Inday TrendingInday Trending
Pumatol ang Magandang Dalagang Ito sa Pangit at Tambay na Binata, Sandamakmak na Panghuhusga ang Natanggap Niya

Pumatol ang Magandang Dalagang Ito sa Pangit at Tambay na Binata, Sandamakmak na Panghuhusga ang Natanggap Niya

“Nasaan ba ang utak mo, Patricia? Bakit hindi mo sinagot ‘yong pogi at mayaman mong manliligaw, ha? Patingin nga ng litrato noong binatang pinagpalit mo roon!” dismayadong bungad ni Seline sa kaibigan, isang hapon nang mapagdesisyunan nilang magkita sa isang kapehan.

“Napamahal na kasi talaga ako sa binatang sinagot ko. Maraming bagay na mayroon sa kaniya na wala sa poging iyon,” paliwanag ni Patricia habang naghahanap ng larawan ng binata sa kaniyang selpon.

“Diyos ko! Ano pa bang kulang doon? Gwapo, mayaman, may kotse, at higit sa lahat, mabait!” wika pa nito habang ginugulo-gulo ang buhok niya.

“Hindi niya naman ako kayang suyuin kapag nagkakatampuhan kami. Hinahayaan niya lang akong magalit tapos kapag nagpatuloy akong magalit, magagalit din siya sa akin. Hindi katulad nito ni Joshua, palagi akong sinusuyo at pinapasaya,” sagot niya saka ipinakita rito ang nakita niyang larawan sa selpon niya.

“Bulag ka ba? Tao pa ba ‘yan? Ang pangit-pangit! Mukha pang maasim! Ang ganda-ganda mo tapos ‘yan ang nobyo mo? Paano kayo rarampa sa kalsada niyan? Gagawin kang katatawan ng mga tao! Hiwalayan mo na ‘yan! Kadiri ka!” sigaw nito habang inilalayo ang selpon niya dahilan para siya’y mapabuntong-hininga na lang.

Hindi tumitingin sa itsura ng kaniyang mamahalin ang dalagang si Patricia. Ubod man siya ng ganda, talino, at sexy, ni minsan, hindi niya ito ginawang pamantayan para magkaroon siya ng isang binatang babagay sa itsura niya.

Sa katunayan, sa dami-dami ng mga binatang nangliligaw sa kaniya simula pa lamang noong hayskul siya hanggang ngayong siya’y isa nang modelo, ni isa sa mga iyon, walang nagpatibok ng puso niya.

Ugali kasi ang tinitingnan niya, hindi ang itsura o taba ng bulsa ng isang binata dahil katwiran niya, “Aanuhin ko ang panlabas na anyo kung bulok naman ang ugali? Hindi ko rin kailangan ng matabang bulsa ng lalaki dahil kaya kong buhayin ang sarili ko,” na para sa kaniyang mga kaibigan at kaanak, isa na namang kat*ngahan.

Lalo pa siyang kinagalitan ng mga taong malalapit sa kaniya nang hindi niya sagutin ang anak ng may-ari ng pinagtatrababuhan niyang kumpanyang at ito’y ipagpalit sa kapitbahay nilang mataba na nga, wala pang trabaho.

Isang katutak man na panghuhusga ang kaniyang nakakamit sa araw-araw na may makakakita sa kanilang dalawa na magkasama, tinatakpan niya na lang ang mata at tainga upang huwag masaktan sa sasabihin ng iba.

“Naniniwala akong siya ang magpapasaya sa buhay ko,” giit niya pa sa kaibigan nang araw na iyon bago sila tuluyang bumili ng iinumin nilang kape.

Lumipas ang mga araw na patuloy niyang pinaglalaban ang lalaking ito. Ngunit, dumating ang hindi inaasahang problema, siya’y nawalan ng trabaho at nagkasakit pa ang kaniyang mga magulang.

Ni hindi niya alam kung saan siya maaaring lumapit. Alam niyang wala ring pera ang nobyo niya na siyang una niyang naisip na lapitan dahilan para kapalan na niya ang mukha niya at lumapit sa kaibigan niyang si Seline.

“O, anong silbi ng nobyo mo? Bakit sa akin ka lumalapit? Wala akong pera!” inis na sambit nito na lalo niyang ikinaiyak.

Unti-unti na siyang nawawalan ng pag-asa ng mga oras na iyon habang sabay na naghihingalo sa ospital ang kaniyang mga magulang nang biglang dumating ang nobyo niya. May dala-dala itong isang bag ng pera, pawisan, at ngiting-ngiti sa kaniya.

“Pasensya na, mahal, kung natagalan ako. Ang haba ng pila sa bangko, eh. Ito ‘yong naipon ko sa pagnenegosyo ko, pwede mo itong gamitin,” wika nito saka iniabot sa kaniya ang naturang bag.

“May negosyo ka? Bakit hindi ko alam?” pagtataka niya.

“Ayoko kasing isipin ng iba na minahal mo ako dahil sa pera ko kaya wala akong pinagsasabihan na may negosyo ako. Pasensya ka na, nagtago ako sa’yo,” tugon nito na labis niyang ikinaiyak.

Doon niya talagang napatunayan na tama ang taong pinili at minahal niya dahil sa mga ganitong pagkakataon sa buhay, ang tamang tao lamang ang makakapagbigay ng sekuridad sa kaniya.

Ginamit niya nga ang perang ito upang tuluyang maipagamot ang kaniyang mga magulang at sa kabutihang palad, dahil nga may pera na siyang naipakita sa mga doktor, nabigyan na ng pansin ang kaniyang mga magulang at tuluyan nang napagaling.

“Kung wala, siguro, nabaliw na ako,” mangiyakngiyak niyang sambit dito dahilan para siya’y mariing na yakapin nito at halikan sa noo na labis niyang ikinatuwa.

Simula nang umingay ang tagpong iyon sa kaniyang mga kaibigan at kapamilya, lalo na sa kaniyang mga magulang, unti-unti nilang natanggap lahat ang binatang iyon.

“Tama ka pala talaga, Patricia, dapat sa panloob na kaanyuan tayo tumingin,” wika sa kaniya ni Seline, isang araw nang malaman nitong nambababae ang pogi nitong nobyo.

Advertisement