Inday TrendingInday Trending
Pasaway ang Binata Kaya Pinarusahan Siya ng Kaniyang Ama; Sa Isang Gabi Niya sa Kulungan ay Nabago ang Buhay Niya

Pasaway ang Binata Kaya Pinarusahan Siya ng Kaniyang Ama; Sa Isang Gabi Niya sa Kulungan ay Nabago ang Buhay Niya

“Jasper, ano na naman ba ang kalokohan na ito? Ilang taon ka na, hindi pa rin nagbabago! Plano mo ba na pat*yin kami ng Mama mo sa konsumisyon?”

Halos mabingi si Jasper sa malakas na boses ng kaniyang ama nang makausap niya ito sa telepono.

“Papa, katuwaan lang naman po. ‘Pa, puntahan niyo na po ako rito sa presinto. Hinahanap na nila ang abogado ko, eh,” tugon niya sa ama, hindi alintana ang galit nito.

Isang magaling at respetadong abogado ang Papa niya. Kilala ito sa malinis nitong reputasyon at sa pagtulong nito sa mga mahihirap.

“Nagnakaw kayo, kahit pa sabihin na katuwaan lang! Hindi ginagawang biro ang pagnanakaw, Jasper. Hindi ka na nahiya sa mga pulis na kilalang-kilala ka na!” patuloy na panenermon nito.

Ikinagulat niya ang sunod na sinabi nito.

“Hindi ako pupunta riyan. Kailangan mong matuto. Diyan ka na muna sa kulungan nang makita mo kung gaano kahirap ang buhay nila, at kung gaano kahalaga ang buhay na sinasayang mo,” malamig na pahayag nito.

Bago pa man siya makahuma ay ibinaba na nito ang tawag. Ilang sandali siyang natulala, hindi malaman ang gagawin.

Napapitlag siya nang magsalita ang pulis na kaharap niya.

“Ano, Sir? Nasaan na ang abogado mo? Kung wala kang mapapapunta rito, sa kulungan ka na matutulog,” anito, tila inip na inip na sa paghihintay.

Kumabog ang dibdib niya. Nais niyang tawagan ulit ang kaniyang Papa ngunit kilala niya ito. Kapag nagdesisyon na ito ay hindi na magbabago ‘yun.

Nang hindi siya sumagot ay iginiya siya nito papasok sa isang pinto. Huminto sila sa isang selda kung saan may tatlong lalaki sa loob.

“Ka-selda niyo. Kayo na muna ang bahala sa kaniya. Hindi ‘yan magtatagal dito, mukhang rich boy, eh,” wika ng pulis sa tatlong lalaki bago siya iniwan sa loob ng selda.

Ang tatlo ay tahimik lamang na nakatitig sa kaniya. Tila kinikilatis siya.

“Ako si Wally. Ano’ng kaso mo?” tanong ng isa sa tatlo. Matanda na ito, sa tingin niya ay kaedad ito ng kaniyang Papa.

“Nagnakaw. Napagkatuwaan naming magkakabarkada. Kaso nahuli,” naiilang na kwento niya.

“Pare-pareho pala tayo ng kaso rito. Puro pagnanakaw,” komento ng lalaking mahaba ang buhok. Nagpakilala ito bilang “Zaldy.”

“Ako si Ogie,” pakilala rin ng isa sa mga lalaki. Sa tingin niya ay kaedaran niya lang ito.

Nang makaramdam siya ng tawag ng kalikasan ay tumayo siya.

“Saan ako pwedeng gumamit ng banyo?”

Itinuro ni Ogie ang isang maliit na pinto. Tumalima naman siya.

Halos masuka siya nang salubungin siya ng masangsang na amoy. Agad niyang isinara ang pinto.

“Bakit ganun ang banyo niyo? Parang hindi nalilinisan!” nanlalaki ang matang usisa niya sa mga kasama. Nais niyang masuka sa pandidiri.

Nagkibit-balikat si Zaldy. “Nawalan ng tubig, eh. Hindi pa naaayos.”

“Paano kayo niyan?”

“Tiis-tiis. Nagreklamo na kami dati, sinabihan lang kami na preso kami, at hindi bisita,” kaswal na kwento ni Ogie.

Napapikit si Jasper sa labis na pagkadismaya. Paano siya tatagal sa lugar na iyon?

Maya-maya ay isang lalaki ang dumating. May dala itong pagkain.

Tila mga batang sabik na lumapit ang tatlo para kunin ang rasyon ng pagkain. Napasimangot si Jasper nang makita ang pagkain. Kakarampot na tinapay at sabaw.

“Sa wakas, makakakain na rin ng may sabaw. Ang tagal kong hinintay ‘to,” bulalas ni Wally. Sa mata nito ay bakas ang saya dahil sa payak na pagkain.

May kung anong tumusok sa puso niya habang pinapanood ang tatlo na maganang kumakain.

Sa ilang oras pang pamamalagi ni Jasper sa seldang iyon ay marami pa siyang natutunan na ikinadurog ng puso niya. Kahabag-habag pala ang naging buhay ng tatlo.

Si Wally ay nakulong nang magnakaw ito ng gamot para sa asawa nitong may sakit. Sa huli ay namat*y rin ang asawa nito.

Si Ogie naman, gaya niya, ay pasaway na simula pagkabata. Kaya naman nang magkaroon ng nakawan sa pinapasukan nitong pabrika ay ito ang naiturong salarin, kahit na hindi naman ito ang nagnakaw.

Habang si Zaldy ay pinili na makulong para sa boss nito na siyang totoong nagnakaw. Nangako naman daw ang kompanya nito na susuportahan ang pamilya nito, kaya pumayag na rin ang lalaki.

“Kahit mawalay ako sa kanila, basta natutustusan pa rin pangangailangan nila, ayos lang sa’kin,” sabi pa ni Zaldy.

“Bakit hindi na lang kayo mag-piyansa? Bakit pinili niyo na makulong?” kunot noong usisa niya sa tatlo.

Halos sabay-sabay pang natawa ang tatlo, na tila ba isang biro ang sinabi niya.

“Jasper, sa mahirap na gaya namin, napakalaki ng sampung libo o dalawampung libo. Saan naman kami kukuha ng ganoong halaga?” ani Wally.

“Mahirap maging mahirap, Jasper. Wala kaming kapangyarihan. Kaya ikaw, maswerte ka. Gawin mong makabuluhan ang buhay mo, at ‘wag ka nang magloko,” payo pa ni Wally.

Naalala niya ang sinabi ng kaniyang ama. Nais nitong matutunan niya kung gaano kahalaga ang buhay na sinasayang niya lang sa paggawa ng kung ano-anong kalokohan.

Malalim na ang gabi ngunit hindi gising na gising pa rin ang diwa ni Jasper. Bukod kasi hindi siya komportable na siksikan sila sa higaan, sa kauna-unahang pagkakataon ay napaisip siya.

Ano nga ba ang ginagawa niya sa buhay? Bente singko na siya, ngunit isa pa rin siyang kahihiyan sa kaniyang ama’t ina dahil sa kung ano-anong gulong kinasasangkutan niya.

Bago siya hilahin ng antok ay isang bagay ang nasa isip niya: nais niya nang ayusin ang buhay niya.

Alas singko pa lang ng umaga nang sumunod na araw ay dumating na ang kaniyang Papa sa presinto. Hindi rin nito natiis na puntahan siya.

Nakangiti siyang nagpaalam sa mga kasama niya sa selda. Sa saglit na nakasama niya ang mga ito ay napakalaki ng natutunan niya sa mga ito.

Sa paglabas ni Jasper ay tila ibang tao na siya. Ang una niyang ginawa ay ilapit sa kaniyang ama ang kaso nina Wally, Zaldy, at Ogie.

Hindi naman tumanggi ang ama niya, lalo pa’t nakita nito kung paano napagkaitan ng hustisya ang tatlo.

Tuwang-tuwa ito nang sabihin niya na itutuloy niya ang pag-aaral niya ng abogasya. Naging inspirado siya dahil sa buhay ng tatlong taong nakilala niya sa kulungan.

Sa huli ay isa-isang nakalaya ang tatlo. Tinulungan niya rin ang mga ito na makapagsimulang uli.

Labis-labis ang pasasalamat ng tatlo. “Salamat, sa wakas ay mabibisita ko na ang puntod ng asawa ko. Alam kong matagal niya na akong hinihintay,” wika ni Wally bago siya nito niyakap nang mahigpit.

Sa isip ni Jasper ay nabuo ang isang pangarap. Hindi na siya papayag na may mga maliliit pang tao na maapi. Sa pagtatanggol sa mga naaapi niya ilalaan ang kaniyang buhay!

Advertisement