Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakuntento ang Panganay sa Iniwan ng Kaniyang Pumanaw na Ama; Ang Bunso pa ang Siyang Nagparaya

Hindi Nakuntento ang Panganay sa Iniwan ng Kaniyang Pumanaw na Ama; Ang Bunso pa ang Siyang Nagparaya

Nagtipon-tipon ang limang magkakapatid. Katatapos lang ng ika-apatnapung araw simula noong pumanaw ang kanilang ama.

Pinatawag sila ng abogado ng kanilang ama upang basahin sa kanila ang huling habilin nito.

“Ibinibigay ko sa aking bunsong anak na si Mary Rose ang aking hacienda sa bayan ng San Andres. Ang lahat ng kinikita ng hacienda ay kay Mary Rose lamang mapupunta, maliban na lamang kung ililipat niya ang pangalan nito sa iba.”

Iyon ang ang unang-unang habilin ng kanilang ama.

Agad na nakaramdam ng galit ang panganay na si Sarah. Ilang beses niyang iniungot sa kaniyang Papa na ibigay nito sa kaniya ang lupain na iyon, lalo pa’t malaki ang kita noon. Subalit sa huli ay sa bunsong anak pa rin iyon napunta.

“Ano? Bakit naman sa bastardang ‘yan mapupunta ang hacienda? Wala siyang karapatan sa pera ni Papa!” agad niyang kastigo sa abogado.

Nagagalit siya dahil para sa kaniya, walang puwang sa pamilya nila ang anak sa labas na si Mary Rose.

“Wala tayong magagawa, Sarah. Iyon ang desisyon ng inyong ama, at hindi na natin ito mababago,” sagot ng abogado.

“Ate, ‘wag ka na nga munang mag-eskandalo. Malay mo naman, mas maganda pala ang bibigay sa’yo ni Papa,” komento ni Elmer, ang sumunod sa kaniya. Matanda lamang siya rito ng dalawang taon.

Nanahimik siya. May punto nga naman si Elmer. Alam nila na may mga ari-arian ang kanilang Papa na hindi nila nalalaman.

Nagpatuloy ang abogado sa pagbabasa. Si Elmer ay nakuha ang mansyon nila sa Maynila, at ang pabrika ng sardinas, habang ang sumunod naman dito na si Arthur ay nakuha ang dalawa pang negosyo nila.

Labis siyang umaasa na hindi siya bibiguin ng kanilang ama at ibibigay nito ang nararapat para sa kaniya.

“At para sa aking panganay na si Sarah, na naging kanang kamay ko sa pamamahala ng aming mga negosyo. Ipinagkakatiwala ko sa kaniya ang lupain na nabili ko sa sa San Roque. Nais ko na palaguin niya iyon, gaya ng ginawa niya sa aming mga negosyo.”

Inaasahan niya na mayroon pang susunod doon kaya nagulat siya nang makitang isinara na ng abogado ang kung anong binabasa nito.

“Ano? ‘Yun na ‘yun? ‘Yun lang ang iniwan ni Papa sa akin? Isang lupain kung saang lupalop? Matapos ang nagawa ko para sa pamilyang ‘to?” labis ang pagkadismaya ng bulalas niya.

“Sarah, kilala mo ang iyong ama. Sa’yo siya pinaka-may tiwala. Sigurado ako na may dahilan kung bakit sa’yo niya iniwan ang lupain,” katwiran ng abogado.

Marahas siyang umiling. “Hindi. Hindi ko mapapatawad si Papa! Mas mapapakinabangan pa ang ibinigay niya sa bastarda, kaysa sa akin na panganay niya!” aniya bago pinukol ng matalim na tingin si Mary Rose.

Nagulat ang lahat nang magsalita si Mary Rose.

“Ate, ‘wag mong bastusin ang alaala ni Papa dahil naging mabuti siyang ama sa atin. Kung ayaw mo talaga sa iniwan ni Papa, magpalit na lang tayo para walang gulo. Sa’yo ang lupain sa San Andres, at sa akin ang lupain sa San Roque,” pagdedesisyon nito.

Agad silang gumawa ng kasulatan na nagpapatunay na inilipat nila sa pangalan ng isa’t isa ang kani-kanilang mga lupain.

“Kunin mo ang lupa sa San Roque at magpakalayo-layo ka na. Ngayong wala na si Papa, wala nang dahilan para humalo ka pa sa pamilya namin,” payo niya kay Mary Rose bago sila naghiwalay noong araw na iyon.

Ginawa naman nito ang sinabi niya. Hindi niya na nakita pang muli ang kapatid. Siya naman ang naging abala na sa mas lalo pang pagpapalago sa hacienda. Dahil sa magaling niyang pamamahala ay naging triple na ang kinikita nito kumpara sa dati.

“Hindi pa rin ako makapaniwala na nakipagpalit sa akin si Mary Rose. Tat*nga-t*nga talaga ang babaeng iyon,” kung minsan ay naiisip niya.

Isang araw, gaya ng nakagawian niya na ay nanoood siya ng balita habang nag-aalmusal. Isang balita ang gumulat sa kaniya.

“Isang lupain sa San Roque ang kasalukuyang pinag-aagawan ngayon sa mataas na halaga. Ang lupain kasi ay napag-alamang kakaiba at kayang magpatubo ng kahit na anong halaman! Narito si Ms. Mary Rose Rosela, ang may-ari ng lupain, para sa isang interview.”

Nang makita niya ang bunsong kapatid sa telebisyon ay napatayo siya sa labis na gulat. Nang marinig niya ang panayam sa kapatid ay labis ang naging pagsisisi niya.

“Ms. Mary Rose, napag-alaman ho namin na may mga negosyante na nag-aalok sa inyo ng daang milyon, para mabili lang ang lupa. Bakit ho hindi niyo pa ibinebenta?” tanong ng babaeng kapanayam nito.

“Naku, marami talaga. Nitong umaga lang, inalok ako ng isang bilyon,” natatawang tugon ng kapatid niya.

Halos maibuga ni Sarah ang kape niya sa sobrang gulat.

“Isang bilyon?” bulalas niya.

“Isang bilyon? Napakalaking halaga na ho noon, Ms. Mary Rose, ibebenta niyo ho ba?”

Umiling si Mary Rose.

“Hindi. Pamana kasi ito ng aking Papa. Kaya nais ko na masiguro na maalagaan ang lupain, hindi aabusuhin, at patuloy na lalago,” nakangiting sagot nito.

Marami pang sinabi si Mary Rose sa interview ngunit wala na roon ang isip ni Sarah. Binalikan niya ang araw kung kailan pinamana sa kaniya ng ama ang naturang lupa.

At kung paano niya iyon pinagpalit dahil hindi siya nakontento.

Lalo pa siyang nanghinayang nang malaman niya ang tunay na halaga ng lupain. Malaki ang halaga ng hacienda na ipinagpalit niya, ngunit nagmumukha iyong kakarampot kung ikukumpara sa halaga ng lupain ni Mary Rose.

Naalala niya ang tuloy ang madalas sabihin ng kaniyang Papa noong nabubuhay pa ito.

“Ang sinumang nagnanais nang labis ang siyang nawawalan.”

Advertisement