naman,” wika pa nito.

“Sabi mo pa! Tingin ko, ito na ang ikayayaman ko! Kaya ikaw, magtrabaho ka para may pera ka at maisali kita rito!” pagmamalaki niya pa saka bahagyang tumawa at agad na sumakay sa dumaang pedicab.

Laki sa hirap ang ginang na si Ethel. Naranasan niyang kumain ng mga tira-tirang pagkain mula sa isang restawran na kinokolekta ng kaniyang ina para lamang mairaos nila ang gutom na kanilang nararamdaman. Muli lang lulutuin ng kaniyang ina ang mga tira-tirang ito gamit ang mga panggatong at bibili ng kalahating kilong bigas na paghahatian nilang walong magkakapatid.

Sinuwerte lang talaga siya nang siya’y magdalaga at makatagpo ng isang binatang hindi man mayaman, mayroon namang pangarap sa buhay. Ang binatang ito na ngayo’y asawa na niya ang nagbigay kulay sa mundo niya, tumugon sa kumukulo niyang tiyan, at nagmahal sa kaniya nang labis kahit na kakarampot lamang din ang sinasahod nito sa konstruksyon.

Kaya naman, ganoon na lang siya nahayok nang makatagpo siya ng isang pagkakakitaan sa internet gamit ang naipon niyang pera sa pagkurot-kurot sa sahod ng kaniyang asawa.

Ang perang ito ay ipapangpuhunan niya sana sa pagtitinda ng tuhog-tuhog upang makatulong sa kanilang gastusin, kaya lang, nang makita niya nga ang pagkakakitaang iyon sa internet, hindi siya nagdalawang-isip na magtiwala roon.

Hindi naman siya binigo nito dahil paglipas ng ilang araw, dumoble nga ang kaniyang pera. Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magyabang sa kumare dahil pakiramdam niya, ito na ang simula ng tuluyan niyang pagyaman.

At dahil nga kumita na siya ng doble rito, muli na naman siyang naglaan ng pera sa pagkakakitaang ito. Nagawa niya pang mangutang para lamang makapagbigay ng limang libong piso. Lingid man ito sa kagustuhan ng kaniyang asawa, tinuloy niya pa rin ang paghuhulog ng pera rito.

Wika niya pa sa asawa, “Magtiwala ka, isa lang ito sa mga laro sa buhay! Kailangan nating maging madiskarte para umasenso! Hindi tayo aasenso sa trabaho mong mababa ang sahod!” na talaga nga namang ikinainsulto nito dahilan para siya’y hayaan na lamang.

Ngunit ang perang hinihintay niya, hindi na muling bumalik sa kaniya. Sinubukan man niyang tawagan o padalhan ng mensahe ang taong kausap niya na nagtatrabaho raw sa negosyong iyon, hindi niya ito magawa dahil siya’y naka-block na sa account nito.

Doon na siya tuluyang nanghina. Hindi niya alam kung paano ito sasabihin sa kaniyang asawa dahilan para siya’y maiyak na lamang habang nag-iisip kung saan maaaring kumuha ng pera pangbayad sa pinagkakautangan niya.

Naabutan siyang umiiyak nito at laking gulat niya nang maupo lang ito sa tabi niya at bumuntong-hininga.

“Naloko ka, ‘no?” tanong nito kaya siya’y agad na napatango, “Duda talaga ako riyan, eh, wala naman kasing pera na bigla na lang lalapit sa’yo na wala kang ginagawa. Ethel, mahal ko, sa buhay, kailangan mong paghirapan lahat. Hindi ‘yong aasa ka sa milagrosong pamamaraan,” dagdag pa nito saka siya mariing na niyakap.

Napag-usapan nilang mag-asawa na makiusap sa pinagkakautangan niya habang uumpisahan niya ang pagtitinda ng tuhog-tuhog gamit ang sahod ng asawa. Sa kabutihang palad naman, sila’y pinagbigyan nito at binigyan ng isang buwan upang bayaran ang kanyang utang.

Wala na siyang sinayang na oras nang mga panahong iyon. Agad niyang sinimulan ang pagtitinda ng mga tuhog-tuhog na talaga nga namang pumatok sa kanilang lugar.

Sa araw-araw niyang pagtitinda, kumikita siya ng lima hanggang pitong daang piso na pinapaikot niya hanggang sa tuluyan na siyang makabayad sa pinagkakautangan niya.

“Mas masarap pala talagang paghirapan ang perang mayroon ka kaysa sumugal sa walang kasiguraduhan bagay,” wika niya habang binibilang ang kaniyang kinitang pera sa isang araw.

Advertisement