Inday TrendingInday Trending
Pinabuntis ng Ginang ang Anak sa Isang Kano, Ito na Nga Ba ang Solusyon sa Paghihirap Nila?

Pinabuntis ng Ginang ang Anak sa Isang Kano, Ito na Nga Ba ang Solusyon sa Paghihirap Nila?

“Anak, may gusto ba sa’yo ‘yang ‘Kanong ‘yan?” pang-uusisa ni Maribelle sa kaniyang anak, isang gabi matapos niyang yayaing pumasok sa kanilang bahay ang amo nitong ‘Kano.

“Mama, wala po! Amo ko po ‘yan! Sakto lang talagang dadaan siya rito sa barangay natin kaya sinabay na niya ako,” paliwanag nito habang nagtitimpla ng juice para sa binata.

“Ay, hindi ako naniniwala! Pakiramdam ko, may gusto sa’yo ‘yan! Diyos ko, aahon na tayo sa kahirapan!” masayang sambit niya habang pumapalakpak pa.

“Huwag kang mag-ambisyon, mama! Sekretarya niya lang ako at siya ang boss ng kumpanyang pinagtatrababuhan ko. Kung hindi mo ‘yan pinilit pumasok dito sa bahay natin, hindi ‘yan aapak sa madumi nating sahig!” pangongontra pa nito na ikinailing niya.

“Naku, kung ako sa’yo, aakitin ko ‘yang lalaking ‘yan. Mukhang madali lang naman mahuli ang kiliti niya, eh. Kapag nagawa mo ‘yon, anak, yayaman na tayo!” payo niya rito na ikinabusangot ng mukha nito.

“Mama, naman!” inis na sigaw nito.

“Magpabuntis ka agad, ha? Para wala na ‘yang kawala!” sambit niya pa sabay kuha ng natimplang juice at agad na nagpunta sa binatang naghihintay sa maliit nilang sala, “Hi, do you want to sleep here? It’s midnight already!” pagpupumilit niyang magsalita ng Ingles para lang ito’y matulog sa bahay nila.

Desperada nang yumaman ang ginang na si Maribelle dahil simula nang siya’y magkamuwang sa mundong ito, labis na paghihirap na ang kaniyang naranasan.

At dahil nga laki sa hirap, pag-aasawa ang tangi niyang nakitang solusyon upang guminhawa ang buhay niya kahit papaano. Kaya lang, ang pag-aasawa niyang ito ang mas lalong nagbigay pasakit sa kaniya. Lalo pa noong siya’y magsilang ng isang sanggol habang nagloloko ang kaniyang kinakasama.

Kahit na wala siyang alam sa buhay nang mga araw na ‘yon, ginapang niya ang anak para lamang makapagtapos ito ng pag-aaral at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang tuluyan itong makapatapos at makahanap ng isang magandang trabaho.

Abot tainga pa ang kaniyang mga ngiti nang malaman at makita niyang isang ‘Kano ang amo nito dahilan para agad niya itong hilahin papasok ng kanilang bahay upang ito’y pagsilbihan at suyuin. Pilit man siyang pinipigilan ng anak, hindi niya ito pinakinggan dahil sa kagustuhang yumaman.

Lalo pa siyang nasiyahan nang pumayag ang naturang ‘Kano na matulog sa kanilang bahay at dahil nga ang anak niya lang ang may sariling kwarto, roon niya ito pinatulog kasama ng kaniyang anak.

Nakuha niya pa itong pagsuotin nang nakakaakit na damit upang tuluyan na raw nitong mabingwit ang binata. Pilit mang tumanggi ang anak, sermon niya rito, “Ito na ang pagkakataon nating yumaman! Ngayon ka pa aatras? Gawin mo lang kung anong gusto niya at siguraduhin mong mabubuntis ka, ha? Kung hindi, ikaw ang malalagot sa akin!” saka niya ito tinulak papasok ng naturang silid.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang maghanda ng almusal. Ngiting-ngiti siya nang lumabas ang ‘Kanong iyon at ang kaniyang anak na magkahawak na ang mga kamay.

Labis pa siyang nasiyahan nang abutan siya ng limang libong piso ng ‘Kano bilang kabayaran sa hinanda niyang pagkain na agad niyang kinuha kahit tumatanggi na ang anak niya.

Lumipas ang mga araw, napadalas ang pagtulog ng binata sa kanilang bahay kasabay ang pagbibigay nito sa kaniya ng pera hanggang sa isang araw, nalaman niya na lang na buntis na ang kaniyang anak na labis niyang ipinagdiwang. “Ito na ang katapusan ng paghihirap ko!” sigaw niya habang panay ang yakap sa dalaga.

Pagdating ng binata sa bahay nila, agad niyang binalita ang pagdadalantao ng anak. Bago pa ito magbigay ng reaksyon sa balitang natanggap, agad niyang sambit dito, “You better give us a house, okay? House and lot!” dahilan para mapakunot ang noo nito.

Agad siyang pinigilan ng kaniyang anak ngunit tuloy pa rin siya sa pangungumbinsi ritong bigyan sila ng bahay at lupa. Humiling pa nga siya ng sasakyan dito para raw hindi matagtag sa paglalakad ang kaniyang anak na makakasama sa dinadala nitong sanggol.

At dahil doon, hindi na muling bumalik sa kanilang bahay ang naturang ‘Kano. Ilang beses man niya itong tawagan, hindi siya sinasagot nito at nabalitaan niya pang natanggal na sa trabaho ang kaniyang anak.

“Paano na ako ngayon niyan, mama? Naging mapang-abuso ka, eh!” sigaw nito sa kaniya habang humagulgol.

Doon na siya tila pinagsakluban ng langit at lupa. Tila naulit sa kaniyang anak ang naranasan niya noon dahilan para ganoon na lang siya magalit sa sarili.

Ilang araw niyang pinagsisihan ang ginawang pananamantala sa pera ng ‘Kanong iyon at nang mapag-isip-isip niyang kailangan niyang kumilos para sa anak, doon siya nagpasiyang maghanap ng trabaho upang buhayin ang anak at ang magiging apo.

Mahirap man at puno siya ng pagsisisi sa puso, pinilit niyang magpakatatag at namnamin ang karmang natanggap niya sa maling gawain.

Namuhay man mag-isa ang anak niya katulad niya, ipinangako niya ritong hindi niya ito iiwan.

Advertisement