
Katakot-takot na Hirap ang Dinanas ng Magkakapatid nang Maulila Sila; May Kasiyahan pa bang Naghihintay sa Kanila?
“Mga anak, ito ang Tito Javier niyo. Kaibigan ni Mama. Magmano kayo.”
Tandang-tanda pa ni Sandra nang unang ipakilala ng kaniyang ina ang lalaking kaibigan daw nito. Ngunit sa unang tingin pa lamang ay alam niya nang higit pa sa pagkakaibigan ang relasyon ng mga ito.
Kahit labing dalawang taong gulang lamang si Sandra ay kayang-kaya niya nang basahin ang mukha ng kaniyang ina. Nais niyang suportahan ang kaniyang ina kaya kahit na hindi siya sanay makipag-usap sa mga estranghero ay lumapit siya sa lalaki.
“Mano po,” magalang niyang usal bago nagmano rito.
Dahil siya ang pinakamatanda, maaga siyang namulat sa katotohanan na hindi madali ang buhay ngunit malaki ang pasasalamat niya dahil napakaswerte nila sa kanilang ina.
Kahit na pagod ito sa trabaho ay sinisigurado pa rin nitong naalagaan sila nito nang mabuti. Kahit na wala itong oras para sa sarili ay hindi ito kailanman nawalan ng oras pagdating sa kanila.
Kaya nang makita niya ang saya nito habang kasama ang kanilang Tito Javier ay sinuportahan niya ito, dahil alam niyang nararapat lang na maging masaya ito.
Ngunit hindi naging madali ang lahat. Marami ang humuhusga sa kanilang Tito Javier dahil sa dinami-dami ng babae sa mundo ang napili pa nito ay iyong may anak na.
Hindi nagustuhan ng pamilya nito ang kanilang ina.
“Tito, hindi ka ba naiinis sa sinasabi ng ibang tao? Dapat raw ibang babae na lang ang pinili mo, hindi si Mama na may mga anak na. Gwapo ka naman daw po at maraming pera kaya siguradong may mahahanap ka pa pong iba,” minsan ay usisa niya sa lalaki.
Matagal itong nanahimik bago umiling at nagsalita.
“Hindi. Bakit naman ako makikinig sa sinasabi ng ibang tao, wala naman silang dulot sa buhay ko? Hindi naman nila ako kilala at mas lalong hindi nila kilala ang Mama mo. Ako ang higit na nakakakilala sa babaeng minahal ko. Mabuti siyang ina sa inyo at mabuti siyang tao. Iyon ang mahalaga sa akin.”
Napalabi si Sandra. “Eh paano po kung pamilya niyo mismo ang ayaw sa mahal niyo?”
Ngumiti ang lalaki.
“Kung pamilya ko talaga sila, susuportahan nila ako kung saan ako magiging masaya. Dahil iyon ang ginagawa ng pamilya.”
Doon niya napatunayan na mahal talaga nito ang kaniyang ina kaya naman nang sabihin ang tungkol sa pagpapakasal pagkatapos ng apat na taon ay si Sandra ang pinakamasaya.
Anak ang turing nito sa kanilang magkakapatid habang tunay na tatay naman ang turing nila rito. Sabik na sabik silang magkakapatid na magiging legal na nilang kapamilya ang lalaki.
Ang labis na pagtutol ng mga magulang ng kanilang Tito Javier ay wala ring nagawa.
Subalit isang trahedya ang pumutol sa pagmamahalan ng Mama nila at ng kanilang Tito Javier.
Ilang araw bago ang kasal ay naaksidente ang sasakyan ng dalawa, na naging dahilan ng kanilang pagkasawi.
Hindi pa man sila nakakapagbabang luksa nang puntahan sila ng pamilya ng kanilang Tito Javier para lang palayasin sila. Galit na galit ang ina nito, at sinisisi nito ang kanilang ina.
“Ngayong wala na ang anak ko, wala na rin kayong karapatan manatili rito. Hindi naman niya kayo mga tunay na anak! Kasalanan ito ng malandi niyong ina, malas siya! Kung hindi siya nakilala ng anak ko, baka buhay pa si Javier ngayon!” naghihinagpis na sigaw ng matanda.
Napilitan silang umalis na walang dalang kahit ano maliban sa larawan ng mga magulang nila.
Dahil musmos pa sila, wala silang ibang magawa kundi mamalimos upang may makain at matulog sa kalsada tuwing gabi.
Bilang nakatatanda ay sa balikat niya nakaatang ang responsibilidad. Kahit na mahirap ay pinilit niyang maghanap ng mapagkakakitaan. Mula sa paghuhugas ng pinggan sa karinderya, pagbabantay sa tindahan, at kung ano-ano pa.
Lahat ay ginawa ni Sandra para lang makapagrenta sa isang maliit na kwarto para sa kanilang magkakapatid.
Matapos ang katakot-takot na hirap, sa awa ng Diyos ay nakatapos siya ng pag-aaral. Unti-unting nagbago ang dati nilang buhay. Kahit paano ay umalwan sila lalo pa’t nakahanap siya ng maayos na trabaho.
Ngunit sa puso ng magkakapatid, alam nila na may kahungkahan na hindi mapuno ng kahit na ano. Ang pagkakaroon ng pamilya na mag-aaruga sa kanila.
Hanggang sa isang araw, isang panauhin ang dumating sa bahay nila. Ang kapatid ng kanilang Tito Javier.
“Anong ginagawa niyo rito?” malamig na tanong niya. Muli kasing rumagasa sa alaala niya ang hirap na dinanas nilang magkakapatid nang ipagtabuyan sila ng mga ito.
Halos magmakaawa ito. “Pwede bang puntahan niyo si Mama sa ospital? Gusto lang kayong makausap. Pakiusap.”
Hindi alam ni Sandra kung paano sila nito nakumbinsi ngunit nang dumating sila sa ospital ay napag-alaman nila na may sakit ang matanda at nakaratay na sa kama ng matagal ng panahon.
“Nandito na pala kayo. Ang tagal ko kayong hinanap,” halos pabulong na wika ng matanda.
Mukhang mahinang-mahina na ito. Malayo ang itsura nito sa malupit na babaeng nagpalayas sa kanila noon.
Nagkatinginan silang magkakapatid.
“Hindi po ba’t pinagtabuyan niyo kaming magkakapatid noon?” Hindi mapigilang sumbat niya sa matanda. Naglandas ang luha sa mga mata ni Sandra, lalo pa’t siya ang sumalo ng lahat ng hirap para sa kaniyang mga kapatid.
“Noong pinalayas ko kayo, halos gabi-gabi kong napapanaginipan ang aking anak. Hindi siya galit ngunit napakalungkot ng kaniyang mga mata. Noon ko napagtanto na napakalaki ng kasalanan ko sa kaniya at sa inyo. Naging makasarili ako, at inuna ko ang galit. Hindi ko man lang naisip na nawalan kayo ng magulang, lalo pa’t parang anak na kung ituring kayo ni Javier. Patawarin niyo ako!”
Napakalakas ng hagulgol ng matanda. Gaya ng hagulhol nito noong biglaang nawala ang bunsong anak nito. Ramdam na ramdam nila ang labis ang pagsisisi nito sa ginawa nito sa kanila.
Noon napagtanto ni Sandra na hindi rin naging madali ang lahat para sa matanda. Nawalan ito ng anak. Nagkatinginan silang magkakapatid at ngumiti nang matamis. Tila bulang naglaho ang hinampo sa kanilang mga puso.
Hinawakan niya ang kamay ng ginang bago ngumiti rito.
“Tapos na po iyon, pinapatawad na po namin kayo. Alam po namin na ito ang gugustuhin ni Tito Javier, kung buhay lang siya. Siguro po ay itinadhana lang talaga na mamuhay kami sa hirap, dahil nais nila na maging malakas kami. ‘Wag niyo pong sisihin ang sarili niyo… Lola,” aniya sa matanda.
Lalo lamang napahagulhol ang matanda. Sising-sisi dahil pinabayaan niya ang mababait na magkakapatid.
“Babawi ako sa inyo, mga apo. Ibibigay ko ang pamilya na ipinagkait ko sa inyo noon,” pangako ng matanda.
Tinotoo naman nito ang pangako. Itinuring sila nito na parang tunay na kadugo, kagaya kung paano sila itrato noon ng kanilang Tito Javier. Muli nilang naramdaman ang saya ng pagkakaroon ng pamilya, lalo pa’t malaki ang angkan ng kanilang Tito Javier.
Wala nang mahihiling pa ang magkakapatid. Alam nila na tapos na ang madilim na bahagi ng kanilang buhay.
At kung nasaan man ang kanilang Mama at Tito Javier, alam nila na nagdiriwang din ang dalawa.