
Nahirapang Maghanap ng Trabaho ang Bagong Gradweyt na Dalaga, Kahibangan nga ba ang Pagpasok Niya sa Pagnenegosyo?
“O, tatay, nakapagtapos na po ako ng pag-aaral, magbilang ka na lang po ng araw, mapapagamot na kita at mabibili ko na ang pangarap mong bahay!” masayang sambit ni Blesy sa amang nakaupo sa sira-sirang wheelchair habang sila’y pauwi galing sa seremonya ng kaniyang pagtatapos.
“Bilib talaga ako sa’yo, anak! Kahit kailan, hindi mo ako binibigo sa mga pangako mo sa akin! Kaya, aasahan ko ‘yang pangako mo, ha? Pasensya ka na kay tatay, hindi makatulong sa pagbuo ng pangarap nating bahay,” dismayadong tugon nito habang malungkot na nakatingin sa mga paa.
“Wala po ‘yon, tatay! Ikaw naman po ang gumapang sa amin ni nanay no’ng bata pa ako. Ngayong matanda na ako at wala na si nanay, hayaan niyo naman po akong bumawi sa inyo!” agad niyang sabi upang muling magliwanag ang mukha ng pinakmamahal niyang ama.
“Makakaasa kang ibibigay ko ang buo kong suporta sa’yo kahit sa dulo ng hininga ko!” wika pa nito na talagang nagbigay lalo ng pag-asa sa kaniya.
“Salamat po sa lahat, tatay! Mahal na mahal kita! Bukas na bukas, maghahanap kaagad po ako nang maayos na trabaho!” sambit niya pa rito dahilan para mapaiyak ito sa tuwa.
Bunga ng isang mahirap na pamilya ang dalagang si Blesy pero hindi ito naging hadlang upang maabot niya ang pangarap ng kaniyang mga magulang na siya’y makapagtapos ng pag-aaral.
Kahit na wala na ang kaniyang ina, at tanging ama niyang may malubhang sakit ang kasama niya sa buhay, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang magsumikap sa buhay para maabot naman ang bahay na pinapangarap ng kaniyang mga magulang.
Kaya naman, ngayong nakapagtapos na siya ng pag-aaral, wala na siyang sinayang na panahon at agad na siyang lumuwas ng Maynila upang maghanap ng trabaho roon sa paniniwalang may swerteng nag-aabang sa kaniya roon. Ngunit kasing hirap pala ng paghahanap niya ng makakain nila ng kaniyang ama araw-araw ang paghahanap ng trabaho rito dahil sa mataas na ekspektasyon sa mga empleyado.
Ilang kumpanya ang kaniyang napuntahan niya nang araw na iyon ngunit ni isa sa mga iyon, walang tumanggap sa isang aplikanteng kakatapos lang ng pag-aaral katulad niya.
At dahil nga limitado lang ang perang mayroon siya sa paghahanap ng trabaho, siya’y nagpasiyang magtinda muna ng lipstick sa social media upang makalikom ng pera para maipagpatuloy niya ang paghahanap.
Dito na siya inulan ng masasakit na panghuhusga ng kanilang mga kapamilya. Lalo na ang tiyahin niyang noon pa man, galit na sa kaniyang ina.
Minsan niya itong inalok ng lipstick sa pagbabakasaling mabentahan niya ito ngunit imbis na bumili, wika pa nito sa kaniya, “Nagpakahirap ang tatay mong igapang sa pag-aaral noon tapos ngayon magiging isang tindera ka lang ng lipstick? Gano’n ba kahina ang kokote mo para hindi ka makahanap ng trabaho? Walang kang mararating sa pagbebenta mong ‘yan!” na talaga nga namang nagbigay ng matinding kalungkutan at kahihiyan sa kaniya.
Ikinuwento niya ito sa tatay niya at labis itong nagalit sa kapatid. Pero dahil nga mahina na ito, siya na lang ang pinangaralan nito.
“Anak, sa buhay, kailangan mong magbingi-bingihan sa mga masasamang sinasabi ng tao sa’yo dahil iyon ang hahadlang sa pagtatagumpay mo. Sa akin ka lang makinig, dahil ako lang ang kakampi mo sa buhay na ‘to. Hangga’t may isang naniniwala sa’yo, magpatuloy ka, anak,” payo nito na talagang nagbigay ng kalakasan sa kaniya.
Makailang beses man siyang muling ibaba ng tiyahin niyang ito, hindi na niya ito inintindi at siya’y nagpatuloy sa pagtitinda hanggang sa kumikita na siya ng lima hanggang sampung libong piso kada linggo dahil sa iba’t ibang pangkolorete sa mukhang ibinebenta niya.
Dito na siya nagdesisyong magpatuloy sa pagnenegosyo at huwag nang maghanap ng trabaho. Ginamit niya ang naipon niyang pera para mapalago ang kaniyang negosyo hanggang sa siya’y magkaroon ng sarili niyang pangalan sa larangan ng make-up.
Iyon na ang naging simula ng kaniyang pagtatagumpay. Agad niyang pinagamot ang kaniyang ama at sinimulan ang pagpapagawa ng pangarap nilang bahay.
Ilang buwan pa ang lumipas, tila milagrosong nakagagabay-gabay na muli ang kaniyang ama at tuluyan nang nagawa ang kanilang bahay na labis nilang ikinatuwa.
Mangiyakngiyak niyang niyakap ang kaniyang ama habang pinagmamasdan ang bago nilang bahay. Wika niya, “Salamat, tatay, tinuruan mo akong maging bingi sa mga masasakit na sinasabi nila, ngayon, masasabi kong nagtagumpay na talaga ako,” saka niya ito mariing na niyakap.
Bago pa matapos ang pag-uusap nilang iyon, dumating ang tiyahin niyang nangmaliit sa kaniya. Nanghihingi ito ng tulong pinansiyal dahil may sakit itong nararamdaman at dahil nga likas sa kanilang mag-ama ang kabaitan, tinulungan nila ito nang walang pag-aalinlangan.
Doon mas tumibay ang puso ng dalaga. Lalo siyang naging matapang sumubok ng mga bagay hanggang sa marami na rin siyang matulungang nangangailangan na katulad niya dati, mga naghahanap ng trabaho.