Inday TrendingInday Trending
Gumamit ng Mumurahing Make-up ang Dalagang Ito, Sulit Nga Ba Ito?

Gumamit ng Mumurahing Make-up ang Dalagang Ito, Sulit Nga Ba Ito?

“O, anak, ang dami mo na namang bagong biling make-up, ha? Saan galing ang pera mo? May nahanap ka na bang trabahong pupwede mong pagsabayin sa pag-aaral mo?” pang-uusisa ni Aling Ayo sa anak, isang hapon nang umuwi itong may bitbit na mga make-up.

“Wala po, mama, mumurahin lang po itong mga make-up na ito. Galing lang po ito sa baong binibigay niyo sa akin,” sagot ni Yassi saka isinambulat sa lamesa ang mga binili niyang make-up.

“Ano? Magkano lang ang binibigay kong baon sa’yo, ha? May ganoon bang kamurang mga make-up ngayon?” pagtataka nito dahilan pa siya’y mapangisi.

“Opo, mama. Lahat po itong make-up na nabili ko tig-tetrenta pesos lamang po! Tapos po itong liquid foundation, sikwenta pesos po, mama!” pagmamalaki niya rito saka pinakita pa rito ang resibo.

“Diyos ko, anak, itigil mo ang paggamit ng mga produktong iyan! Tiyak, masisira niyan ang balat mo sa mukha!” payo nito na hindi niya inintindi.

“Hindi naman po siguro, mama! Kaysa naman mahuli ako sa uso sa paaralan, ‘di ba? Ayos na ito, nakatitipid na ako, maganda pa ako!” pagmamatigas niya saka agad na kinuha ang mga make-up at tinago sa kaniyang silid.

Katulad ng mga ibang babaeng nagdadalaga, unti-unti ring nahilig ang dalagang si Yassi sa paglalagay ng mga kolorete sa kaniyang mukha.

Nagsimula ang interes niya sa mga make-up nang makita niya ang naggagandahang mamahaling make-up na mayroon ang isa niyang kaibigan. Lalo pa siya nang nahumaling dito nang makita niya kung paano lalong gumanda ang kaibigan niya gamit ang mga produktong iyon.

At dahil nga wala siyang kakayahang bumili ng ganoong klaseng mga produkto, naisipan niya itong hiramin at subukan sa kaniyang mukha. Nang makita niyang tila nabuhay ang mukha niya sa paggamit ng mga produktong ito, roon na siya nangako sa sariling bibili siya nito.

Pero dahil nga kapos sila sa buhay at mayroon lamang siyang singkwenta pesos na baon araw-araw, naisipan niyang humanap ng paraan upang makabili pa rin ng mga make-up gamit ang pera niyang ito.

Tiniis niyang hindi gumastos ng isang linggo upang makaipon ng pera saka siya nagtungo sa isang tindahang nagbebenta ng mga mumurahing make-up.

Doon, nakakita siya ng mga mumurahing make-up na talaga nga namang nagbigay ng pag-asa sa kaniya. Wika niya pa, “Sa wakas! Mayroon na rin akong sariling make-up!”

Kaya lang, pag-uwi niya, labis siyang pinagbawalan ng kaniyang ina na gamitin ang mga produktong ito at dahil nga desidido na siyang baguhin ang itsura niya gamit ang mga make-up na ito, siya’y nagmatigas at agad na sinubukan ang mga ito.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang makitang muling nabuhay ang mukha niya gamit ang mga produktong ito.

“Ganito rin naman ‘yong nabibigay na ganda ng mga mamahaling make-up ng kaibigan ko. Mabuti na lang talaga wais ako, ang laki ng natipid ko!” sambit niya habang pinagmamasdan ang kaniyang mukha sa salamin.

Kinabukasan, bago pumasok ng eskwela, muli na naman siyang naglagay ng make-up. Nakaramdam man siya ng bahagyang pangangati sa mukha, hindi niya ito pinansin. Sabi niya pa, baka naninibago lamang ang mukha niya.

Lumipas ang isang linggong paggamit ng mga produktong iyon, napansin niyang nagsimulang mamula ang kaniyang mukha at ang dating makinis niyang balat sa pisngi at noo, nagkaroon na ngayon ng mga tigyawat na labis niyang ikinabahala.

“Patungan mo lang ‘yan ng makapal na make-up, mawawala ‘yan!” payo sa kaniya ng kaibigan na sinunod niya naman kahit na sobra na siyang kinakabahan.

Isang gabi, nakita siya ng kaniyang ina na walang make-up at labis itong nagulat sa sitwasyon ng kaniyang mukha.

“Pinagpatuloy mo pa rin ba ang paggamit sa mga produktong iyon?” galit na tanong nito, tumango-tango lang siya. Agad nitong hinanap ang kaniyang mga make-up at ito’y pinagtatapon, “Sa kagustuhan mong makasabay sa uso at makatipid, lalo tayong mapapagastos pangpagamot sa mukha mo!” galit na sigaw nito na ikinaiyak niya.

Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin at tila nga malayong-malayo na ang itsura niya ngayon sa dati niyang itsura. Wala nang mapaglagyan ang mga tigyawat na araw-araw nanganganak na talagang nagbigay sa kaniya nang malalang insekuridad.

Sising-sisi man siya at nais na agad maibalik ang dati niyang itsura, wala siyang magawa kung hindi ang umiyak na lamang gabi-gabi habang hinihintay na magkapera ang ina upang siya’y maipagamot.

Sa kabutihang palad, naawa sa kaniya ang mayaman niyang kaibigan at siya’y pinagamot. Mahaba man ang prosesong kailangan niyang pagdaan bago muling kuminis ang balat niya, tiniyaga niya ito upang muling mapaganda ang sarili.

“Maging aral sa’yo ito, anak. Hindi porque nauuso, kailangan mong gawin sa sarili mo,” payo pa ng kaniyang ina habang sila’y naghihintay sa kaniyang kaibigan sa isang klinika.

Lumipas pa ang halos isang taon, dahil sa galing ng doktor na gumamot sa kaniya, muling naibalik ang ganda ng kaniyang kutis at sa pagkakataong ito, ayaw na niyang maglagay ng kahit anong mumurahing kolerete sa mukha.

“Makukontento na lang ako sa natural kong kagandahan,” wika niya sa sarili habang tuwang-tuwa pinagmamasdan ang mukha.

Advertisement